Tuesday, December 6, 2011

INGAY O PAGPAPATUNAY?



Ikatlong Linggo ng Adbiyento (B)
Disyembre 11, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 61:1-2.10-11 / 1 Tes 5:16-24 / Jn 1:6-8.19-28


Maraming ingay tayong naririnig sa kabi-kabilang dako. Mga ingay tungkol sa mga artistang biglang nagtungayaw, naghiwalay, at nag-iyakan sa TV … mga ingay tungkol sa mga testigong isa-isang sumusulpot mula sa lungga na parang mga dagang may naamoy na bagong kesong puedeng pagpiyestahan … mga ingay tungkol sa kinamumuhiang dating pinuno ng bayan na ngayon ay isa nang tampulan ng lahat ng uri ng panlalait at panlilibak.

Sari-saring ingay, iba-ibang sangay ng mga usaping iisa naman ang pinagmumulan – ang kasabikan ng taong pag-usapan ang buhay ng may buhay, at bilangin ang pera na hindi naman kanila, at kumilos na tila baga’y parang mga abogadong dalubhasa lahat sa batas, at may kanya-kanyang paghuhusga sa taong hindi pa man nalilitis ay napagpasyahan na ng balana, sa tulong ng mass media.

Maraming ingay tungkol sa napaslang na anak ng isang dating senador (isa sa ilang dosenang mga anak niya sa iba’t ibang babae). Maraming ingay tungkol sa pagkapanalo ni Pacquiao laban kay Marquez, na magpahangga ngayon ay hindi pa matanggap ng ilang Pinoy at ng kampo ng Mexicano. Maraming ingay rin tungkol raw sa kalusugan ng kababaihan, na kamukat-mukatan mo ay hindi kalusugan kundi ang pagpigil sa pagdami ng mga Pinoy ang pakay. Maraming sa likod ng ingay ay nagpapatunay diumano sa katotohanan, tulad nga ng mga testigong parang dagang nangagsipaglabasan mula sa lungga ng pagkukubli at katahimikan.

Ingay ba kaya ito lamang o walang halo at simpleng pagpapatunay?

Ingay ba ito na may halong sungay, at handang suwagin ang ano man maitumba lamang ang kinamumuhiang tao? Ingay ba ito, na walang iba kundi sangay lamang ng maitim na paghahangad upang panagutin ang dapat managot, at ipiit ang dapat magbayad sa mga krimeng bintang sa kanila?

Katotohanan ba kaya ang pakay ng lahat ng ingay na ito?

Wala akong maisasagot dito. Hindi ako lubusang nakapasok sa isyu upang maging isang bahagi ng malaking usaping ito ay maging bahagi ng mga nagmamakaingay sa kasong nabanggit.

Ako ay isang pari, guro, tagapayo, at manunulat, na nagpapatakbo rin ngayon ng isang maliit na paaralan. Nguni’t bilang pari at tagapayo, hangad ko lamang lumutang kumbaga sa lahat ng ingay na ito, at tingnan kung mayroon bang maitutulong ang Salita ng Diyos hinggil sa mga pangyayaring kumukuha ng ating pansin.

Ang aking tugon? Meron … merong aral ang mga pagbasa natin para sa buhay natin na nababalot sa ingay at iba pang uri ng kaguluhan.

Puno ng ingay ng kasinungalingan ang maraming mga pangyayari sa paligid natin. Hindi na natin masala kung alin ang tunay at alin ang ingay. Pati mga nagsasabing sila raw ay testigo ay papalit-palit ang salaysay, tulad ng kapatid mismo ng artistang pinatay kamakailan. Walang isang salita, at sanga-sanga ang dila sa pagsasabi ng mga magkakasalungat na salaysay.

Sa kabutihan ng Diyos, isa ngayong tao ang ibinubungad sa atin ng liturhiya upang tularan, upang maging huwaran … walang iba kundi si Juan Bautista.

Iisa ang kanyang salita. Hindi sanga-sanga ang dila, at lalung hindi nagsangay-sangay ang mga binibitawang salita. Nang tanungin kung sino siya, wala siyang atubiling sumagot: “Hindi ako ang Mesiyas.” “Hindi ako si Elias.”  “Hindi ako ang propeta.” At sa kabilang dulo ng pagtanggi ay isang malalim at tiyak na pagtanggap: “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.”

Malaking pangangailangan ng mundo natin ngayon ang isang hindi ingay ang dulot, kundi pagpapatunay. Balot na balot na tayo ng ingay. Hindi na tayo magkamayaw sa akusasyon at kontra akusasyon ng mayayamang pamilya sa Pilipinas, na nag-aaway daw para sa prinsipyo, nguni’t malinaw na ang pinag-aawayan naman ay pera, posisyon, at poder.

Kailangan natin ang maghalintulad kay Juan Bautista, na hindi napasailalim sa anumang may poder o kapangyarihan, bagkus nagbitbit ng sariling dangal at paggalang sa sarili. Sa halip na mag-ingay tulad ng lahat, siya ay nagbigay patunay. At ang kanyang patunay ay walang kinalaman sa isang bagay na nasusukat at natitimbang, hindi tungkol sa walang kapararakang naisin, kundi sa isang adhikaing walang kapantay dito sa lupang ibabaw.

Nagpatunay siya sa katotohanan tungkol kay Kristo. Nagpatunay siya hinggil sa katotohanang mapagligtas – ang katotohanan tungkol sa sugong Mesiyas na darating, na wala siyang kakara-karapatang magtali o magkalag ng mga sintas ng kanyang sandalyas.

Pagpapatunay. Katotohanan. Kaligtasang walang kaakibat na paghahanap sa sarili at mapanlinlang na ingay tungkol sa kapwa, liban sa simpleng patunay na si Jesus, ang kanyang Panginoon, ang Mesiyas na pinakahihintay.

No comments:

Post a Comment