Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 24, 2011
Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Lu 1:67-79
Nakarating na tayo sa pagwawakas ng ating pagpupuyat, o pag-bubukod ng panahon para sa pagsisimba (o pagbabasa ng mga pagninilay na ito sa maraming lugar sa buong mundo kung saan tayong mga Pinoy ay naruruon at walang Misa de Gallo). Napatda ang ating mga masayang pag-aasam at paghahanda sa ikalawang araw, nang mabunyag sa buong mundo ang trahedyang naganap sa Mindanao, higit sa lahat, sa Cagayan de Oro at Iligan. Nagulantang ang marami. Nawasak ang mundo nang maraming mga nasawian at nawalan ng lahat sa kanilang buhay. Nagkaroon ng malaking bahid ng kalungkutan at pag-aagam-agam ang dapat sana'y masayang paghihintay sa araw ng Kapaskuhan.
Subali't hindi yata maiaalis sa Pinoy ang pagiging matiisin, matapang ang loob, at matibay ang kaloobang pagharap sa sari-saring pagsubok. Magpahangga ngayon, bagama't halos hindi ko matingnan ang mga larawan at mga video, pati ang mga dramatikong pagliligtas ng mga buo-buong pamilyang nakalutang sa mga troso sa Iligan bay, at sa iba pang lugar, at ang kalunus-lunos na larawan ng mga nasawi at napatid nang biglaan ang kanilang pangarap at paghihintay, may nagsasabi sa aking tingnan pa rin at ipamahagi sa buong mundo ang katapangan ng kapwa natin kababayan.
May isang hibla ng kagandahang-loob ang nababasa at nahihinuha natin sa unang pagbasa - ang magandang balakin ni David na ipagpagawa ng tahanan ang kaban ng tipan. Bagama't tulad nang nasabi ko sa pagninilay sa Ika-4 na Linggo ng Adbiyento, na posibleng may halong yabang ang plano ni David, hindi pa rin natin maipagkakailang mayroon siyang isang magandang layunin, na bunga ng dinaranas niya noong kasaganaan.
Sinasaad sa pagbasa natin mula sa ikalawang aklat ni Samuel: "Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang bahay." Nguni't sa kanyang kapanatagan, ay hindi naglahong lubusan ang pag-iisip niya sa kapakanan ng iba, higit sa lahat, sa Diyos, na ikinakatawan ng Kaban ng Tipan, na nakalagak lamang sa isang tolda. Nagbunsod ito upang magbalak siyang gawan ng tahanan (templo) ang Kaban. Sa kanyang kabutihang-palad, ay nakuha rin niyang isipin ang iba, hindi lamang manatili sa pagpapasasa sa magara niya at panatag na kalagayan.
Ito ang nakikita ko ngayon sa bayan natin. Dagsa ang dating ng mga tulong na ipinagkakaloob ng mga panatag na naghihintay sa kapaskuhan. Kinancela ng AFP ang kanila "ball" o sayawan bilang pagdiriwang ng anibersaryo. Maraming nagpaliban o nagbawas ng kanilang mga Christmas Party para maipagkaloob na lamang ang gagastusin sa mga nasalanta. At ang karamihang tulong ay galing rin sa mga simpleng tao, sa mga walang masyadong kalabisan sa buhay, at wala rin masyadong inaasahan. Gaya ng nasabi ko na, ang mahihirap rin ang sila ring tumutulong sa kapwa mahihirap, at sa kabila ng matutunog na pangakong tulong mula sa mga naglilingkod, ay kalimitang nauuwi lamang sa tinatawag na "media moment" o "photo opportunity."
Puede nating mabasa ang magandang balitang nagkukubli ngayon sa katauhan ni David, at sa personahe ni Zacarias. Dalawang magkasalungat na larawan. Si David ay isang pastol ng kawan sa kanyang pagkabata. Sanay sa pagbabanat ng buto sa parang. Bihasa sa paghahatid ng kawan maging sa madilim at malamig na gabi. Si Zacarias ay bihasa sa templo, isang taong nakikipagtalamitam sa mga paham, sa mga marurunong at mga aral, at mga taong ang propesyon ay ang pagiging banal, at tagapaglingkod sa templo.
Ang simula ni David ay malayo sa karangyaan. Ang simula ni Zacarias, antemano, ay malapit sa larangan ng mga umuugit ng tadhana ng bayan ng Israel. Ngunit ang dalawa ay nagkahugpong at nagkapareho sa pagnanasa ng higit pa sa kanilang narating. Si David, bagaman at may halong kayabangan, ay nakaisip gumawa ng bagay tulad ng kanyang narasanan. Panatag na siya sa kanyang tahanan, at dahil dito'y ginusto niyang gawan ng templo ang kaban. Si Zacarias ay panatag na rin habang nagpapalubog ng araw. Wala na siyang inaasam pa. Wala na siyang iba pang pangarap.
Ngunit silang dalawa ay inatangan ng matinding pananagutan ... bilang Hari, at bilang Ama ng natatanging sanggol na may mas matindi pang panunungkulan. Hindi sila umurong sa responsibilidad. Hindi sila nagtago at nagpatumpik-tumpik bago harapin ang pananagutan.
Dito ngayon makikita ang tunay na awa at habag, tunay na pananampalataya o ang hungkag na pakitang tao lamang o ampaw na pananalita nating lahat. Dito mapapatunayan ang lalim at lawak at tayog ng ating pananampalataya. Dito makikilala ang tunay at ang peke, ang lantay na ginto o ang tanso, ang tunay na diamante o ang puwet lamang ng baso. To believe is to believe in, ika nga. Ang pananampalataya sa ating Diyos ay dapat mauwi sa pagtataya ng sarili para sa kanya at sa kanyang mga nilalang. Sa Latin, ang "fides qua" ay dapat mapagyaman ng "fides quae," at ang dalawang ito ay dapat laging magka-akibat. Ang pananampalatayang naghahatid sa atin upang ipahayag ang nilalaman ng ating paniniwala (fides quae) ay dapat kaakibat ng paniniwalang nagbubunsod sa atin upang kumilos, gumawa, at magpakitang gilas sa Diyos, una sa lahat.
Narito ngayon ang buod ng magandang balitang dapat nating baunin sa katapusang ito ng Simbang Gabi. Mag-asal David tayo. Huwag tayong maging panatag na lamang at masaya sa ating marangya at magandang katayuan. Huwag tayong manatili sa isang saloobing walang paki-alam at pakikibaka sa tadhana ng ating bayan. Huwag tayong masadsad lamang sa isang pamamalakad ng isipang, kung hindi malapit sa akin at hindi ko nakikita at nararamdaman ay hindi totoo, at wala tayong pakialam.
Matindi ang panawagan sa atin upang maki-alam sa maraming bagay - sa pagbabago ng klima, sa pagkakalbo ng ating mga kagubatan, sa walang habas na pagsisira sa lahat ng kaloob ng kalikasan, para lamang yumaman at kumita ng ilang pirasong pilak, sa isang uri ng politikang tanging sila lamang at sila lamang ang tila puedeng "maglingkod" sa bayan, mula se Lelong, hanggang sa Lolo, hanggang sa anak, asawa, apo, apo sa tuhod, at pamangkin at iba-ibang uri ng "inangkin."
Tinatawagan tayo upang magmalasakit, hindi lang sa tahanan ng kaban, bagkus sa kaban ng bayan, at kaban ng lahat ng ating kagandahang-asal bilang Pinoy. Inaasahan tayo, tulad ni Zacarias, na hindi nag-atubili, bagkus umako sa tungkuling dumating sa buhay niya, kung kailan dapat siya ay namamahinga na.
Higit sa lahat, tinatawagan tayong lahat, na matutong magpasalamat, sa kabila ng lahat, sa kabila ng susun-susong mga pagsubok. Karamihan dito ay gawa ng kapwa natin. Karamihan sa paghihirap ng marami ay bunga ng katakawan ng iba nating kababayan.
Ang pagmamalasakit na higit sa lahat ay dapat nating gampanan ay ang paglaban sa lahat ng uri at matinding kapangyarihan ng puwersa ng kasalanan, simula sa ating puso, simula sa ating kalooban, simula sa kaibuturan ng ating pagkatao.
May pag-asa ba? Oo ... hanggang tutulad tayo kina David na nakapagmuni-muni at siya pa ang sinabihang siya mismo ang bibigyan at gagawan ng Diyos mismo ng isang bahay na bato at walang hanggan! ... hanggang may kakayahan tayong mag-asal Zacarias, at hindi uurong sa pananagutan!
Maligayang Pasko sa inyong lahat!
No comments:
Post a Comment