Sunday, December 18, 2011

MAGLILIHI, MANGANGANAK, AT TATAWAGIN!



Ikalimang Araw ng Simbang Gabi(B)
Disyembre 20, 2011

Mga Pagbasa:  Isaias 7:10-14 /Lucas 1:26-38


Ayaw natin ng anumang bitin ... Gusto natin ay todo-todo, kompleto, hindi isang bagay na iniiwan kang naglalaway pa at umaasa pa ng higit pa. Noong bago pa ang Jollibee, hindi bitin ang bawa't order mo. Malaki ang balot ng kanin, (na kalimitan nuon ay hindi nauubos ng mga bata), at hindi tinitipid ang gravy. Ngayon, parang dadalawang subo na lamang ang kanin, at ang hamburger nila ay parang dadalawang kagat lamang.

Iyan ang dahilan kung bakit nauso ang UNLI rice ... pinauso ni Mang Inasal, na ngayon ay pag-aari na rin ng makapangyarihang bubuyog na nakausli ang puwet. Lahat ng UNLI ay kumikita, sa kadahilanan ngang ayaw natin ng anumang bitin o kulang.

Ayaw rin natin ng mga kwentong alanganin ang wakas, yung mga nobelang ang katapusan ay nakabitin sa ere, nakayangyang sa alanganin, at ang nanunuod ang dapat gumawa ng kanyang sariling katapusan. Wala na sa uso ang komiks noong araw na "wakasan" - walang "itutuloy" na nakakabitin.

Ayaw natin ng mga proyektong hindi tapos ... mga kalsadang sinimulan ngunit walang siguradong pagwawakas. Sa Bohol, may isang tourist attraction, sa Loboc ... isang tulay na tinutumbok ang isang lumang simbahan na kung natapos ay sana'y nawala na sa mapa ang matanda at mayaman sa kulturang simbahan. Bitin na bitin ... isang malinaw na palatandaan ng katiwaliang umaalingawngaw at hindi maikukubli.

Ayaw natin ng anumang kaunti na lamang sana ay tapos na. Kay raming mga nagsimulang mag master's studies at doctoral studies ... Karamihan sa kanila ay natapos lamang ang academics, pero walang thesis o dissertation. Ang kanilang degree? ABD ... anything but dissertation! Ito ang tunay na bitin ... puro simula, walang katapusan. Isang proyektong nabuksan, nguni't hindi nasaraduhan. Isang mithiing sinimulan, nguni't  walang katapusan, walang "closure," sabi nga natin sa Ingles.

Pues, tingnan natin ang kwento tungkol sa simula, o sa bukang liwayway ng kaligtasan ... isang kwentong may simula at may kaganapan! Di ba't ang Diyos mismo ang nagsabi na siya ay ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas? Di ba't sa bawa't bukang liwayway ay may takipsilim, at sa bawa't paggising ay may pagtulog, at sa bawa't simulaing taludtod ay may panghuling saknong? sa bawa't tula, sa bawa't awit, sa bawa't himig, may umpisa at may tapos ...

Di ba't sa bawa't maikling kwento na may kilos pataas, ay may kilos pababa (rising action and denouement?) Hindi bitin ... hindi kapos ... kundi taos, tapos, at lubos!

Ito ang pangakong binitiwan ng Panginoon sa pamamagitan ni Acaz - "Ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito'y tatawaging Emmanuel."

May simula - maglilihi. May gitna - manganganak. At may wakas - tatawagin siyang Emmanuel. Tuluyan, hindi ginitlian. Hindi pinigilan. Hindi tinutulan, at hindi pinagtaksilan ang batang ipinaglihi!

Magulo ang lipunan natin. Sapin-sapin at susun-suson ang suliranin. Di pa man natatapos ang marami, bigla namang naulit ang Ormoc, ang Ondoy, ang Pepeng, at ngayon ang Sendong. Paulit-ulit. Di na tayo natuto. Di na tayo nakabatid at nakatanda. Matapos rumagasa ang tubig mula sa bundok sa Tanay, at sa buong Sierra Madre, na ikinamatay ng napakarami noong Ondoy at Pepeng, heto na naman, sa Mindanao naman.

Nguni't isa lamang ito sa mga problemang hinaharap natin. Ang isa na mas masahol, sapagka't isang problemang moral ay walang iba kundi ito - ang pagpigil sa isang tuluyang kwento ng buhay ng maraming bata dahil sa balak na RH law. Simula pa lamang ay tepok na ang bata. Sa paglilihi pa lamang ay tigok na ang mga walang kamuang-muang. Kung sa paglilihi pa lamang ay binitin na at pinuksa na, paano pa kaya ang kasunod nito - ang panganganak? Paano pa kaya ang normal na katapusan ng kwento ng isang buhay, tulad nyo at tulad ko - ang mabigyan ng ngalan? Tulad ng tinawag na Emmanuel - ang Diyos ay sumasaatin?

Hindi na para sa atin ang pagsikapang maghanap ng masisisi sa trahedyang ito. Lahat tayo ay bahagi nito. Lahat tayo ay kasama nito. Tayong lahat ay mga taong pag minsan ay hadlang kumitil, handang sumiil, at handang pumigil sa paggawa ng mabuti. Tayo'y mga taong masakalanan, makasarili, at mapagkait.

Handa tayong kitlin ang buhay na hindi pa isinisilang upang ituloy ang sarili nating kwento ng pagpapasasa, at paghahanap sa sariling ikagiginhawa. Kwento lamang natin ngayon at dito ang may simula, may gitna, at may katapusan.

Ngayon pa man, dagsa na ang sisihan dahil sa trahedya. Sa mga sisihang ito, hindi napapansin ang mga tampalasang walang puknat na sumisila at naninira ng kalikasan, lalu na ng mga kabubatan at kabundukan. Sanay sila magtago. Sanay sila magkunwari. Nguni't alam ng lahat, na wala nang natitira halos na gubat sa bayan natin, at pati mga bundok ay napatituluhan ng mga tonggresista at mga  governator na walang alam kundi ang manira ng kalikasan para magkapera sila sa sunod na eleksyon, para sa kanilang sarili o sa mga anak, o sa mga apo hanggang sa mga apo sa tuhod. Sila lamang ang hindi bitin. Laging sagana. Laging kompleto. Panay labis at walang kulang. Sa maraming pagkakataon, parang sila lamang ang may karapatang "maglingkod sa bayan," diumano.

Ang tanging ni walang simula ay mga batang ipinaglihi, nguni't hindi kailanman ipanganganak sapagka't labag sa "kalusugan ng nanay," at lalung hindi mabibigyan ng pangalan.

Matindi ang pagkamakasalanan ng ating bayan. Nakasusuklam. Nakaririmarim. Sana'y sa ikalimang araw na ito ng Simbang Gabi, habang daan-daang libo ang tumatangis at naghihirap sa CDO, sa Iligan, at sa iba pang lugar sa Mindanao, ay matuto tayong magpasya na hindi payagan ang pag-aasal bitin, ang gawaing kitlin ang buhay, hindi pa man nabigyang pansin ng taong ang inuuna ay sarili, sa ngalan ng "kalusugan" at ang hinihingi (at binabayaran) ng mga banyagang makikinabang sa dambuhalang programang ito.

Hayaan nating ang Diyos ang siyang magpasya sa buhay, yamang Siya ang Diyos ng buhay at may akda ng buhay.

Halimbawang tumataginting ang isang dalagang nanganak sa pagkadalaga kumbaga, galing sa Espiritu Santo. May dahilan siya upang putulin rin ang kwento ng kanyang anak, kitlin, kundi man ang kanyang buhay, at pigilin ang katuparan ng balak ng Diyos. Nguni't hindi. Naglihi siya. Nanganak siya. At pinangalanan ang anak niya bilang Emmanuel - ang Diyos na sumasaatin. May simula. May gitna. At may katuparan!

No comments:

Post a Comment