Monday, December 30, 2013

PUNO, SANGA, BUNGA, LUPA!

MARIA, INA NG DIYOS (A)
Enero 1, 2014

PUNO, SANGA, BUNGA, LUPA!

Maliwanag ang pagtutulad o paghahambing na ginamit ni Romano Guardini. Si Jesus daw, ay siyang puno, sanga, at bunga. Si Maria naman ay siyang lupa na kung hindi sa kanya ay hindi sana naganap ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos.

Hindi tamang ituring na magkatimbang ang puno, sanga, at bunga sa unang banda, at ang lupa, sa kabila. Hindi nilalang ng lupa ang buhay ng puno; at hindi mabubuhay ang puno kung hindi naka-ugat sa lupa. Tanging Diyos lamang ang may akda ng buhay at tanging Diyos din ang gumawa ng lupa at ng langit.

Hindi natin mapag-uusapan ang puno at bunga kung hindi rin natin pag-uusapan ang nakapaligid na lupa. Walang puno ang naka-ugat sa hangin; subali’t ang puno at ang lupa ay hindi magkatumbas at hindi magka-pareho.

Maraming satsat ngayon ang mga galit sa mga katoliko at galit rin kay Santa Mariang nagluwal kay Kristo. Paulit-ulit nilang bintang na walang katapusan na sumasamba raw ang Katoliko sa diyos-dyosan. Si Maria, aniya, at tama naman, ay isa lamang nilalang. Tumpak! Pero ang mali nila ay ang bintang na sinasamba raw natin si Maria! Mali!

Kung gayon, ano ba at may pista tayong dakila na patungkol kay Maria, Ina ng Diyos? Ito ba ay paglihis sa tunay na pagsamba sa Diyos na totoo? Ito ba ay isang idolatria?

Pues, nasagot na natin ito nang paulit-ulit. Pero gaya nga ng sabi, mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan; at mahirap utusan ang nagbibingi-bingihan! Ang ayaw maniwala ay laging may panlaban; ang bukas ang puso at isipan ay laging may batayan!

Ano ba ang batayan natin? Eh kung si Gabriel nga ang nagsabi: Aba Maria! Puno ka ng grasya! Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat! Eh, kung si Maria kaya mismo ang pakinggan natin: At lahat ng mga salinlahi ay tatawagin akong “mapalad!”

Pero nalilihis tayo ng usapin … bakit nga ba siya Ina ng Diyos? Ito at tanging ito ang sagot … Sapagka’t si Kristong kanyang Anak ay Diyos at tao … Diyos na totoo at tao ring totoo. Ang isinilang ni Maria ay hindi isang katawan lamang. Ang isinilang ni Maria ay si Kristo Jesus, Anak ng Diyos, ikalwang persona ng iisang Diyos! A ver! May nakita na ba kayong puno ng mansanas na nagbunga ng kalamansi?

Palibhasa may isang relihiyon na galit na galit lagi sa mga Katoliko ay hindi naniniwala na si Kristo ay Diyos, eh bakit kaya sila maniniwala na si Maria ay Ina ng Diyos? Simple lamang ito … ang panlalait kay Maria ay nagmumula at nababatay sa maling paniniwala tungkol kay Kristo. Ang pagpapahindi sa pagka Diyos ni Kristo ay natural na mauuwi sa pagpapahindi rin sa pagka-Ina ni Maria ni Kristong Diyos at tao!

Marami ngayong idolatria sa ating panahon. May mga taong ang diyos ay teknolohiya, ang kanilan gadget. Pati ang Pugad Baboy ay binanggit ito … maraming nagsisimba raw pero hindi pumapasok sa simbahan … naglalampungan sa mga bangkito sa labas ng simbahan. May mga nagsisimba raw pero nananatiling nakatayo sa labasan … nag-uupdate sa facebook, o naglalaro ng computer games. Diyos –diyosan nila ang kanilang mga selpon.

May mga taong ang diyos-diyosan nila ay si “ako.” Walang ginawa maghapon kundi kumuha ng selfie at ipost sa facebook.

May mga taong ang diyos-diyosan nila ay ang pera … mukha na silang pera. Dati ang pera may mukha … ngayon ang mukha ay nalulukuban ng pera. Bakit akala nyo yumaman nang ganoon si Napoles? Sa pagtitinda ng lugaw at goto? O sa pagbebenta ng parang orinolang helmet at pekeng mga bullet proof vest? Bakit akala nyo nag lalakihan at naggagandahan ang mga bahay at resort at rancho ng mga senador, politico at mga mapagsamantalang public servants daw? Bakit ang mga dambuhalang network ay nagpapataasan ng ratings? Di ba tungkol sa pera yan?

Maraming idolatria ngayon … at hindi kasama rito ang pamimintuho at paggalang kay Maria, na siyang lupa, kung saan nag-ugat ang puno, kung kaya’t yumabong at namunga ito!

Hindi Diyos si Maria. Subali’t si Kristo ay Diyos at tao. Si Maria ang Ina ni Kristo, Diyos at tao. Iisang Kristo ang isinilang ni Maria, hindi Kristong tao at isa pang Kristong Diyos naman. Iisa si Kristo Jesus, Anak ng Diyos at Anak ni Maria!

A ver! Ano tawag ninyo sa Ina ng Hari? Ano tawag ninyo sa Ina ng Diyos? Hindi siya Ina ng Diyos dahil sa siya ang nagbigay ng pagka Diyos ni Kristo. Walang karapatan ang isang nilalang gumawa niyan. Tanging Diyos lamang. At tanging Diyos lamang ang makapagpapasya kung paano magaganap ang hiwaga o misteryo ng pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos!

O, huwag nyo sabihin na mas marunong pa kayo sa Diyos! Siya ang nagpasya. Siya ang namili. At ang kanyang hinirang ay si Maria, tigib o puspos ng biyaya. Siya ang nagsilang sa Anak ng Diyos. Kung gayon, siya ay tinaguriang Ina ng Diyos!

Halina’t sumamba sa Diyos! Halina’t purihin natin ang Ina ng Bugtong na Anak ng Diyos! Sa kanyang pakikipagtulungan, naganap ang dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos at pakikipamayan sa atin. Dios te salve! Maria!

Thursday, December 26, 2013

GAWIN LAMANG ANG TAMA!


Banal na Mag-anak (Taon A)
Disyembre 29, 2013

GAWIN LAMANG ANG TAMA!

Nagbabago ang kultura sa bayan natin. Nauso na ang mga Misa sa malls at mayroong mga malls na halos parang parokya na ang dating: may anticipated Mass sa gabi ng Sabado, at may apat na Misa sa buong araw ng Linggo. Bagama’t wala akong problema sa Misa sa ibang lugar kung kinakailangan, mayroon akong nakikitang hindi magandang dulot ng mga Misa na isinasagawa sa mga shopping centers na pampubliko.

Una, maraming taong dumadaan, pati mga taong hindi naniniwala sa Misa o walang pagpapahalaga dito. Ikalawa, malapit ang mga bilihan ng laruan at kainan para sa mga bata … Ikatlo, walang tamang upuan at luhuran sa malls. Maraming bunga ang idinudulot nito na nakapagpapabago ng kultura at nakaka apekto sa pananampalataya at wastong pagsamba.

Hindi na para sa akin ang isa-isahin ang lahat ng ito, pero mayroon akong gustong bigyang-liwanag na may kinalaman sa pamilya, na siyang pokus ng ating pagdiriwang sa araw na ito, yaman at ang sentro ay ang banal na mag-anak.

Una, bigyang-pansin natin ang mga pagbasa. Ang lahat ay nakatuon sa wastong paggalang sa magulang. Pero ang paggalang ay hindi lamang mula sa mga bata. Ito man ay nakatuon sa isa’t isa, sa parte ng matatanda at sa parte ng mga nakababata. Ito ang turo ng ikalawang pagbasa: “Kaya dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin.”

Sa ebanghelyo naman, alam nating may isang taong walang paggalang, hindi lang sa kapwa, kundi pati na rin sa buhay. Handa siyang isangkalan ang buhay ng bata para lamang matanggal niya ang isang potensyal na hahamon sa kanyang kapangyarihan. Si Herodes ay nag-utos na pagpapatayin ang mga batang lalaking dalawang taon pababa.

Hindi na natin kailangan ng isang Herodes upang patayin ang kultura ng tama, wasto, at dapat. Sa panahon natin, dahil sa kulturang dala ng komersyo sa mall, ang mga bata ay nagtatakbuhan sa loob ng simbahan, nagkakainan, at walang pansin sa kabanalan ng mga nagaganap. Kapag nasanay sa Mall, wala nang pagpapahalaga sa kabanalang nagaganap sa Misa. Wala nang lumuluhod. Wala nang sumasamba. At sapagka’t malapit sa mga laruan at kainan, ay wala nang kakayahang maghintay, tumahimik, at makinig ang mga bata.

Mahalagang matutunan natin ang diwa ng kapistahang ito ng banal na mag-anak. Ipinagkakaloob ng Simbahan bilang isang modelo o huwaran ang banal na mag-anak ni Jesus, Jose, at Maria.

Gusto ko sanang bigyang-lagom ang huwarang ito sa tatlong salitang ginamit sa ebanghelyo: Lumisan, Umiwas, at Manatili.

Sanay tayong Pinoy sa paglisan. Mahigit 12 milyong Pinoy ang nasa abroad upang magtrabaho. Pero hindi lang kahirapan ang ating dapat iwasan. Ang banal na mag-anak ay umiwas kay Herodes. Umiwas sila hindi lamang sa masama kundi sa okasyon ng kasamaan. Isang tungkulin natin bilang tagasunod ni Kristo ang umiwas rin pati sa okasyong na naghahatid sa kasamaan.

Kung ako ang tatanungin, dapat din tayo umiwas sa anumang hindi naghahatid sa wasto, sa tama, sa nararapat, at sa anumang hindi naghahatid sa tunay na buhay maka-Diyos.

Pero may ikatlo pang salita. Manatili … dapat rin tayong manatili hangga’t ang panahon ay hindi pa tama … ang manatili sa kabutihan, sa wasto at tama, at sa nararapat. Madali ang manghinawa sa panahon natin. Madali ang mawalan ng pag-asa at sumama na lamang sa agos, o sa takbo ng lipunan. Mahirap ang manlaban para sa tama, sapagkat sa mundo natin, ang tama ang nagiging mali, at ang mali ay siyang pinalalabas na tama.

Si Mr. Gerardo Gamboa na isang taxi driver sa Las Vegas ay may mahalagang paalaala sa atin. Hindi natin kailangan maging dakila. Hindi natin kailangan gumawa ng bagay na nakagigimbal sa mundo. Simple lamang ang dapat gawin … ang manatili sa tama, lumisan sa maling gawa, at umiwas sa masama. At ano bang dapat gawin?

Simple lamang … Gawin ang tama … Gawin lang ang nararapat. Tulad ng ginawa niya … nakakita ng tatlong daang libong dolyar sa taxi niya. Hinanap ang may-ari at ibinalik. Bakit? Sapagka’t iyon ang tama!

Monday, December 23, 2013

PASKONG MAKULAY O PASKONG TUNAY?


Araw ng Pasko ng Pagsilang (A)
Disyembre 25, 2013

PASKONG MAKULAY O PASKONG TUNAY?

Tuwing magpapasko, ilang beses rin binabasa ang listahan ng mga angkan na pinagmulan ni Jesus. Kung bulol o utal ang nagbabasa, o hindi pinaghandaan, masakit sa tainga ang makinig sa tatlong tig-lalabing-apat na salinlahi bago makarating kay Jesus na Mananakop.

Mahirap rin maunawaan kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito. Mas madaling maunawaan ang larawan ng sabsaban, ang kweba kung saan naroon ang sabsaban, ang mga hayop na katabi niya sa sabsaban. Ito ang madaling gawing nababalot ng ginto at palara, na makikinang at makukulay na papel.

Ang diwa ng Pasko ay madaling mapagkamalian sa ginto at palara at magaganda at makukulay na palamuti. Pero hindi ito ang pinakamahalagang diwa ng Pasko. Hindi ito ang tunay na buod at batayan ng ating pagdiriwang. Maganda mang isiping si Jesus ay isinilang na walang bahay, mahirap, at wala ni matuluyan, ay hindi ito ang pinakamahalagang batayan ng hiwaga ng Pasko.

Ang Pasko ay hindi nababatay sa kahirapang pinaganda, ginawang sagisag at pinagkalooban ng isang matulaing kahulugan. Ang Pasko ay hindi pagdarahop na dinamitan ng ginto at makikintab na palara.

Mayroon kayang kahulugan ang mapupulot sa salinlahi ng Panginoon na narinig natin sa Misa ng Vigilia kagabi at isang araw ng Simbang Gabi? Ano bang aral ang ipinahihiwatig ng mga listahan ng mga angkan ng Panginoon na tiglalabing-apat na makaitlong beses inulit?

Tingnan man ninyo at muling titigan … may mga taong hindi magaganda ang ugaling ipinakita sa mga angkan ng Panginoon. Dalawa sa apat na babaeng binanggit ay mga babaeng mababa ang lipad, ika nga. Si David ay isang mangangagaw ng asawa, at nagbalak pang isabak si Urias sa giyera para masarili niya si Batsheba. Pero sila ay pawang mga kasama sa listahan ng mga angkan ni Jesus.

Dito ngayon natin matatanong kung ano ba talaga ang pakay ng pagsasalansan ng mga salinlahi ng Panginoon!

At dito rin natin mapapagtanto ang tunay na batayan ng kadakilaan ng Pasko. At ito ay hindi nababatay sa kanyang pagsilang sa isang mahirap na sabsaban, hindi nababatay sa kanyang pagiging anak ng mga salat na taong wala ni matuluyan noong gabing siya ay isilang.

Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi nakatuon sa tao bagkus nakatuon sa kung anong uri ng Diyos ang ating Diyos. Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi ang kasalatan o kahirapan ni Jesus at ng kanyang ama’t ina, kundi sa kayamanan, kabukasang-palad at pagiging mapagbigay ng Diyos at mahabagin para sa kanyang bayan.

Ito ang diwa ng Pasko … ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya – biyaya ng kaligtasan. Ang biyaya ng kaligtasan ay yaman mula sa Diyos, nag-uumapaw na grasya na hindi bagay na nararapat o karapatan ng tao, kundi isang wagas na tanda ng pag-ibig ng Diyos.

Generasyon … grasya … ito ang dapat natin pakatandaan. Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos kung kaya’t ipinagkaloob Niya ang sarili sa katauhan ni Kristong Panginoon, ang kanyang bugtong na Anak.

Salin-lahi … biyaya … Hindi tayo karapat-dapat pero ipinagkaloob sa atin ang kaligtasan. At ang dakilang biyayang ito ay ipinadaan niya sa mga taong siya ring naghatid sa atin ng buhay, sa pamamagitan ng kasaysayan, sa pamamagitan ng mga taong tulad natin ay nagkulang rin sa kadakilaan, ngunit pinadakila mismo ng Diyos.

Ito ang Pasko. Maganda mang isipin na ito ay batay sa kahirapan o karukhaan, ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay batay hindi sa kasalatan, kundi sa kayamanan ng pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan, para sa bawa’t isa sa ating lahat.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

Friday, December 20, 2013

BAWAL ANG PASAWAY!


Ika-apat na Linggo Adbiyento A
Disyembre 22, 2013

BAWAL ANG PASAWAY!



May mga taong sadyang pasaway. May mga taong parang kawali ang tainga. May marunong makinig, at hindi marunong tumalima. May madaling kausap at mayroong mahirap kausapin.



Hari man siya at magaling, si Acaz ay isang pasaway, nag-taingang kawali, at hindi nakinig sa pahayag ni Isaias. Nanganganib silang sakupin ng mga taga Assiria, pero nagmatigas ang kalooban, sa kabila ng tanda o pangako na namumutawi sa labi ng propeta.



Pangako ng pag-asa ang pangitain ni Isaias. Isang tandang maliwanag ng pakikisalamuha ng Diyos sa kanyang bayan.



Pero may malaking guwang ang nasa pagitan ng pangako at katuparan. May taong madaling magbitiw ng salita. Sa dinami-dami ng taong ako ay naging pari, at namuno sa napakaraming fund raising at iba pang mga proyekto, malimit ang maingay ay hanggang salita lamang. Ang mga nangangako ay napapako sa pangako. Walang natutupad. Walang nangyayari. Kapag ang isang tao ay nagsabing magbibigay daw siya ng donasyon, wag mo nang asahan. Pero ang mga tahimik, ang mga walang kibot at walang salita, kalimitan ay sila ang nagbibigay.



May tawag ang mga Kano dito … walk your talk. Isabuhay mo ang sabi mo. Kung ano ang sabi, siyang gawa.



Natupad ang pangakong binitiwan ni Isaias sa kasaysayan. Naganap na ang Pasko ng pagsilang. Dumatal na ang Mesiyas, bagama’t hindi siya kinilala ng sarili niyang bayan. Pero ang pangako ng Diyos ay hindi lamang isang kabanata sa kasaysayan nang nakalipas. Ang pangako ng Diyos ay pang nagdaan, pang kasalukuyan, at pang hinaharap. Walang panahon sa Diyos. Ang lahat ay patungkol sa walang hanggan. Walang simula at walang katapusan.



Pero sino ba ang nagkukulang sa ating dalawa? Hindi ang Diyos. Gaya ng nababasa natin, tinupad niya ang pangako nang isilang si Jesus na mananakop at tagapagligtas.

Kung gayon, sino ang nagkulang? Maliwanag pa sa sikat ng araw … si Acaz ang ang mga katulad niya … ang tao … tayong lahat na pawang naging salawahan.



May malaking guwang malimit sa pagitan ng pangako at katuparan. Ilang beses tayo nangako at hindi natupad? Ilang beses tayo nagbitiw ng salita nguni’t hindi natin pinanindigan?



Sa ikaapat na Linggong ito ng Adbiyento, tunghayan natin ang halimbawa ng isang naging tapat sa pangako … Dahil sa kanya ang guwang sa pagitan ng pangako ng Diyos at katuparan ng kanyang Salita ay naganap …



At heto ang mga katagang patunay … “Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.”



Nakinig. Tumalima. Sumunod … Iyan ang dapat rin nating gawin. Bawal ang pasaway sa bayan ng mga sumasalampalataya.


Tuesday, December 10, 2013

MATIBAY NA MUOG!


Ikatlong Linggo ng Adbiyento Taon A
Disyembre 15, 2013

MATIBAY NA MUOG!

Sino sa atin ang hindi nagpalipad ng boka-boka noong bata pa? Gamit ay pad na pang Grade 2, at pandikit na kanin at laway, kaunting pisi o sinulid … lagyan ng buntot na gawa rin sa papel, at larga na! Lipad na! Takbo na!

Noong mga bata pa kami, mayroon kami sa aming bayan na biskwit na ang tawag ay “palipad-hangin.” Para itong boka-boka … wala masyadong laman, manipis … parang puedeng paliparin sa hangin. Ganito ang boka-boka … mabasa lang ay sira na … mahipan ng malakas na hagin ay punit na.

Tulad ng cogon sa parang. Madaling hipan ng hangin, at pasuling-suling dipende kung saan patungo ang direksyon ng hangin … walang sariling lakas … walang matibay na ugat … madaling hipan ng hangin.

Ito rin ay katumbas ng mga namumunong walang sariling bait, ika nga. Madaling madala… madaling mauto … madaling magbago ng desisyon depende sa simoy ng hangin.

May tanong ako sa aking mambabasa … Tulad ng tanong ng Panginoon, “ano ba ang inaasahan ninyong makita sa ilang? … Isang tambo na iniuugoy ng hangin?”
Ang taong walang sariling bait at desisyon at paninindigan ay walang iniwan sa tinapay na palipad-hangin, o isang boka-bokang borador, o isang bangkang papel na hindi tumatagal at hindi nananatiling nakatayo.

Isa pang tanong … Ano ba ang hanap ninyong marinig sa amin o sa Simbahan? Isa bang pabago-bago ng isip? Isa bang pangaral na umaayon sa kung ano ang gusto ng ABS-CBN o ng isang survey na dinaya naman? Ano ang gusto ninyong marinig sa amin? Mga turong napapalitan depende sa simoy ng hangin at sa uso sa buong daigdig? Tulad ng isang tambong nagsasayaw sa hangin?

May masama akong balita sa inyo. Hindi tambo si Juan Bautista. At lalong hindi siya palipad-hangin o isang boka-boka lamang. Nagwika siya. Higit pa siya sa isang propeta. Isa siyang tagapaghatid ng balita. At ang balita niya ay hindi napapalitan ng mga makapangyarihan sa Palasyo. Hindi ito nahihilot upang magbigay ng isang takdang pagkiling. Sinabi ni Juan ang totoo … ang mapagligtas, hindi ang popular at gustong marinig ng tao.

Malaki ang pinagbayaran ng isang taong tulad niya na hindi lamang parang isang tambo na walang lakas at walang paninindigan.

Sinabi niya ang totoo, ang makatarungan. Kung kaya’t itinuring siyang parang palipad-hangin at ipinapatay … pero naging isang mistulang matibay na muog ng katotohanang mapagligtas at balitang naghahatid sa tunay at walang hanggang buhay.

Magsaya! Gaudete Sunday ngayon. Magalak sapagka’t narito na ang tagapaghatid ng balitang maghahanda ng daraanan ng Panginoon!

Friday, December 6, 2013

TAMA NA ANG PANINISI ... TANGGAPIN AT AMININ!


Ikalawang Linggo Adbiyento Taon A
Disyembre 8, 2013

TAMA NA ANG PANINISI … TANGGAPIN AT AMININ!

Aaminin ko, mahirap ang tumanggap ng anumang mapait. Mahirap ang tumanggap na tayo ay mahina at walang kakayahan. Mahirap rin ang magbahagi ng isang bagong pag-asa, kung ang lahat ng nakikita natin ay kawalang pag-asa.

Matulain at mabulaklak ang mga salita ni Isaias na naririnig natin tuwing magpapasko. Mga pangitain … mga panaginip o panagimpan ng Diyos para sa kanyang pinakamamahal na bayan. Ito rin ang mga pangarap ng mga taong ngayon ay sadlak sa hirap … nawala ang bahay, nawala ang kabuhayan, at napawi ang lahat ng tulay tungo sa kinabukasan. Marami ang nagbabaka sakali sa ibang lugar … naglilipatan … naghahanap ng masusulingan. Ubos na ang bangka ay ubos pa rin ang mga niyog. Marami ay namatayan pa at ang mga katawan ay hindi na matagpuan.

Kahapon ay isang mapait na katotohanan ang nagpatangis sa akin. Isang malapit na itunuturing kong kaibigan ang pinaslang sa sariling tahanan ng mga tampalasang ang hanap lamang ay pera.

Mahirap makita rito ang matulaing pangarap ni Isaias.

Pero bago tayo manghinawa at magpadala sa kawalang pag-asa, teka muna sandali at pakinggan natin ang sinasabi ng dalawa pang pagbasa …

Unahin natin si Pablo. Sa kanyang liham sa taga Roma, ipinaalala niyang ang Kasulatan ay nakatuon sa “ikatututo natin,” sa “kalakasan ng loob,” at sa pagkakaroon ng pag-asa.

Naikwento ko na noong nakaraang mga pagninilay na sa likod ng bawat kapaitan ay may nagkukubling kaliwanagan. Nang manalasa ang bagyo, at tumambad sa kaalaman ng mundo ang dami ng namatay, ang dami ng winasak na kabuhayan at kinabukasan, mahirap isipin na ang pamumuhay na marangal na sinasaad ng kasulatan ay tunay na kapani-paniwala.

Walang iniwan ito sa kalagayan ng isang bansang tulad natin, na sa kabila ng ating pagiging Kristyano, ay pinamumugaran ng pinakamasahol na uri ng kurapsyon. Parang hindi na sinasagian ng hiya ang sinuman. Parang wala nang pakundangan sa dignidad ng tao ang mga salarin, tulad ng pumatay sa isang batang-batang dalagang ang tanging pagkakamali ay ang mapunta sa maling lugar, sa maling oras, kung kailan naghahanap ng mabibiktima ang mga kriminal na tila wala nang puso, wala nang konsiyensya, at wala nang damdaming makatao. Wala raw silang intensyong gawan siya ng masama. Wala raw silang masamang hangad sa babaeng walang awang sinakal at sinaksak sa loob ng kanyang sariling kotse. Wala ring iniwan ito sa ginawa ng dalawang binatilyo sa aking kaibigang walang kalaban-laban, walang kalakas-lakas upang makaganti, at walang masamang binhing ipinunla sa tanang buhay niya at ng kanyang pamilya.

Wala na ring hiya ang mga nasa kongreso. Wala ni isang umaamin. Walang tumatanggap. Walang nagsisisi yaman din lamang at lahat daw ng kanilang pirma ay ginaya lamang. Bilyon-bilyong piso ang naglaho na lamang at sukat, pero wala ni isa diumano ang nakaaalam kung paano nawala ito.

Ang masamang balita ay ito … tayo man ay maraming palusot. Kanya-kanya tayong gawa ng istorya. Wala ang tumatanggap ng pananagutan. “Kasalanan ko bang ako ay isinilang nang mahirap?” “Masama bang magmahal nang lubos?” (kahit may tunay nang asawa at anak!) “Minana ko lamang ang problemang ito!” “Wala akong magagawa. Isinilang akong ganito.” “Wala akong intensyong masama!” (kahit masama ang ginagawa, may palusto pa rin).

Alam kong ayaw natin marinig ang salitang ito, pero hindi nag-atubili si Juan Bautista na tawagin ang mga ganitong tao nang ganito: “Kayong lahi ng mga ulupong!”

Masakit Kuya Eddie! Pero walang tama at totoo, lalo na’t tumitimo at tumatagos, ang masasabi nating hindi masakit.

Malinaw na ayaw ni Juan Bautista ang mga palusot natin. Malinaw na gusto niyang tayo ay manindigan at tumayo ayon sa tama. Tama na ang mga pasulot natin. Tama na ang paninisi ng iba. Wag na nating sisihin ang ating magulang, ang nakaraan, ang ating bayang sinilangan, ang kakulangan nito at kakulangan noon. Sapat na ang ipinagkaloob sa atin.

Panindigan ang tuwid na daan at kung hindi ay tuwirin at ihanda para sa kanya. Tama na ang palusot. Tama na ang paninisi. “Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan.”

Friday, November 29, 2013

BUNDOK ... BABALA O BALITA?


Unang Linggo ng Adviento (A)
Disyembre 1, 2013

BUNDOK … BABALA O BALITA?



Takot ako sa tubig. Bilang isang probinsyanong galing sa bulubundukin ng Cavite, takot ako sa malalawak at malalim na dagat. Pero ang bundok ay ibang usapan. Nabibighani ako sa bundok. Hindi kaya’t ito ang dahilan at higit sa 14 na bundok sa Pilipinas na ang aking naakyat?



Ang unang Linggo ng Adviento ay may kinalaman sa matayog na bundok. Ayon kay Isaias, ang bundok raw ng tahanan ng Panginoon ay magiging mas matayog kaysa sa anumang burol, at lahat ay mabibighani rin sa kanya.



Malungkot nga lamang at tayong mga Pilipino ay malapit halos lahat sa dagat. Ang mga bayan natin at lungsod ay pawang itinayo na malapit sa ilog o sa dagat, kung saan tayo unang umasa at kumuha ng ikabubuhay. Ang siyang ipinagtawid-buhay ng marami sa atin ay siya namang naging mecha ng buhay rin ng marami. Sa humpak na dumaluyong sa Tacloban, sa Guiuan, at sa marami pang lugar sa Silangang Visayas nang humagupit ang bagyong si Yolanda, kay rami ang nabigla, nasapawan ng dambuhalang alon na kumitil sa buhay ng mahigit limang libong katao, at marami pa ang hindi pa natatagpuan.



Ang bundok sana ang siyang naging kaligtasan ng marami. Ang bundok na tinitingala natin at para sa ilan ay kinatatakutan o iniiwasan, ay siya sanang nagligtas sa maraming hindi nakaunawa sa kahulugan ng storm surge, na hindi isinalin sa Tagalog o Visaya ng mga tagapagbalita.



Unang LInggo ngayo ng Adviento at sa unang Linggong ito, ay bundok ang bida, ang sentro ng ating atensyon. Sa Biblia, ang bundok ay laging sagisag ng katatagan, kaligtasan, muog at batayang matatag ng buhay. Tumitingala ang mga tao sa bundok at ang kanilang nakikita ay ang diwa ng pakikipagniig sa Diyos, tulad ng nakipagtagpo si Moises sa Bundok ng Sinai. Pati ang salmista ay umawit nang ganito: “Tumitingala ako sa kabundukan, kung saan manggagaling ang aking kaligtasan” (Salmo 121:1)



Pero sa buhay natin, walang katiyakan at kasiguraduhan kailanman. Kampante ang ating mga kababayan, at ang akala nila ay ligtas sila sa kani-kanilang mga bahay. Ngunit nang ang humpak ay dumaluyong, nilamon nito ang lahat ng kanyang dinaanan, sampu ng buhay ng maraming hindi handa sa dagok na ito ng kalikasan.



At puede itong mangyari kahit kanino. At kung bakit hindi sila umakyat sa matayog na burol ay hindi na para sa akin upang sisihin sila at tanungin. Malamang na ako man ay ganuon din ang aking gagawin.



Isang malaking aral para sa atin sa unang linggong ito ng paghahanda sa pasko ng pagsilang. Ang bundok ay maaring isang babala o isang balita. Kung isang babala, ito ay nagbabadya sa atin na ang buhay ngayon at dito, sa kapatagan ay walang katiyakan, walang kasiguraduhan. Hindi ito ang hantungan ng lahat para sa atin. Hindi ito ang hangganan at ang wakas. Hindi ito ang siyang bumabalangkas ng kalahatan ng ating pagkatao at pagiging nilikha ng Diyos.



Tama si Pablo … Oras na upang gumising at maghanda. Oras na upang bumangon sa pagkagupiling sa mali at umayos sa tama.



Sa ebanghelyo, mayroon ring isang babala … Hindi raw natin alam ang oras ni ang araw kung kailan babalik ang Panginoon. Ngunit ang babalang ito ay may higit na malalim at higit na mahalagang balita …



At ito ang diwa ng paghahanda sa adviento … na kailang nating maghanda sapagka’t sa oras na hindi natin inaasahan ay darating ang Anak ng Tao.



Halina’t masaya tayong tumungo sa tahanan ng Panginoon!

Friday, November 22, 2013

HARI, LINGKOD, LUWALHATI


Kristong Hari Taon K
Nobyembre 24, 2013

HARI, LINGKOD, LUWALHATI

Hindi ako nakapag post noong nakaraang Linggo … abalang-abala sa paghahanap ng paraan kung paano makatulong sa nasalanta ng bagyo. Pakiramdam ko ay isang batang nagsasalok ng tubig sa dagat upang ilipat sa balon. Walang saysay halos … walang maidadagdag sa laki ng problema.

Nabuhayan ako nang ako ay magpunta sa mall upang mamili ng isasama sa ipadadala sa Tacloban. Kasabay ko ay mga matatandang babaeng hindi na magkandaugaga sa dala – mga kahon-kahon ng biskwit, krakers, at nudels. Kasunod nila ang mga batang mag-asawang kasama ang mga anak, na ang hanap ay siyang hanap ko rin – mga pagkaing madaling ihanda at kainin.

Larawan ng kahinaan … kawalang kakayanan … kasimplehan.

Ito ang larawang hatid rin ng pista ni Kristong Hari. Malayo ang haring ito sa rangya at kapangyarihan, tulad nang malayo si David sa larawan ng isang may angking dahas at lakas, sapagkat siya ay isang hamak na pastol lamang.

Pista ngayon ni Kristong Hari. Nasaan kaya ang kanyang pagkahari sa mata ng mga ngayon ay tumatangis? Wala nang bahay … wala ring kabuhayan … wala na ang mga mahal sa buhay … sa ilang oras na unos ay naanod ang lahat. Isang dambuhalang trahedya ang pumawi sa kanilang kasalukuyan at kinabukasan!

Pero isang araw noong isang Linggo ay tumambad sa akin ang isang makapangyarihang karanasan. Isang lalaki ang nagdala ng malaking halagang mga relief goods sa aking opisina. Isang bunton. Lahat ng maaari niyang bilhin ay binili at ipinakahon. Limang araw matapos ang trahedya, ito ang kanyang kwento sa akin … Wala pa raw siya naririnig sa kanyang mga kamag-anak sa Tacloban.

Larawan ng makamundong kahinaan, oo … Ngunit larawan rin siya ng isang matayog na katatagan ng kalooban at pananampalataya. Tiim ang bagang ngunit tigib ng pananampalataya ang puso, nakuha pa niyang tumulong kahit hindi niya alam kung matitikman pa ng kanyang mga kamag-anak ang kanyang tulong.

Ito ang larawan ni Kristong Hari … kahinaan, kapayakan, kahinahunan at kalakasan! Pinahirapan siya. Tinuya. Tinudyo. Tinaasan ng kilay at ng boses: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iligtas mo ang iyong sarili at pati kami!”

Maraming nagdusa dahil sa dambuhalang trahedyang ito. Hindi sila karapat-dapat magdusa, tulad ni Kristong di rin karapat-dapat magbata ng hirap at mamatay sa krus. Nguni’t sa harap ng matinding dagok na ito ng kalikasan, ang isang hindi makatkat sa aking gunitang larawan ay ang mga taong hindi nawalan ng pag-asa. Hindi pinanawan ng pananampalataya, na siyang naging dahilan kung bakit naging ikona ang Pilipinas ng pagwawakas ng taon ng pananampalataya.

Matindi ang hagupit ng tadhana. Sobrang pait ang latay ng paghihirap ng ating mga kababayan. Subali’t matindi rin at mataginting ang pangako ng ating Haring nasadlak rin sa dusa: “Sa araw na ito, ay makakasama kita sa Paraiso.”

Purihin ka, O Kristong Hari, Ikaw ang Hari hindi lamang ng santinakpan, kundi Hari ng aming puso at kalooban!


Friday, November 8, 2013

ALAM KONG AKO'Y MULING BUBUHAYIN!


Ika-32 Linggo Taon K
Nobyembre 10, 2013

ALAM KONG AKO’Y MULING BUBUHAYIN!

Matagal-tagal na akong nagtuturo. Sa aking mahabang karanasan, mahalaga ang tinatawag nating mithiiin, pangarap, o panagimpan (vision sa Ingles). Ang mga mag-aaral na nagsisimula ng semester na walang mithiin, walang tiyak na gustong marating, o walang anumang inaasentar na layunin ay nananatiling parang walang natupad o nagawa sa loob ng anim na buwan.

Ang mga may mithiing taglay sa puso ay walang problemang magsumite ng mga requirements. Malayo pa ang deadline ay meron na silang handang papel na puede i-entregar. Ang walang pinanghahawakang pangarap at mithiin ay laging parang nagpapadala na lamang sa agos. Wala nang papel ay wala pang sagot sa pinal na pagsusulit.

Iba talaga kapag kahit mga bata pa ay mayroon nang nakikitang ibang bagay na hindi nakikita ng mga walang hinahanap at inaasam. Ito ang kwento ng mga magkakapatid na Macabeo. Mas pinili nilang mamatay kaysa lumabag sa utos ng Diyos. Bakit? Sapagka’t may nakikita silang hindi nakikita ng mga taong walang pananampalataya.

Ano ba ang nakita nila? Nasa kanilang harapan tuwina ang isang katotohanang hindi matanggap ng mga taong hindi tumatanggap sa Diyos na nagbitaw ng pangako – na mayroon muling pagkabuhay ng mga nangamatay at mayroon rin gantimpalang naghihintay sa mga nagpapakatapat sa pangako at panawagang ito.

Masakit man banggitin, ito ang malaking problema ng marami sa ating panahon. Hindi na nakikita ng marami ang mga bagay na higit pa sa pera, posisyon, at poder. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng kung bakit sa kabila ng sinabi ng isang babaeng kilala ng buong Pilipinas na siya raw ay naniniwala sa sampung utos ng Diyos, ay hindi niya masagot kung bakit siya nagnanakaw ng limpak limpak na salaping galing sa kaban ng bayan.

Ito rin ang malaking problema ng buong sambayanang Pilipino. Takot tayo sa lindol, sa bagyo, sa baha, at sa marami pang ibang sakunang pabalik-balik sa ating bayan. Pero ang panggagalaiti ay nangyayari lamang kung kailan ito nagaganap. Pagkatapos ng unos at baha, kapag dumating na ang Pasko at Pista, ay nakakalimutan nating lahat ang dating malaking sakit ng ulo. Sa kabila ng paulit-ulit na niloloko tayo ng mga tampalasang politico, ay patuloy naman tayong pumapayag magpaloko, at patuloy pa rin naman natin sila inihahalal.

May isang banyaga ang bumisita sa Pilipinas at dinala siya sa isang Jollibee. Ang Pinoy na nagdala sa kanya ay walang sinabi at walang ginawa nang mabigyan sila ng sobrang Peach Mango pie. Biyaya rin iyon, ang marahil ay kanyang inisip. Kanya-kanyang palusot; kanya-kanyang pandaraya, at pag-iwas sa pagbabayad ng tama. Ayon sa isang manunulat, hinding-hindi raw tayo mapapahanay sa mga first world countries kung mananatili tayong walang pagmamalasakit sa totoo at tama; sa wasto at sa katarungan. Wala nang nababahala at naeeskandalo na ang mayor, governor, o congressman o senador ay may bahay na hindi kailanman mababayaran ng kanilang sweldo, pero ang magagarang bahay nila ay nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso, at hindi lumalabas, sampu ng kanilang mga anak, pamangkin, at inangkin, nang walang dose-dosenang mga bodyguards.

Wala na tayong nakikita kundi ang ngayon at para dito. At ang ngayon at para dito ay hindi kailangan ng malawak at malalim na paningin, pangarap o mithiin. OK na ang maraming pera. OK na ang makapangyarihan. Ok na kung kami ay magara ang bahay at kotse kahit ang karamihan ay halos walang matuluyan.

Mababaw ang paningin ng mga tao ngayon. Hanggang selfie lamang at pa post post din kapag may time … hanggang limang daan lamang bago eleksyon at dagdag na limang daan matapos ang eleksyon … hanggang pakupit-kupit na lamang sa kaban ng bayan kahit walang kinabukasan ang milyon-milyong Pilipino.

May malinaw na leksyon ang mga pagbasa ngayon … ang pitong magkakapatid na minatamis pa nilang mamatay kaysa lumubag sa utos ng Diyos. May mithiin sila. May nakita silang hindi nakita ng mga mabababaw. Tulad rin ng sinasaad sa ebanghelyo, kelangan tuminging lampas sa mga gawaing makamundo tulad ng mga relasyong makamundo sa pag-aasawa o iba pang uring samahang makamundo.

Kelangan natin tumingin pa sa itaas, sa bundok ng Panginoon kung saan nagmumula ang kaligtasan. Kailangan natin ng malinaw na matang may nakikitang higit pa kaysa sa yaman, kapangyarihan, karangyaan at kababawan.

May mungkahi sa atin ang mga pagbasa … Bakit hindi natin tunghayan ang panawagan ng Diyos sa atin – tungo sa buhay na walang hanggan?

“Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos.”

Friday, November 1, 2013

ASCENDE SUPERIUS!


Ika-31 Linggo ng Taon K
Nobyembre 3, 2013

ASCENDE SUPERIUS!

Takot ako umakyat sa matatayog na lugar. Takot ako dumungaw sa matataas na gusali. Minsan din akong nahulog sa puno noong bata pa, habang nag-aastang Batman na siyang pinapanuod namin sa TV noong araw. Pero may pagkakataong wala kang mahihita kung di ka magsikap manguyabit sa puno. Kung hindi umakyat ay maghihintay ka na lamang sa nahuhulog na prutas na kinain na ang kalahati ng uod o ng ibon.

May pagkakataon namang kelangan mong umakyat kung gusto mong umangat; kung gusto mong makasilay sa taong hinahangaan, o kung mayroon kang pinapanagimpan at pinagsisikapan.

Pandak si Saqueo, tulad ko. Pero hanga ako sa kanya, hindi sapagka’t siya’y tulad kong maliit, kundi sapagka’t siya ay maparaan, at may pinapanagimpan. Nang mabalitaan niyang daraan ang pinag-uusapan ng marami sa Jerico, nagmadali siya … nagtatakbo, at humanap ng balcony – ng puno upang maakyat – kung saan hindi mahaharangan ang kanyang mga mata ng mga taong mas matatangkad kaysa sa kanya.

Sa dinami-dami ng taong dumating sa Jerico, hindi lamang siya ang publikano. Hindi lamang siya ang swapang at ganid, at lalung hindi lamang siya ang nag-aasam ng malaking kita o tubo.

Pero iba ang mag-nasa at mag-asam, at iba rin ang maghanap at magpadala sa isang matayog na panagimpan o marangal na pangarap. Tayo man ay mapagnasa at mapaghanap. Naghahanap tayo ng luho, ng yaman, at ng madali ang mariwasang pamumuhay. Lahat ng nagpunta sa Jerico at ang hanap ay ang Guro – si Kristong daraan ay nagkakaisa sa bagay na ito … Lahat tayo ay may gustong marating. Lahat tayo ay may nais makamit … karangalan man o materyal na bagay … walang sinuman ang makapagsasabing wala siya ni isang hibla ng makamundong pagnanasa.

Kagagaling ko lamang noong nakaraang dalawang linggo sa isang bundok – ang isa sa mahigit na 14 na bundok na akin nang naakyat. Takot ako sa matataas na lugar, pero hindi ako takot mangarap umangat, tumaas, at makipag tipan sa mga alapaap sa langit. Tulad ako ni Saqueo na bagama’t pandak ay may malalim na pagnanais na malampasan ang mga kahinaan at karupukang maaaring magtali sa akin sa ibaba. Kung sa Tondo man daw ay may langit din, ang mga pandak man ay may pangarap marating na matatayog na hangarin.

Galing sa akin ang motto ng dalawang kolehiyo sa ating bansa: Ad maiora natus, at Ascende Superius. Ang ibig sabihin ng una ay ito: Isinilang Tayo Para sa Mas Matatayog na Bagay, at ang ikalawa naman ay ito: Umakyat ka Pa ng Kaunti sa Itaas.

Nais kong isipin na si Saqueo ay larawan ng bawa’t isa sa atin. Mababa ang uri … makasalanan … makasarili … sakim at mapagkamkam. Ngunit ang lahat ng santo ay may nakalipas at lahat ng makasalanan ay may hinaharap.

Hinarap ni Saqueo ang totoo sa kanyang sarili … bukod sa pandak ay tinanggap niyang kelangan niya ng kaligtasan, ng kagalingan, ng tulong mula sa itaas. Kubrador man ng jueteng ay may pagkakataong magbago. Pandak man at mahirap ay may angking kakayahan at karapatang magnasang umangat, magnais umakyat sa antas ng kabutihan at kagandahang asal.

Kwento ko ito noong katatapos lamang na Philippine Conference on New Evangelization … Noong ako ay bata pang brother, may nakita akong maliit na puno ng mangga sa tabing daan. Ibinuhol ko ang puno at iniwan at inasahan kong mamatay. Ngunit noong ako ay naging pari maraming taon ang lumipas, ay nakita kong malaki na ang puno, matibay, matatag. Hinanap ko ang buhol. Naruon pa rin ang buhol. Matigas. Makapal ang balat. Matipuno at matatag. Lumakas siya kung saan siya nasugatan. Tumatag siya kung saan siya nakaranas ng pagdurusa. Sapagka’t isa siyang punong may panagimpan, may pagnanasa, may takdang kagustuhang marating at makamit.

Si Saqueo ay taong marupok. Tulad nating lahat madali rin siyang matepok. Pero may matayog na pangarap … may malalim na paghahanap. Hinanap niya si Jesus ang Daan, katotohanan, at buhay. Lingid sa kanyang kaalaman, ang Diyos mismo ang naghahanap sa kanya … sa atin, sa bawa’t isa sa ating makasalanan. Natagpuan siya ng Diyos ng awa at habag: “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”

Hinahanap tayo ng Diyos … tayong lahat. Mahal niya tayo at pinagmamalasakitan. Pero mayroon tayong dapat gawin, tulad ni Zaqueo. Kailangan nating manguyabit sa puno at umakyat. Kailangan nating maghanap ng kaunti, at magpakita ng isang matayog na hangaring gumawa ng tama at karapat-dapat.

Nasa ating mga kamay at paa ang kasagutan … Hala … ano pa ang hinihintay natin? Akyat na! Ascende Superius! Sapagkat AD MAIORA NATUS!

Saturday, October 26, 2013

Tunay na Tunay!


Ika-30 Linggo ng Taon K
Oktubre 27, 2013

TUNAY NA TUNAY!

Hindi na uso ngayon ang pulp bits. Noong kami ay mga bata pa, tanyag ang Royal Tru-orange, dahil daw may pulp bits. Ewan ko kung ano yon, pero meron ngang bits. Hindi ko nga lang alam kung tunay na galing sa orange ang mga iyon.

Ayaw natin ng peke. Gusto natin ng tunay, ng orig. Pero kahit ganito, marami pa rin ang bumibili ng pekeng Chanel, pekeng kung ano-anong bag o maleta, na kinukumpiska naman sa Japan at sa maraming lugar sa Amerika. Gusto natin lahat tulad ng kung ano ang gamit ni Napoles … trulalu, sabi nga nila … hindi peke at tunay na mamahalin. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit hindi nalulugi ang mga tindahan ng Salvatore Ferragamo sa Greenbelt 5 at iba pang lugar, kahit na ang karamihang Pinoy, kahit man lamang yung Suotmopre Paragwapo ay hindi kayang bilhin ng marami?

Marami nga yatang nabiyayaan ng pork barrel at patuloy na namamayagpag ang mga tindahang ito! Hindi rin kaya ito ang dahilan at ang Rolls Royce ay nagbukas na rin ng tindahan dito? Sabi nila, “the Philippines has arrived!” kahit mga congressmen lang naman ang nakabibili ng ganito.

Ayaw rin ng Diyos ng peke. Ayaw rin ni Sirac na tagapagsalita ni Yahweh ang hindi tunay. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay tunay, hindi peke. Ayon kay Sirac, hindi siya bingi sa pagtangis ng mga naaapi, at lalong hindi siya nagbubulag-bulagan sa panaghoy ng mga balo. Trulalu pa rin! Ayon sa salmista, “Dinidinig ng Diyos ang pagtangis ng mga dukha.”

Tunay rin at hindi peke ang pamulat ni Pablo kay Timoteo. Sapagkat totoo, nakuha pa niyang medyo magyabang nang kaunti: “Natapos ko ang paligsahan; naging tapat ako sa pananampalataya.” Aniya, “iniligtas ako ng Panginoon sa bibig ng leon”

May dalawang uri ng taong hatid sa atin ang pangaral ng ebanghelyo: ang Pariseo at ang nangungubra ng buwis. Mayabang ang pariseo. At hindi makatotohanan! Hambog pa at palalo. Peke, sa ating salita ngayon. Bukod sa nagyabang, nagbintang pa!

Pero tapat at tunay ang taga kolekta ng buwis: “Panginoon maawa ka sa akin, isang makasalanan.”

Tunay ang hanap natin, hindi peke. Tunay rin ang gusto ng Diyos, hindi pagkukunwari. Meron tayong dating presidenteng nasakdal at napatunayang kurap, pero pinatawad. Pinatawad ang isang taong hindi man lamang tumanggap ng pagkakamali. Paano magsisisi ang isang hindi tumanggap ng kasalanan?

Pero hindi pulitiko ang ating pinag-uusapan dito, kundi tayo. Tayo ngayon ang mamili: maging pariseo o maging tulad ng taga kolekta ng buwis. Nagkasala nga ngunit kumilala, tumanggap, at nagsisi.

Tunay na tunay. Walang bahid ng pagkukunwari. Walang anino ng pagbabalatkayo. Ito ang pamulat sa atin ng Diyos, na tunay nagkakalinga sa kapakanan natin tuwina.

Friday, October 18, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON!


Ika-29 na Linggo Taon K
Oktubre 20, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON

Wala akong maisip na mga salita tungkol sa paghihirap na dumalaw sa marami nating kababayan matapos ang hindi inaasahang lindol sa Bohol at mga karatig isla. Isa lamang ang sumasagi sa isipan ko, na siya ring pinapaksa ng mga pagbasa sa Linggong ito … pagsubok o paghamon.

Hindi biro ang sumailalim sa matinding pagsubok. Tulad ng pinagdaanan nina Moises, kung kailang ang mga basagulerong Amalecita ay patuloy na umaatake sa kanila. Pero hindi lahat ng paghamon ay nakukuha sa pakikipagdigma. Hindi lahat ay nalulutas sa pagiging mainitin ang ulo.

Kung minsan, kailangang magpakumbaba at magtiwala sa ibang uring lakas na hindi galing sa ibaba bagkus sa itaas.

Ito ang kapangyarihan ng panalangin. Pero sa araw na ito, hindi lang simpleng panalangin ang paksa. May kakaibang diin … may kakaibang ibig bigyang pansin. At ito ay may kinalaman, hindi sa pananawa, kundi sa hindi panghihinawa sa panalangin sa Diyos.

Mahirap ngayon ang lahat ng bagay sa ating buhay. Trapiko pa lamang saanmang dako ng Pilipinas ay problema na. Problema ring pumila sa lahat, maging sa supermarket, sa palengke, sa sakayan ng traysikel, o dyip, o LRT. Lahat, ika nga, ay “hassle.” Walang pinipili … walang sinasanto … walang itinatangi – tulad ng lindol na walang pakundangang nagpaguho sa yaman, di lamang nating mga katoliko, kundi ng lipunan.

Kung gaano kahirap ang buhay, ganoon naman kadali ang mawalan ng tiwala, ng pag-asa, ng marami pang iba. Mayroon pa kayang tiwalang natitira sa pamahalaan, lalo na sa Senado at Kongreso? Maibabalik pa kaya ang naglahong pananalig na kapakanang pangkalahatan ang kanilang pakay at naisin?

Para sa mga nasawi dahil sa lindol, alam nating walang anumang kataga ang makapagpapagaan ng mabigat na pasaning emosyonal ng mga naiwan.

Bilang pari, ako ay kaisa sa kanilang panimdim at sa kanilang mga pasakit. Pero bilang pari, mahirap man maunwaan ngayon sa gitna ng matinding pagsubok, tungkulin ko ang ipagmakaingay ang magandang balita na siyang maghahatid sa atin sa liwanag, gaano man kalayo, gaano man katagal.

Ito ang mga pahatid sa atin ng mga pagbasa … Una, kailangan nating manatili sa pananalig at sa pananalangin, tulad ni Moises na nanatiling nakataas ang mga kamay bilang tanda ng pagsamo sa Diyos.

Ikalawa, kailangan natin ng katatagan, tulad ng paalaala ni Pablo: “Ipangaral mo ang ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.”

Alam kong lumang tugtugin na ito, pero ito ang malinaw na turo sa atin ngayon … “huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo.”

Katatagan … katapatan … kalakasan ng loob at ng pananampalataya at pag-asa …

Sukdulan ang halimbawang dulot ng Panginoon … isang balo na hindi nanghinawa, nagpumilit, nangulit, patuloy na nanggambala, at walang patid na nagpahatid ng hinaing … Ito ang larawan ng isang taong may pananampalatayang hindi nabubuwag ng pagsubok, gaano man kapait.

Marami sa atin ang nakakaranas ng matinding pagsubok sa buhay. Hindi ko batid ang nilalaman ng puso ng lahat ng kaharap ko ngayon o nagbabasa nito. Pero ito lamang ang masasabi ko … Alam ng Diyos ang lahat. Naranasan din ng Panginoon ang lahat ng ito. Kaisa natin siya … kasama … kabata … kalakbay at kapanalig.

Hindi siya nagsasawa. Hindi nanghihinawa. Sa habag at pag-ibig sa tanan, kahit na hindi natin ngayon nakikita o nararamdaman.

Manatili sana tayong naka-katig sa kanyang timon. Tularan si Moises, si Aaron, Hur, Pablo, at ang hindi kilalang balo sa ebanghelyo. Kumapit tayong mahigpit sa katig ng pananampalataya sa Panginoon.