Unang Linggo ng Adviento (A)
Disyembre 1, 2013
BUNDOK … BABALA O BALITA?
Takot ako sa tubig. Bilang isang probinsyanong galing sa
bulubundukin ng Cavite, takot ako sa malalawak at malalim na dagat. Pero ang
bundok ay ibang usapan. Nabibighani ako sa bundok. Hindi kaya’t ito ang dahilan
at higit sa 14 na bundok sa Pilipinas na ang aking naakyat?
Ang unang Linggo ng Adviento ay may kinalaman sa matayog na
bundok. Ayon kay Isaias, ang bundok raw ng tahanan ng Panginoon ay magiging mas
matayog kaysa sa anumang burol, at lahat ay mabibighani rin sa kanya.
Malungkot nga lamang at tayong mga Pilipino ay malapit halos
lahat sa dagat. Ang mga bayan natin at lungsod ay pawang itinayo na malapit sa
ilog o sa dagat, kung saan tayo unang umasa at kumuha ng ikabubuhay. Ang siyang
ipinagtawid-buhay ng marami sa atin ay siya namang naging mecha ng buhay rin ng
marami. Sa humpak na dumaluyong sa Tacloban, sa Guiuan, at sa marami pang lugar
sa Silangang Visayas nang humagupit ang bagyong si Yolanda, kay rami ang
nabigla, nasapawan ng dambuhalang alon na kumitil sa buhay ng mahigit limang
libong katao, at marami pa ang hindi pa natatagpuan.
Ang bundok sana ang siyang naging kaligtasan ng marami. Ang
bundok na tinitingala natin at para sa ilan ay kinatatakutan o iniiwasan, ay
siya sanang nagligtas sa maraming hindi nakaunawa sa kahulugan ng storm surge,
na hindi isinalin sa Tagalog o Visaya ng mga tagapagbalita.
Unang LInggo ngayo ng Adviento at sa unang Linggong ito, ay
bundok ang bida, ang sentro ng ating atensyon. Sa Biblia, ang bundok ay laging
sagisag ng katatagan, kaligtasan, muog at batayang matatag ng buhay.
Tumitingala ang mga tao sa bundok at ang kanilang nakikita ay ang diwa ng
pakikipagniig sa Diyos, tulad ng nakipagtagpo si Moises sa Bundok ng Sinai.
Pati ang salmista ay umawit nang ganito: “Tumitingala ako sa kabundukan, kung
saan manggagaling ang aking kaligtasan” (Salmo 121:1)
Pero sa buhay natin, walang katiyakan at kasiguraduhan
kailanman. Kampante ang ating mga kababayan, at ang akala nila ay ligtas sila sa
kani-kanilang mga bahay. Ngunit nang ang humpak ay dumaluyong, nilamon nito ang
lahat ng kanyang dinaanan, sampu ng buhay ng maraming hindi handa sa dagok na
ito ng kalikasan.
At puede itong mangyari kahit kanino. At kung bakit hindi
sila umakyat sa matayog na burol ay hindi na para sa akin upang sisihin sila at
tanungin. Malamang na ako man ay ganuon din ang aking gagawin.
Isang malaking aral para sa atin sa unang linggong ito ng
paghahanda sa pasko ng pagsilang. Ang bundok ay maaring isang babala o isang
balita. Kung isang babala, ito ay nagbabadya sa atin na ang buhay ngayon at
dito, sa kapatagan ay walang katiyakan, walang kasiguraduhan. Hindi ito ang
hantungan ng lahat para sa atin. Hindi ito ang hangganan at ang wakas. Hindi
ito ang siyang bumabalangkas ng kalahatan ng ating pagkatao at pagiging nilikha
ng Diyos.
Tama si Pablo … Oras na upang gumising at maghanda. Oras na
upang bumangon sa pagkagupiling sa mali at umayos sa tama.
Sa ebanghelyo, mayroon ring isang babala … Hindi raw natin
alam ang oras ni ang araw kung kailan babalik ang Panginoon. Ngunit ang
babalang ito ay may higit na malalim at higit na mahalagang balita …
At ito ang diwa ng paghahanda sa adviento … na kailang
nating maghanda sapagka’t sa oras na hindi natin inaasahan ay darating ang Anak
ng Tao.
Halina’t masaya tayong tumungo sa tahanan ng Panginoon!
No comments:
Post a Comment