Unang Araw ng Simbang Gabi
Disyembre 16, 2011
Mga Pagbasa: Isaias 56:1-3.6-8 / Jn 5:33-36
N.B. Aking sisikaping muli na gumawa ng kahit maikling pagninilay sa siyam na araw ng Simbang Gabi. Pasensiya na kung hindi ko magampanan sa buong siyam na araw, pero heto ang unang patak!
Hirap kaming mga pari ngayon mag-isip ng homiliya. Dalawa na kasi ang simbang gabi – simbang gabi na tunay na gabi, at simbang gabi na sa madaling araw. Ayon sa striktong batas ng liturhiya, ang pagbasa sa “gabi” ay iba sa pagbasa kinabukasan. Pero, walang problema, yamang ang kalimitang nangyayari ay ito … tematiko ang malimit nagiging paksain sa homiliya tuwing simbang gabi.
Kung gayon, ano kayang tema ang maaaring bigyang-pansin ngayon?
Ang homiliya, kahit papaano, ay dapat mag-ugat mula sa Salita ng Diyos, o ito ay isa lamang talumpati. Ikalawa, bukod sa dapat naka-ugat sa Salita ng Diyos, dapat rin itong kaakibat ng buhay ng tao. Nagsasalubong, kumbaga dapat, ang larangan ng Diyos at ang larangan ng tao. Kung hindi nagtutugma ang dalawa, ito ay isa lamang sulatin … maganda man at nakatatawag-pansin, ay hindi nakapag-aangat at nakapaghahatid sa Diyos. Kung sobra naman ang larangang makatao, ito ay walang iniwan sa isang kampanya. Kung panay naman larangan ng Diyos, ito ay lumulutang at walang kaugnayan sa buhay ng tao, sa mundong ibabaw.
Isa sa paksa ng unang pagbasa mula kay Isaias ay ang namumukod-tanging karanasan ng bayan ng Diyos – ang dakilang pagkatapon sa Babilonia. Ito ang pinakamapait na karanasan ng bayan ng Diyos – ang malayo sa templo, ang malayo sa bayan, at matanggal sa kinasanayang uri ng pamumuhay sa pamamatnubay ng Diyos.
Ito ang pagsubok na kinasadlakan ng Israel. Ito ang pagsubok na paulit-ulit rin nating kinasasayuran. Ito ang larangan ng buhay nating walang puknat na sinusubok ng sobrang politika, sobrang kasibaan, sobrang pagkamakasarili – nino? Nating lahat … “sapagka’t ang lahat ay nagkasala at hindi naka-abot sa antas ng luwalhati ng Diyos!”
Matindi ang pinagdadaanan natin ngayon – ang pagbabangay ng tatlong sangay ng pamahalaan, ang tila away ng mga dambuhalang mayayaman, o grupo ng taong kanya-kanya ang balakin at panukala, at kanya-kanyang pang-unawa kung ano ang tama, at sino ang mali ay maysala. Sa katumbas na ito ng isang pagkatapon na masahol pa sa Babilonia, alam natin kung sino ang talo … walang iba kundi ang walang kamuang-muang, ang mga salat, ang mga walang kinalaman sa mga away ng mga malalaking tao.
Nguni’t bagama’t alam na ninyo sa tuwing sasapit ang simbang gabi, nais kong ulitin … nais kong idiin – ang katotohanang pahayag ni Isaias – ang pag-asang naghihintay para sa mga sumasampalataya, para sa mga tagasunod ni Kristong Mananakop, pag-asang tila hindi natin mahagilap, pag-asang tila laging mailap, at pag-asang halos walang talab sa ating buhay!
Subali’t ito ang matunog na pahayag ni Isaias: “Ang pagliligtas ko’y di na magluluwat, ito ay darating, ito’y mahahayag sa inyong paningin.”
Alam nyo, may bentaha rin na ako ay mas matanda sa marami sa inyo. Marami na akong nakita; marami na akong naranasan; marami na akong napuntahan. Marami na rin akong kabiguan, at marami rin akong tagumpay, tulad ng maraming kapaitan sa buhay. Tandang-tanda ko pa ang malimit kong marinig sa mga matatanda sa aming munting bayan sa Mendez, Cavite noong araw … “pasasaan ba’t makatatawid rin tayo sa kabila … pasasaan ba’t makararating din tayo.”
Marunong kaming maghintay. Marunong kaming mag-agguanta, magtiis, magtimpi, at magpaliban ng kagyatang kaligayahan.
Narito, para sa akin ang sikreto ng pag-asang maka-Kristiyano – ang kakayahang maghintay, magtiis, mag-agguanta, at magtimpi bago ibulalas ang buong pagnanasa at bigyang katuparan ang lahat ng pinipita. Marunong kaming magtanim ng pithaya sa puso. Maalam kaming magtiis kahit ang sanghaya, ang nilalaman pusong nagnanasa, ay wala pa, ilang taon pa, ilang buwan pa, o ilang tulog pa!
Mahaba pang landas ang tatahakin natin bilang Pinoy. Malayo pang lakbayin ang naghihintay sa ating lahat bago marating ang pinipithaya ng puso. Mahabang pagtitiis at pagsisikap pa ang dapat gawin, dapat bagtasin, dapat tahakin.
Subali’t hindi ito ang tunay na magandang balita. Ang magandang balita ay napapaloob sa puso ng mga taong tulad natin, na handang magtiis, handang makinig, handang umasa, at handa ring gumawa, gumanap, magpagal, at magsikap upang itong ating hinahanap ay maging totoo sa ating bayan, sa ating lipunan, sa ating pamayanan.
May pag-asa pa ba kaya tayong mga Pinoy? Ang sagot ni Isaias ay malinaw. Ang tugon ni Isaias ay pinatunayan ng kasaysayan. Dumating ang Mananakop. Dumatal ang Mesiyas. Sumaatin ang Panginoon, naging tao ang Verbo, at nakipamayan sa atin. Ang kasaysayan ay nasa panig ng taong may mabuting kalooban. Totoo ang pangako. Tunay at ganap ang siyang nangako, kahit na siya ay namatay at napako, ang pangako ay kanyang ganap na inako at pinatotohanan.
Pagpapatotoo … Ito ang ginawa ni Juan Bautista. Katulad lang ba siya ng mga parang dagang nagsusulputan ngayon upang ipako sa kahihiyan ang mga dating makapangyarihan? Katulad lamang ba siya ng mga taong parang mga mp3 players na iisa naman ang sinasabi at pinatutunayan?
Hindi … hindi siya isang mp3 player lamang … hindi tulad ng isang iPod touch na paulit-ulit ang mga musikang pinatutugtog. Siya ay nagpatotoo, tungkol sa katotohanan, pansamantalang nagliwanag, ngunit tumuon at nagturo sa tunay at walang hanggang liwanag ng sanlibutan.
At, sa bandang huli, may napala ba ang nagpatotoo? Meron … pinugutan siya ng ulo ng mga tampalasan, pero ano ang naging bunga ng kanyang patotoo?
Di nagluwat … dumating … naganap!
No comments:
Post a Comment