Showing posts with label Biyaya. Show all posts
Showing posts with label Biyaya. Show all posts

Monday, December 23, 2013

PASKONG MAKULAY O PASKONG TUNAY?


Araw ng Pasko ng Pagsilang (A)
Disyembre 25, 2013

PASKONG MAKULAY O PASKONG TUNAY?

Tuwing magpapasko, ilang beses rin binabasa ang listahan ng mga angkan na pinagmulan ni Jesus. Kung bulol o utal ang nagbabasa, o hindi pinaghandaan, masakit sa tainga ang makinig sa tatlong tig-lalabing-apat na salinlahi bago makarating kay Jesus na Mananakop.

Mahirap rin maunawaan kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito. Mas madaling maunawaan ang larawan ng sabsaban, ang kweba kung saan naroon ang sabsaban, ang mga hayop na katabi niya sa sabsaban. Ito ang madaling gawing nababalot ng ginto at palara, na makikinang at makukulay na papel.

Ang diwa ng Pasko ay madaling mapagkamalian sa ginto at palara at magaganda at makukulay na palamuti. Pero hindi ito ang pinakamahalagang diwa ng Pasko. Hindi ito ang tunay na buod at batayan ng ating pagdiriwang. Maganda mang isiping si Jesus ay isinilang na walang bahay, mahirap, at wala ni matuluyan, ay hindi ito ang pinakamahalagang batayan ng hiwaga ng Pasko.

Ang Pasko ay hindi nababatay sa kahirapang pinaganda, ginawang sagisag at pinagkalooban ng isang matulaing kahulugan. Ang Pasko ay hindi pagdarahop na dinamitan ng ginto at makikintab na palara.

Mayroon kayang kahulugan ang mapupulot sa salinlahi ng Panginoon na narinig natin sa Misa ng Vigilia kagabi at isang araw ng Simbang Gabi? Ano bang aral ang ipinahihiwatig ng mga listahan ng mga angkan ng Panginoon na tiglalabing-apat na makaitlong beses inulit?

Tingnan man ninyo at muling titigan … may mga taong hindi magaganda ang ugaling ipinakita sa mga angkan ng Panginoon. Dalawa sa apat na babaeng binanggit ay mga babaeng mababa ang lipad, ika nga. Si David ay isang mangangagaw ng asawa, at nagbalak pang isabak si Urias sa giyera para masarili niya si Batsheba. Pero sila ay pawang mga kasama sa listahan ng mga angkan ni Jesus.

Dito ngayon natin matatanong kung ano ba talaga ang pakay ng pagsasalansan ng mga salinlahi ng Panginoon!

At dito rin natin mapapagtanto ang tunay na batayan ng kadakilaan ng Pasko. At ito ay hindi nababatay sa kanyang pagsilang sa isang mahirap na sabsaban, hindi nababatay sa kanyang pagiging anak ng mga salat na taong wala ni matuluyan noong gabing siya ay isilang.

Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi nakatuon sa tao bagkus nakatuon sa kung anong uri ng Diyos ang ating Diyos. Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi ang kasalatan o kahirapan ni Jesus at ng kanyang ama’t ina, kundi sa kayamanan, kabukasang-palad at pagiging mapagbigay ng Diyos at mahabagin para sa kanyang bayan.

Ito ang diwa ng Pasko … ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya – biyaya ng kaligtasan. Ang biyaya ng kaligtasan ay yaman mula sa Diyos, nag-uumapaw na grasya na hindi bagay na nararapat o karapatan ng tao, kundi isang wagas na tanda ng pag-ibig ng Diyos.

Generasyon … grasya … ito ang dapat natin pakatandaan. Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos kung kaya’t ipinagkaloob Niya ang sarili sa katauhan ni Kristong Panginoon, ang kanyang bugtong na Anak.

Salin-lahi … biyaya … Hindi tayo karapat-dapat pero ipinagkaloob sa atin ang kaligtasan. At ang dakilang biyayang ito ay ipinadaan niya sa mga taong siya ring naghatid sa atin ng buhay, sa pamamagitan ng kasaysayan, sa pamamagitan ng mga taong tulad natin ay nagkulang rin sa kadakilaan, ngunit pinadakila mismo ng Diyos.

Ito ang Pasko. Maganda mang isipin na ito ay batay sa kahirapan o karukhaan, ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay batay hindi sa kasalatan, kundi sa kayamanan ng pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan, para sa bawa’t isa sa ating lahat.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

Thursday, June 6, 2013

GANTIMPALA AT GAMBALA MULA KAY BATHALA!


Ika-10 Linggo ng Taon K
Junio 9, 2013

GANTIMPALA AT GAMBALA MULA KAY BATHALA

Kababalik ko lamang galing sa bundok ng Pulag. Panglimang akyat ko na ito sa bundok na mahal na mahal ko. Isang matandang lalaki ang aming gabay, kung kanino ko nakita ang pagmamalasakit, ang pangangalaga, at pagsisikhay sa kabila ng katandaan.

Minsan sa buhay natin ay may mga pangyayari kung kailan higit natin nararamdaman ang Diyos sa buhay natin. Sa maraming taon ko na rin bilang guro at pari, palagay ko’y masasabi kong alam ko ang aking sinasabi tungkol rito.

Tatlong magkakatulad na pagbasa ang ating natunghayan ngayon. Ang una ay ang isang karanasan ni Elias, sa Zarepat, kung saan ang isang balo ay namuhay kasama ng kanyang kaisa-isang anak na lalaki. Duon siya nakituloy. Sa mga araw kung kailan naroon siya, namatay ang bata. Ang nanay ay tumangis. Hindi lamang iyon, ginawa niya ang normal na dapat gawin ng isang ina … Nanisi siya: “Naparito ba kayo upang ako ay sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”

Alam ng Diyos kung ilang beses ko siya sinisi. Bakit hindi? Ako na nga ang gumagawa nang dapat. Ako na nga ang nagpapagal para sa kanya, at ako pa ang parurusahan? Di ba’t ganito tayo lahat? Kapag gumawa ng mabuti nakalista. At kapag sinuklian tayo ng paghihirap, mas mahaba ang ating listahan. Mas matindi ang sisihan, at mas masahol ang ating atungal?

Pati sa ebanghelyo, isang batang lalaki rin ang namatay, anak ng isang balo mula sa Nain. Sa lahat ng parurusahan, siya pa, ika nga.

Matindi ang tao sa mundo. Walang paki ang karamihan. At kapag masaya ka, masaya rin sila, lalu na kung may pamudmod kang painom at pakain. Kapag birtdey mo at nagpaka-canton ka, o Chooks-to-go, masaya ang lahat. Pero kapag malungkot ka, mag-isa ka. Manigas ka, sabi nga nila.

Hindi ganito ang Diyos. Alam ko, sapagka’t di miminsan akong nagdusa dahil sa kanya. Ganyan magmahal ang Diyos … nagdudulot at nag-aalay ng buhay sa pamamagitan ng pagkitil ng makamundong buhay. Nangangalaga at nagkakalinga ang Diyos. Totoo. Pero ang kanyang gantimpalang biyaya ay laging kaakibat ng panggagambala.

Si Pablo ay ginamtipalaan ng biyaya ng pagbabalik-loob. Nguni’t ano ang nahita niya? Ang gantimpala ay nauwi sa gambala. “Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos ay hinirang niya ako upang maging lingkod niya.” Hindi na siya namayapa noong siya ay gantimpalaan. Gambalang walang patid ang naging bunga ng gantimpala.

Ilang beses rin ako ginambala nang ganito … mula sa mga taong hindi ko inaasahan, mula sa mga kapatid ko’t kasamahang walang pagmamalasakit at may halo pang pag-iimbot. Kung medyo namumunga ang puno, ika nga, marami ang pumupukol. Kung medyo nagtatagumpay ka, marami ang nalulungkot. Ito yata ang takbo ng buhay, tulad ng naranasan ng maraming santo at santa.

Isa na rito si Santa Teresa de Avila. Sabi niya, “kung ganito mo tinatrato ang mga kaibigan mo Panginoon, hindi ako nagtataka kung bakit kakaunti lang kaming mga kaibigan mo.”

Sabi ni Papa Francisco na hindi masama ang umangal sa Diyos. Isa itong uri ng panalangin. Umangal ang balo ng Zarepat. Umangal rin si Elias. At ganoon din si Pablo. Ganoon rin ako. Bakit Lord? Bakit kung sino pa ang nagsisikap ay sila ang hindi napapansin at hindi nabibigyan ng kung ano man? O sila pang sinisiraan?

Nananaghoy ako kung minsan … nananawagan. Gantimpala ba ang aking dapat tanggapin o gambala?

Ang tatlong pagbasa ngayon ang tugon … Ang Diyos ay nagkakalinga, nagbibigay ng gantimpala. Pero Siya rin ang nagkakaloob ng gambala. Hindi puedeng sitting pretty lamang lagi. Kailangan magpagal. Kailangan kumilos at gumawa para sa bagong ebanghelisasyon. Kailangan magsikap para sa Kanyang Kaharian.

At huwag kalimutan. Sa kabila ng gantimpala at gambala, ang huli ang siyang mahalaga: “Binata, bumangon ka!” Sapagka’t ang Diyos ay Diyos ng biyaya, at Diyos ng gambala, at Diyos rin ng gantimpala!