Wednesday, December 21, 2011

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 23, 2011

Mga Pagbasa: Mal 3:1-4.23-24   / Lucas 1:57-66

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

Gayak na sana akong mamuno sa isang pag-akyat muli sa bundok sa Benguet matapos ang Pasko,  sa Mt. Pulag, ang ikalawang pinakamataas ng bundok sa Pilipinas, sunod sa Apo. Subali't sa mga araw na ito, bukod sa sinapit ng mahigit isang libo sa Mindanao, at marami pang tumatangis at naghihirap, at sapagka't pati sa hilagang Luzon ay tila wala pa ring tigil ang ulan, hindi angkop na kami ay sumuong sa panganib para lamang makipagniig sa kalikasang nagmamaktol, kumbaga.

Kinancela ko na ang aming lakad. At gagamitin ko na lamang ang panahon sa paghahanda para sa isang serye ng seminar na aking ibibigay sa Hong Kong sa unang Linggo ng Enero sa bagong taong darating.

Isang pagdadalisay ang proseso ng pag-akyat sa bundok. Bago pa man gawin ito, matinding preparasyon ang kinakailangan ... pagbabawas ng timbang, pagsusunog ng taba, at pagsasanay ng buto at kalamnan upang mabata ang walang patid na tila pag-akyat sa walang katapusang hagdan patungo sa alapaap. Bukod sa rito, ang kasanayang umiwas sa mga balakid, sa mga natural na patibong saanmang dako, ang maging bihasa sa pag-iwas sa potensyal na mga panganib, lalu na ang kakayahang manguyabit at gumapang sa mga lugar na kung ikaw ay madulas ay isa ka nang estadistika pag-uwi, kung iuuwi ka ng mga kasama mo.

Ang pagdadalisay na ito ay mahirap. Mahirap magbawas ng timbang. Mahirap magpatatag ng mga kalamnan at kasu-kasuan. Mahirap magpawis at magbanat ng mga butong matagal nang napahinga sa trabahong mental ay trabahong laging nakaupo at nag-iisip.

Nguni't tapatin natin ang sarili. Kailangan natin tuwina ng pagdadalisay. Kailangan natin ng walang tigil na pagpapanibago, walang katapusang pagsisikap maging higit pa, lampas pa, at lalu pang mahusay sa lahat ng aspeto ng buhay.

Ito ang isang tinutumbok ng unang pagbasa halaw kay Propeta Malaquias. May halong takot at pangamba ang mga larawang ikinikintal niya sa atin. "Sino," aniya, "ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya'y nagpakita na?" Larawan ito ng sugong mananakop na magpapamalas ng tiyakang paglilinis, tiyakang paghahanda, at hindi isang larawan ng isang sugong patumpik-tumpik ang malamya sa paghahanda sa mga taong naghihintay sa kanyang pagdating.

Ito ang larawan ng isang sugong hindi patay-patay kumbaga, hindi urong sulong, at lalung hindi tila isang jellyfish na walang buto at walang kalasag na matigas at matibay.

Heto ang tinutumbok ni Propeta Malaquias. Ang sugong darating ay may mga hinihingi sa atin, may mga dapat tayong gampanan at gawin, at may mga dapat na mga alituntunin.

Hindi ito isang pasyal lamang sa Luneta o sa ilalim ng buwan. Ito ay may kinalaman sa tama at wastong pag-uugali at pamumuhay. At para marating ang wasto, ay dapat magdaan sa pagdadalisay.

Walang lantay na ginto ang hindi magiging puro at dalisay kung hindi manggagaling sa isang lantayan, sa isang proseso ng paglilinis, pagpapakabuti, at pagdadalisay. At alam nating lahat na ang lantayan ng ginto ay hindi lamang nakukuha sa ihip ng hangin. Hindi ito nakukuha sa simpleng pagtatahip, o pagpapahangin lamang tulad ng pinahahanginan ang bagong bayong palay. Ang lantayan ng ginto at pilak ay pinadadaanan ng matinding apoy, at tanging sa pamamagitan lamang ng apoy, nagiging dalisay at lantay ang ginto at pilak.

Ang ating bayan ay matagal nang nagdadaan sa matinding lantayan. Hanggan ngayon, tayo ay sinusubok at pinadadalisay sa maraming mga suliranin at problema, at mga trahedyang patung-patong. Sa makamundong pagkilatis, tila walang katuturan ang mga suliraning ito. Nguni't sa mata ng Diyos, ang lahat ay may kabuluhan, may katuturan, may dahilan, at may patutunguhan.

Tumatangis ang marami ngayon sa trahedyang naganap sa Mindanao. Tumangis na tayo di lang miminsan sa Ondoy at Pepeng, sa Marikina at sa Bulacan, at sa marami pang lugar na binisita ng matinding trahedya. Di man tayo natuto sa una, sa ikalawa, sa ikatlo, o sa mga susunod pa, malinaw sa mata ng pananampalataya na tayo ay dapat magising, tayo ay dapat matuto, at tayo ay dapat tumalima sa kalooban ng Diyos. At walang dalisay na ginto at pilak na hindi hinulma sa lantayan sa pamamagitan ng matinding init at apoy ng pagdadalisay.

Dangan nga lamang at hindi apoy ang dumadalisay sa atin, kundi sunod-sunod na baha. Pero iisa ang dapat nating matutunan sa lahat ng ito. Tinatawagan tayo sa isang panibagong buhay. Tinatawagan tayo upang matutong sumunod, matutong maging maka-Diyos, at matutong iwaksi ang lahat ng uri ng kabuktutan, kaswapangan, at panlalamang sa kapwa tao.

Maliwanag na matinding liksiyon ang naghihintay sa atin - ang iwaksi ang pagbebenta ng lupa sa mga alam na nating lugar na daanan ng tubig, ng mga lugar na hindi dapat tinatayuan ng mga bahay. Maliwanag na dapat nating matutunan na ang puno ay hindi na basta na lamang at sukat at walang habas na tinatabas at pinatutumba, para lamang sa ikayayaman ng kaunti. Maliwanag rin na dapat nating tanggalin sa puwesto ang mga namumunong tampalasan at silang pasimuno sa lahat ng uri ng panggagahasa sa kalikasan. Maliwanag rin na ang buhay ng tao ay dapat natin pahalagahan, at hindi itrato bilang animal, bilang insekto na puede paglaruan ng mga banyagang ang tanging pakay lamang ay panatiliin ang level ng kanilang luho at pansariling kapakanan.

Maraming liksyon ... sanlaksang aral ... sandamakmak na pawis at luha ang kailangan. Wala tayong ibang daan liban sa daang tinahak ng Mananakop. Ang daang ito ay tila daan ng parang apoy na nagpapadalisay, hindi lang sa bakal, kundi sa kabuuan ng ating pagkatao.

Halina, Panginoon, at papadalisayin kaming lahat, ayon sa iyong anyo at wangis!

No comments:

Post a Comment