Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 21, 2011
Mga Pagbasa: Zof 3:14-18 / Lucas 1:39-45
NAGMAMADALI, NAPUSPOS, NAGALAK!
Nagmamadali at nagkukumahog ang marami ngayon sa maraming bagay. Sunud-sunod ang Christmas Party, at patas ang listahan ng dapat pang gawin, dapat pang bilhin bago dumating ang Pasko. Puspos ng pag-asa ang marami, at paspas rin ang kilos ng higit na nakararami upang gawing masaya ang Kapaskuhan. Sa bawa't lansangan, sa bawa't tienda at pondohan, sa mga Malls at kainan, bakas ang galak sa labi, sa mukha, sa buong katauhan.
Payat man ang petaca, puyat pa rin at masaya tayo sa Simbang Gabi. Salat man sa karangyaan wala pa ring puknat ang niloloob na pag-asa ng Pinoy.
Nguni't nais ko sanang lahat tayo ay tumigil sumandali at magnilay ... parangal sa mga mahigit na isang libo nang alam nating namatay sa baha sa Iligan at Cagayan de Oro ... Huwag natin hayaan na ang ating pagmamadali, ang lahat nating kagalakan, ay pumawi sa puspusan rin nating pakikiramay sa pagdurusa ng ating mga kababayang wala nang susunod pang paskong paghahandaan, matapos ang isang malagim at mapait na pagdaluyong ng dilubyo sa kanilang pagkatulog.
Magpasalamat tayo at sa hiwaga ng kalooban ng Diyos, sa hiwaga ng pagdurusang sumasagi sa tao, dito man o duon, saanman at kailanman sa mundong ibabaw, tayo ay hindi kabilang sa mga sa sandaling ito ay tumatangis at naghihinagpis. Kung hindi sa biyaya ng Diyos, ay naruon rin tayo ... Kung hindi sa grasya at kaloob ng Maykapal, ay tayo man anumang sandali, ay maaring bawian ng buhay.
Sino ba naman ang mag-iisip na may eroplanong babagsak sa kanyang bubungan isang hapon ng Sabadong, nagpapahinga sila makatanghalian? Sino naman kaya sa atin ang mag-iisip na ang ulang bubuhos sa lugar natin sa ilang oras, ay katumbas sa ulang bumubuhos loob ng apat na buwan?
Sino sa atin ang tulad ng dalawang matandang si Zacarias at si Elisabet, na sa katandaan nila ay tumanggap na ng isang mahiwagang tungkulin mula sa Diyos? Sino ang mag-aakalang ang dalagitang si Maria, na ipinagkaloob ng kanyang butihing magulang na sina Joaquin at Ana, ang siyang hihirangin at susuguin ng Diyos upang maging Ina ng Mananakop? At sino sa atin ang makapagtutukoy nang tahasan na tayo ay makaaabot ng edad ni Joaquin, ni Ana, ni Zacarias at Elisabet?
Ewan ko sa inyo, ngunit ang mga naganap kaunting araw bago mag Pasko ay lubhang nagpalungkot sa akin. Ilang beses rin akong lumuha nang makita ko ang mga larawang mahigit pa sa isang libong kataga ang halaga - ang mga di inaasahang pasakit sa mga taong walang kamalay-malay ... ang paghihirap na binabata ngayon ng mga taong tulad natin, noong nakaraang linggo ay nagmamadali rin, puspos rin ng pag-asa at pag-aasam, at tigib rin ng kagalakan bago mag Pasko. Ilan sa mga batang namatay ang nagbibilang ng ilang tulog pa bago mag Pasko? Ilan sa kanila ang tulad natin ay nagmamadali at masayang naghihintay?
Mahiwaga ang balak ng Diyos. Mahiwaga ang naisin at kaloob ng Diyos. Walang naka-uunawang lubos na tao, at pati kaming mga pari ay halos maubusan ng salita upang bigyang liwanag ang bagay na taal at tahasang walang katuturan, batay sa makataong pagtingin at pagkilatis.
Nguni't minsan ko pang sasabihin ... Ito ang dahilan kung bakit tayo ay naparito. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay patuloy na nagmumuni sa Kanyang Salita. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay nagbubulalas pa rin ng papuri at pasasalamat sa Kanyang Panginoon ng buhay at kamatayan.
Sapagka't wala tayong iniwan kay Maria ... nagulumihanan, nagtaka, nabalisa. Wala tayong iniwan kay Joaquin, kay Ana, at lalu na kay Zacarias at kay Elisabet - matatanda nang dapat sana ay nakaupo na maghapon sa tumba-tumba at nagmamasid na lamang sa pagdaloy ng panahon.
Tayong lahat ay lubhang nangangailangan ... mga taong nabubuhay na nalulukuban ng kadiliman, at sa kadilimang ito ay pinagkalooban ng isang matinding kaliwanagan, sa pamamagitan ng pangakong Mesiyas na isisilang!
Mabigat na pananagutan ang tinanggap ni Maria... Hindi niya maarok ... hindi niya maubos maisip. Subali't sa kanyang kagulumihanan, ay nakuha pa rin niyang gumawa ng hinihingi tuwing ang kapwa ay mayroong higit na matinding pangangailangan. Sa kanyang kasalatan, sa kanyang pagiging kagampan rin, sa kanyang kahirapan, ay nakuha niyang "magmadali." Nakuha pa rin niyang akuin na siya nga ay "puspos" ng biyaya mula sa itaas, at sa kanyang kagalakan, ay nakuha pa rin niyang ibahagi ang kanyang angkin at tinanggap na yaman mula sa kaitaasan.
Puspos ng biyaya, paspas rin siya sa pagtulong sa kapwa, kay Elisabet, na katulad niya ay lubha ring nangangailangan, kundi naguguluhan. Sa Latin, may kasabihan, "manus manum lavat." The hand washes the hand. Subukan ninyong maghugas ng isa lang kamay... Di ba imposible? Subukan ninyong hugasan ang dalawang kamay ... Ito ang tama, ang kamay ang siya ring naghuhugas ng kamay.
Ang mahihirap ang siya ring tutulong sa mahihirap. Ang salat ang siya ring handang aminin na sila ay puspos ng biyaya, at handa rin magpasalamat. Ang mga puno na ng kung ano-ano, ay wala nang puedeng tanggapin ... wala nang puede pang punuin ... nguni't ang salat ay madaling mapasaya, madaling magpasalamat, sapagka't alam niyang wala siyang taglay na anuman, na hindi niya tinanggap.
Todo es gracia. Todo es vida. Ang lahat ay biyaya. Ang lahat ay buhay. Ito ang turo ni Santa Teresa de Avila. Ang taong salat, nguni't tumatanggap na siya ay puspos ng biyaya mula sa Diyos, ay taong sagana, taong nagmamadali, puspos, at puno rin ng kagalakan.
Gawin natin ang paskong ito na pasko ng kapuspusan at kagalakan. Tayo na't magmadali, upang ang iba ay makadama sa pamamagitan natin, ng dakilang hiwagang ito ng Diyos na nagmamahal sa kabila ng lahat ng uri ng kaguluhan, kapighatian, at kasalanan ... at tayo ang una sa listahan niya.
Hindi ko maaaring tapusin ang pagninilay na ito na hindi ko ibabahagi ang nagpaiyak sa akin kahapon nang aking marinig. Noong ang eroplano ay bumagsak malapit sa kung saan ako naruon ngayon, sa Better Living Subdivision sa Paranaque, ang dalawang piloto na batid nilang sila ay tiyak na bubulusok pababa ay nagpakita ng maka-Kristiyanong "pagmamadali, kapuspusan, at kagalakan." Bago pa man bumulusok pababa ang eroplano, dalawang bagay ang kanilang ginawa: nagpaputok ng baril upang magbigay babala sa mga tao sa ibaba na sila ay malapit nang bumagsak. Ikalawa, hinablot nila ang bag na may lamang maraming pera at inihagis sa labas ng kanilang bintana upang kahit papaano ay may makinabang sa pera.
Para sa akin, sila ay mabubuting tao. Puspos rin sila ng biyaya. Sa halip na hayaang masunog ang pera, itinapon upang may makinabang. Nguni't hindi lamang ito ... ang biyaya ay nagbubunga ng biyaya ... grace upon grace .... may nakapulot ng bag ... hindi niya itinago ang pera ... hindi niya inangkin! May bunga ang gawang mabuti. Walang kaduda-duda! May bunga ang lahat ng ating pasakit at panimdim kung ito ay ating ihahanay at iuugnay sa paghihirap ng Diyos.
Buhay ang Diyos, at buhay ang biyaya. Buhay ang kawang gawa at kabutihan ... sa kabila ng lahat ... Halina't magmadali. Puspos pa rin tayo ng biyaya. Magalak sapagka't Siya ay darating!
No comments:
Post a Comment