Simbang Gabi, Ika-apat na Araw
Disyembre 19, 2011
Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7.24-25 / Lucas 1:5-25
Maraming tao ang naantig ang puso at damdamin sa isang video na nagpatanyag kay Lola Cevera, isang palimos na araw-araw nagtutulak ng kanyang kariton at nabubuhay sa kusang anumang ibigay ng sinumang makapansin sa kanya. Sa loob ng ilang araw, parang isang matinding mikrobyo o virus sa facebook ang video na naipaskil tungkol kay Lola.
Tunay na kalugud-lugod sa paningin, bagama't nakapanlulumo nating isipin at limiin. Matay nating isipin, ilang daan, ilang libo kayang Lola Cevera ang naglipana sa mga lansangan, na tulad niya, ay kailangang hindi lang kaawaan, bagkus tulungan? Ilan kayang matanda na dapat sana ay nagpapalubog na lamang ng araw sa katahimikan at konting luho, ang nagkakayod pa rin, sa bawa't araw na ginawa ng Diyos?
Nakapanlulumong isipin ... nakatatakot mabatid at malaman natin. Ang totoo kung minsan ay hindi lang masakit ... mapanuot rin, at mapagsuri ... tumitimo, hindi lang sa puso, kundi pati sa kalamnan at kasu-kasuan ng taong handang humarap sa totoo.
Panalangin kong ang bayan natin ay makapansin, hindi lamang kay Lola Cevera, kundi, pati sa lahat na ikinakatawan ng kahinaan, kawalang-kaya, at kasalatan ni Lola Cevera.
Tumbukin natin agad ang masakit na katotohanan ... dalawang uri ng tao ang mahina, walang kaya, at walang kalaban-laban sa mga malalakas, matitikas, matipuno, at walang pansin sa tunay na kahalagahan ng tao - ang matatanda (tulad ni Lola Cevera) at ang mga bata, lalu na ang hindi pa isinisilang!
Pero tingnan muna natin ang kwento ng ebanghelyo. Tinutumbok nito ang dalawang matanda, na nagpapalubog na ng araw ... si Zacarias at si Elisabet. Dapat sa dalawa ay naka-upo na lamang sa tumba-tumba, habang nanonood sa pagdaloy ng panahon at pagtakbo ng mga nagaganap sa kapaligiran. Dapat silang dalawa ay wala nang inaalala, wala nang pinoproblema, at wala nang dapat pang alagaan at panagutan.
Pero, ibahin natin ang mga taong "kalugud-lugod sa paningin ng Diyos." Ibahin natin ang taong may takot sa Diyos. Ibahin natin ang dalawang matandang, mayroong tunay na pinagtandaan, at tunay na may pananagutan.
Bagama't matanda, sila ay may dangal at pananagutan, may pinanghahawakan ... may tinutupad at pinaglilingkuran, ... may pagpapahalagang pinangangalagaan.
Dalawa silang matanda na hindi lang matandang walang silbi. Ayon kay Lucas, hindi lamang sila "kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kundi namumuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon."
At ito ay hindi lamang isang press release o pakawalang scoop sa mass media. Hindi lamang ito isang viral video na dahil sa isang may kayang nagpaskil ng video, ay natanghal at nakilala ng balana.
Tingnan natin kung ano ang kanilang ginawa. Inatangan pa sila ng Diyos ng isang pananagutan. Naglihi si Elisabet sa kanyang katandaan. Naging abalang ama si Zacarias sa kanyang kahinaan. Sa kanilang dapat sana'y panahon na ng pamamahinga, muli pa silang tinawagan ng Diyos, muli pang inaasahan, muli pang inatangan ng pananagutan - ang maging ama at ina ni Juan Bautista.
Paano na lang ang kanilang retirement? Paano na lang ang kanilang inipong pera sa bangko? Paano na lang kanilang pangarap na makabili ng condominium sa tabing dagat, sa Nasugbu, o sa Palawan kaya? Paano na lang ang inaasam sana nilang pagpapasasa sa sarili, tutal sila naman ay retirado na? at nakapangahoy na kumbaga?
Paano na lamang ang pag-aalaga ng isang bagong "asungot" sa buhay? Paano kaya nila itataguyod ang isang batang kailangan pasusuhin, kailangang arugain, kailangan paramitin at pakainin at pag-aralin? Ang lahat ng mga tanong na ito ay hindi biro, hindi isang nakatatawang pansing video, na matapos mapanood ay wala nang kinalaman sa buhay ng nakakita!
Ang mga pangambang ito ay walang iniwan sa pangamba ngayon ng mga tao, kung kaya't sang-ayon silang kitlin ang bawat buhay na nabubuo sa sinapupunan ... sobrang dami na raw ang tao, sobrang dami na raw ang mahirap, sobrang dami na ang nag-aagawan sa yaman ng mundo, at dapat pigilin na ang tao sa pag-aanak at pagpaparami. Hindi tamang sila ay lumabas at mabasa at baka dumaming parang gremlins.
Isipin natin sandali ... Kung si Zacarias kaya'y nakinig sa Senate investigation, o nakinig sa mga maka-kaliwang mga mambabatas, o sa mga madadamot at masisibang makapangyarihan na ayaw ibahagi ang kanilang yaman, matutuloy kaya ang drama ng kaligtasan? May dahilan ba kaya tayong magtipon tuwing simbang gabi at patuloy na umasa?
Dalawang bagay ang malinaw na liksiyon ng matandang tulad ni Lola Cevera, Zacarias at Elizabet, at ng mga walang kayang musmos, o batang nabubuo pa lamang sa sinapupunan ... pawa silang mahalaga sa Diyos. Kalugud-lugod sila sa paningin ng Diyos. Nguni't may ikalawang dapat tayong bigyang pansin ... hindi sapat ang pa-cute ... hindi sapat ang puro porma, at grandstanding tuwing Senate investigation o kampanya tuwing eleksyon ... hindi sapat na kalugud-lugod tayo sa paningin ng tao. Dapat rin tayong kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, at higit sa lahat, tulad ni Zacarias at Elizabet, na sa halip na maupo na lamang sa balconahe at uuga-uga sa tumba-tumba, ay nagbanat-buto pa, nagsikap pa, at nakipagtulungan pa sa Diyos, at namuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon."
Halina! Bumangon at gumising. Bata man, matanda, buhay na o binubuo pa sa tiyan, o uugud-ugod nang tulad ni Lola Cevera, ang lahat ay tinatawagan sa buhay na mahalaga at hindi natutumbasan ng anumang makamundong bagay na labag sa utos at tuntunin mula sa Panginoon.
No comments:
Post a Comment