Thursday, December 15, 2011

HANGGANG SA DUMATAL ANG TUNAY NA HARING SA SETRO’Y MAGTATANGAN


Ikalawang Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 17, 2011

Mga Pagbasa: Genesis 49:2.8-10 / Mt 1:1-17

N.B. Natutuwa naman ako at marami ang naghihintay sa aking “patak” sa buong siyam na araw. Salamat lalu na sa mga kapwa Pinoy na nagkalat sa mahigit na 120 bansa sa buong mundo. Marami sa aking tagabasa ay galing sa kanilang hanay! Huwag matakot, huwag mangamba! Malapit na ang kanyang pagdating!



Kung sadyang ukol, ay tiyak na bubukol, sabi nga namin sa Mendez, Cavite. Maaga pa man, sa mula’t mula pa ng kasaysayan ng bayang Israel, bago pa man naging Israel si Jacob, ang hula tungkol sa pamumuno sa kanyang lipi ay nahayag na … Ang kanyang anak na si Juda, diumano, ang siyang pagmumulan ng itatanghal na “tunay na Haring magtatangan ng setro.”

Mahalaga ang mangarap para sa isang tao. Noong kami ay mga bata pa, pangarap namin lahat ang maging ganito  o ganuon … makapag-aral sa Maynila at maging matagumpay sa ano mang larangan ng buhay. Tuwing malalapit ang pasko, bagama’t salat sa rangya at maraming bagay sa mundo, lahat kaming mga batang paslit ay nangangarap, naghihintay mabisita ni Santa Claus at maambunan ng kung ano mang kaloob na laman ng kanyang mahiwagang karuwahe sa alapaap!

Mahalaga para sa kaninuman ang matutong maghintay, matutong magtiis, at matutong umasa. Bagama’t tuwing Pasko ay hindi dumating ang pinaka-aasam na laruan, tuwing magpapasko ay patuloy kaming naghihintay, umaasa, at nag-aasam!

Ganito katibay ang pag-asa ng isang bata. Hindi nabibigo. Hindi nasisiphayo. At hindi nagtatampo kung wala mang dumating ayon sa kanyang inaasahan.

Subali’t iba ang maghintay sa isang bagay na hindi galing sa isang pangako, kaysa sa paghihintay sa anumang bunga ng isang matibay na pangako. Ang maghintay sa isang hindi naman ipinangako ninuman, ay maaring mauwi sa wala, sa kabiguan, sa kalungkutan.

Hindi ito ang diwa ng pag-asa ayon sa Banal na Kasulatan at sa tradisyon ng pananampalatayang Kristiyano. Kung tutuntunin natin ang kasaysayang isinasalaysay ng Biblia, ang hinihintay natin, ay tiyak … Tulad nga ng sinabi natin kahapon, di magluluwat, darating, magaganap!

Ang aking generasyon ay bihasa maghintay. Hindi mahirap para sa aking mga kababata ang mag-agguanta, magtiis, at maghintay. Sa Pilipinas, kaming mga isinilang 10 taon matapos ang giyera ay marunong magtimpi, sanay magtiis, at maalam umasa. Sanay kami mag-aral kahit sa ilawang ang tawag namin noong araw ay pirok-pirok, isang ilawang may gaas, na ang mitsa ay basahan, na ang liwanag ay pa-pirok-pirok, kumbaga!

At ang lahat ng ito ay may kinalaman sa pangako … pangakong naghihintay para sa mga nagsisikhay, nagsisikap, at nagbabanat ng buto tungo sa pag-angat sa antas ng pamumuhay!

Anong pangako ba ang binabanggit ko? Ang halimbawa ng mga magulang ko, ang pamulat sa amin ng mga matatanda noong araw, na nagsikap, nagbanat ng buto, at hindi nagwaldas ng pagkakataong maging edukado, makatapos ng kurso, at humanay sa mga kagalang-galang ng bayan, na tinitingala ng marami, sapagka’t naiangat nila ang sarili sa anumang kinasadlakang kapalaran. Kasama rito ang mga halimbawa ng mga simpleng magsasakang, sa kanilang kasipagan ay nakapag-paaral ng lahat ng anak, at naging dahilan sa kanilang tagumpay.

Ito ang pag-asang namamayani sa puso ng bawa’t Kristiano tuwing panahon ng Adbiyento, tuwing sasapit ang Simbang Gabi. Hindi ito batay sa isang guni-guni, o sa isang hungkag na pangarap lamang. Ito ay batay sa kasaysayan, isang kasaysayang sa mula’t mula pa ay nakita na, nasilayan, at nabanaag sa buhay ni Jacob, (Israel), ni Juda, na siyang angkang pinagmulan ni David, na siya ring lahing dinaluyan ni Jose, ni Maria, at ang kanyang anak na si Jesus.

Ito ang dahilan kung bakit tayong Pinoy ay napakasaya tuwing Simbang Gabi, tuwing magpapasko. Hindi bunga ito ng isang guni-guni o ampaw na pangarap. Ito ay bunga ng pagsilang, paglaki, pagpapakahirap at pagkamatay ni Jesus sa krus, at ang kanyang muling pagkabuhay.

Kasaysayang ito na walang patid, bagama’t galing sa isang sapin-sapin at salin-saling lahi magmula kay Abraham, hanggang kay “Jose, na asawa ni Maria, na ina ni Jesus na tinatawag na Kristo.”

Nais kong maging bahagi kayo ng aking pangarap. Nais kong maging kasapi kayo ng pangarap ng Diyos, nagkatotoo, naging tunay, … dumating, naganap, ayon sa kanyang pangako.

Lubha tayong naguguluhan ngayon … ang takbo ng politika natin ay walang pinagbago, walang iniwan sa datihan, parang walang pagbabago. Ito ang kasaysayang inuugit ng taong makasalanan. Ito ang salaysay ng buhay ng mga taong nasadlak sa dilim ng kabuktutan at lahat ng uri ng kasalanan!

Nguni’t ito mismo ang kasaysayang pinalitan, binaligtad, at binago ng pagsilang ng Mananakop. Ito ang kasaysayang inuugit, at inuukit ng biyaya, ng grasya ng Diyos, ng pakikipamayan niya sa atin at pagkakatawang-tao tulad natin, sa araw ng Pasko.
Masaya tayo sapagka’t naganap na. Masaya tayo sapagka’t ito ay magaganap pa, sa kanyang buong kaganapang binalak ng Diyos.

Kung gayon, tahan na mga katoto! Iangat ang mga mata, at ang puso sa pangarap na unti-unting nagaganap. Hindi tayo ngayon paapu-apuhap sa dilim, sapagka’t marunong tayong mag-agguanta. Marunong tayong magtiis at maghintay, “hanggang sa dumating ang tunay na Haring sa setro ay magtatangan!”

No comments:

Post a Comment