Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Enero 1, 2012
Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lucas 2:16-21
Noong nakaraang dalawang taon, ang pamagat ko sa kapistahang ito ay “Pagdating ng Panahon.” Sa taong ito, binabalika ko ang isang salitang laging mali ang paggamit ng mga nagbabalita sa radio at TV – kaganapan! Pag ginagamit nila ang salitang ito, ang ibig nilang sabihin ay ang mga nagaganap sa kapaligiran, pero ang kaganapan ay nangangahulugang kabuuan, ang pagiging ganap na kompleto ng isang bagay o gawain, tulad ng kaganapan ng kaligtasan natin bilang tao.
Maraming kulang sa buhay natin. Maraming hindi ganap, hindi ayos, hindi tapos, hindi kompleto. Laging kulang ... laging bawas ... laging hindi sapat ang lunas, at laging mayroon pang hinahanap. Hindi naibigay lahat ni Santa Claus ang hinihingi ng mga bata. Para sa maraming lugar na nasalanta ng baha, wala ni anino ni Santa Claus ang nakita, bagkus anino at katotohanan ng kahirapan, pagluluksa, at kamatayan. Bagama’t ang matuwid na daan ang ipinangalandakan ng administrasyon, alam natin na pati ang mga tulong na galling sa ibang bansa ay nagagawan ng paraan, nahihilot, nagkukulang, at may ibang nakikinabang. Sa kabila ng sinasabing pagpupuksa ng katiwalian, alam natin kagabi na ang mga paputok ay patuloy na gumawa ng sari-saring mga problema para sa lahat. Alam nating may daan-daang naputulan ng kamay, o paa, o naging sanhi ng pagdurusa ng mga taong walang kamalay-malay.
Kapos ang lahat sa mundong ibabaw. Walang taong nagsasabing sapat ang kanilang pera at yaman. Wala pa akong naririnig na nagwika na labis-labis ang kanilang nakakamit o pinanghahawakan. Ang mga payat ay hindi lubos na payat, ayon sa kanilang kagustuhan, o dili kaya’y sobrang payat. Ang matataba ay sobra ang taba, o mataba sa mga maling bahagi ng katawan. Ang mga hirap ay laging nag-aasam, laging naghahanap, at laging naghihintay, at mga nanggigitata sa salapi ay gusto pang magkamal nang higit pa, bukod pa, at labis pa. Walang naging Mayor o Governor o Congressman o Senador na hindi naghangad na manatili sa posisyon at humigit pa. Walang labis; laging kulang! Hindi sobra; laging may puwang!
Nguni’t ngayong araw na ito, isang kaganapan ang naganap. Ito ang kaganapan ng panahon para sa Diyos, ang pagsusugo sa kanyang bugtong na Anak, sa pamamagitan ni Maria, Ina ni Kristo, Ina ng Diyos.
Sa paksaing ito, walang kulang, walang puwang, at walang guwang. Ito ang magandang balitang ipinamudmod sa mga taong may mabubuting kalooban. Nguni’t tingnan natin kung paano nangyari ang sinasabi nating naganap para sa ating kaligtasan?
Misteryo … hiwaga … parang kulang … parang mahirap paniwalaan, pero dapat nating tanggapin at pagnilayan.
Ang balita, diumano ay naganap nang dumating ang kaganapan ng panahon … Pagdating ng tamang panahon, nagsilang ang isang babae ng isang sanggol na lalaki.
Pagsapit ng kaganapan ng panahon, nangyari ang ipinangako niyang magaganap. Sa pamamagitan nino?
Ng mga taong hindi ganap … ng mga taong hindi labis, kundi kulang … mga taong walang kapangyarihan, at hindi nalulupasay sa kasaganaan. Ito si Maria, na sapagka’t hindi ganap ay pinuspos ng Diyos ng biyaya … ginanap, kinumpleto, itinangi at nilukuban ng Espiritu Santo .
Sino pa? ang mga pastol na hindi naman dapat nagbabalita at nagmamadali … mga taong nakatali kumbaga sa lupa tulad ng kanilang kawan… mga taong sanay maghintay, at hindi bihasang nagmamadaling pupulas tungo sa kung nasaan ang kabihasnan.
Ang mga taong salat, mga taong kulang, at walang anumang kalalabisan, ang siyang pinili ng Diyos. Sila ang tinawag. Sila ang sinugo. Sila ang inatangan ng magandang balita. At sapagkat sila ay bukas ang puso sa anumang marinig at makita, sila ang nagmamadali, nagtatakbo, at nagbulalas ng ibinulalas ng mga anghel mula sa kalangitan!
Ito ang kasagutan sa ating kakulangan. Ito ang pampuno sa ating kababawan at kabaliwan. Sa dami ng kulang at guwang sa buhay natin, kailangan natin ng biyaya mula sa itaas. Kailangan natin ng tunay na makapagbibigay-kasagutan sa lahat ng ating mga katanungan, sa makapagbibigay kahulugan sa isang buhay na tila walang kakabu-kabuluhan.
Sa gitna ng kadilimang ito na bumabalot sa ating lipunan, matapos ang susun-susong mga problema at sanhi ng kamatayang pisikal at moral, sa pagkawala ng katigan ng ating pamumuhay-moral dahil sa sobrang pagkabalisa upang punuin ang lahat ng kulang, at gumawa ng pera at yaman, maging galing sa nakaw at pandaraya ... kailangan natin ng balita mula sa mga pastol na marurumi at mababaho, ngunit nagbubusilak sa mata ng Diyos sapagka’t sila ay nagmadali at nagbalita.
Bagama’t hindi sila kagyat pinaniwalaan, at namangha ang marami sa kanilang mga sinabi at ipinagbigay-alam, kailangan natin ng mga pastol na nagtuturo sa tama, mga obispo at pari at katekistang naghahatid sa tama at wastong pamumuhay moral, at hindi mga taong nagmamadali lamang paramihin ang pera at palawigin ang kanilang kapangyarihan at panunungkulan kuno sa bayan.
Kailangan nating magdilang pastol, at hindi anghel, na magsasabi rin ng magandang balita na sa kaganapan ng panahon, ay sumilang na ang sanggol sa tulong ng isang babaeng ipinagpipitagan natin, si Maria, Ina ni Kristong Anak ng Diyos, Ina ng Diyos!