Araw ng Pasko (B)
Disyembre 25, 2011
Mga Pagbasa: Is 52:7-10 / Heb 1:1-6 / Jn 1:1-5.9-14
Marami tayo ngayong natututunan sa mga naganap sa nakaraang linggo. Marami tayong naririnig, maraming nalalaman ... At ang isa rito ay walang iba kundi, pareho pa ring sobrang pamumulitika ang sanhi ng pagkamatay ng marami sa Cagayan de Oro at Iligan.
Mahirap ikubli ang bagay na madaling mamalas. Mahirap itago ang bagay na kagya't rin namang nahahayag, kapag ang crisis ay sumagi sa ating buhay. Dito nakikita kung anong uri ng pinuno mayroon ang bayan, kung anong uri ng tao ang naghahawak ng panunungkulan, at kung ano-anong palusot ang paiiralin, maiwasan lamang ang pananagutan.
Marami na rin tayong pinagdaanang trahedya. Sa Cherry Hills subdivision, lumitaw ang napakaraming sisihan. Lumabas ang mga gumawa ng isang bagay na hindi makatatagal sa tulad na pinagdaanang calamidad. Sa Ozone disco, maraming imbestigasyon ... maraming mga pag-aaral, at marami ang diumano'y dapat managot. Dumaan ang Pepeng, sumirit and Ondoy. Daan-daan ang namatay, subali't wala pa rin ang nanagot. Wala pa ring hustisya, at wala ni isa mang nagputol ng puno sa gubat ang pinatawan ng anumang parusa.
Sa araw na ito ... araw ng kagalakan, araw ng pasasalamat, gustuhin man natin kalimutan ang naganap, ay hindi makatkat sa isipan natin ang mga larawang tumambad sa ating paningin. Hindi ko sanang pabigatin pa ang inyong mga damdamin, subali't tungkulin ko bilang Pari ang magbigay kahulugan sa nagaganap sa buhay natin ayon sa liwanag ng ebanghelyo, ayon sa liwanag ng pananampalatayang Kristiyano.
At ito ang simula ... namalas natin ... nabanaag natin ... ang alin? ... ang siyang ipinahayag sa mula't mula pa - ang pangakong naghihintay ng katuparan at kaganapan ... ang pangakong sanggol na isisilang mula sa angkan ni David, na siyang pinangunahan ni Juan Bautista bilang tila isang "advanced party" o tagapagbalita.
Subali't mas madaling mamalas ang anumang malas, ang anumang masama, ang anumang lisya sa kagandahang kaakibat ng ating pagkakilala sa Diyos. Sabi nga nila, kapag ang isang aso ay kumagat sa isang tao, hindi balita ito. Hindi ito kikita. Pero kapag ang tao ang kumagat sa aso, ito ang balita ... ito ay isang scoop ... isang balitang aalingawngaw sa alapaap at sa internet.
Ang gawang mabuti, ayon kay Shakespeare, ay malimit inililibing kasama sa mga buto ng gumawa, pero ang gawang masama ay nananatiling buhay sa alaala ng balana.
Ibahin natin ang balita ng Pasko. Hindi ito nakahanay sa mga posibleng maaring mangyari ... Ito ay isang katotohanang naganap, katotohanang namalas, nahayag, at naging totoo para sa katulad nating ang pag-asa ay nakatuon sa langit.
Marami tayong inaasam. Marami tayong hinihintay. Maraming tayong gustong mangyari. Ngayon pa man, ang mga mahihilig sa mga electronic gadgets ay naghihintay na ng iPhone 5, ng lahat ng makabagong smartphone na ang nilalamang datos ay pawang nasa cloud, sa alapaap, at wala nang kailangang hard disk.
Nguni't ang bataya ng lahat ng ating pag-aasam at kakayahang maghintay ay naganap na ... dumating na ... isinilang na - ang Kristong Panginoon at Mananakop. Ito ang Pasko. Hindi lamang ito isang paggunita. Hindi lamang ito isang anibersaryo ng pagsilang. Hindi lamang ito isang birthday, o pagdiriwang dahil sa paggunita sa isang bagay na malayo na sa guni-guni at karanasan. Hindi ito tulad ng pag-aala-ala sa araw ng kalayaan.
Sa mga anibersaryo, sa mga paggunita at pagdiriwang ng pag-alala, walang nagaganap kundi ang pagbabalik-isip sa mga taong dapat ay makagunita. Sa araw ng Pasko, ang araw na hindi naman eksaktong araw nga ng pagsilang ng Panginoon, higit pa sa paggunit ang ating pakay ... higit pa sa mababaw na pag-alala. Ito ay hindi rin lamang isang pagsasadula ng bagay na gusto nating buhayin muli sa alaala.
Ito ay isang pagdiriwang na naglalagay sa isang pangyayari sa larangan ng personal at pangkalahatang karanasan ng lahat, ngayon, noon, bukas, at sa walang hanggang panahon.
Namalas natin... nabanaag natin ... naganap at nakita natin. At ito ang puno at dulo ng pangakong laman sa unang pagbasa: "Sa lahat ng bansa, ang kamay ng Poon na tanda ng lakas ay makikita ng mga nilalang, at ang pagliligtas ng ating Diyos ay tiyak na mahahayag."
Ito ang katiyakang ngayon ay idinideklara ni Juan: "Naging tao ang Salita at siya'y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan."
Tunay ito. Hindi ito isang larawan lamang. May "pulp bits" ika nga, hindi lang sound bytes, o digibytes. May kagat ... may kinalaman sa buhay natin noon, ngayon, at magpakailanman.
Naging tao ... nagkatawang-tao ... naging tulad natin at nakipamayan sa atin. Ito ang Pasko, pista ng katotohanan at kaganapan. Damang-dama at kitang-kita natin ang bunga ng kanyang pagkakatawang-tao - sa dami ng istorya ng kabaitan, at pagiging dakila ng maraming namatay sa baha. Sa kanilang nalalapit na pagpanaw, marami sa kanila ay nakagawa ng mga bagay na bayani lamang ang nakagagawa subali't nagawa nila. Nakuha nilang tulungan ang iba, kahit hindi nila kayang tulungan ang sarili.
Kitang kita natin ito sa napakaraming taong isusubo na lamang nila ay ibibigay pa sa mga nasalanta, mga taong hindi na humingi ng pagkilala, basta't makatulong lamang sa naghihirap. Damang-dama at kitang-kita natin na ang Diyos na nakipamayan sa atin, ay nananatiling buhay sa pamamagitan ng maraming nag-aasal bayani, nag-aalay ng sarili sa maraming paraan, at gumagawa ng tulad ng ginawa ni Jesus, na bagama't hindi siya tinanggap ay naparuon sa mundong makasalanan, upang tayo ay sagipin.
Pasko nga ngayon. Buhay ang Diyos. Buhay ang kanyang pangaral at halimbawa. Kasama ka ba sa nagpapamalas, nagpapahayag, at nagpapaganap sa Kaniyang halimbawa at pangaral?
No comments:
Post a Comment