Thursday, December 26, 2013

GAWIN LAMANG ANG TAMA!


Banal na Mag-anak (Taon A)
Disyembre 29, 2013

GAWIN LAMANG ANG TAMA!

Nagbabago ang kultura sa bayan natin. Nauso na ang mga Misa sa malls at mayroong mga malls na halos parang parokya na ang dating: may anticipated Mass sa gabi ng Sabado, at may apat na Misa sa buong araw ng Linggo. Bagama’t wala akong problema sa Misa sa ibang lugar kung kinakailangan, mayroon akong nakikitang hindi magandang dulot ng mga Misa na isinasagawa sa mga shopping centers na pampubliko.

Una, maraming taong dumadaan, pati mga taong hindi naniniwala sa Misa o walang pagpapahalaga dito. Ikalawa, malapit ang mga bilihan ng laruan at kainan para sa mga bata … Ikatlo, walang tamang upuan at luhuran sa malls. Maraming bunga ang idinudulot nito na nakapagpapabago ng kultura at nakaka apekto sa pananampalataya at wastong pagsamba.

Hindi na para sa akin ang isa-isahin ang lahat ng ito, pero mayroon akong gustong bigyang-liwanag na may kinalaman sa pamilya, na siyang pokus ng ating pagdiriwang sa araw na ito, yaman at ang sentro ay ang banal na mag-anak.

Una, bigyang-pansin natin ang mga pagbasa. Ang lahat ay nakatuon sa wastong paggalang sa magulang. Pero ang paggalang ay hindi lamang mula sa mga bata. Ito man ay nakatuon sa isa’t isa, sa parte ng matatanda at sa parte ng mga nakababata. Ito ang turo ng ikalawang pagbasa: “Kaya dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin.”

Sa ebanghelyo naman, alam nating may isang taong walang paggalang, hindi lang sa kapwa, kundi pati na rin sa buhay. Handa siyang isangkalan ang buhay ng bata para lamang matanggal niya ang isang potensyal na hahamon sa kanyang kapangyarihan. Si Herodes ay nag-utos na pagpapatayin ang mga batang lalaking dalawang taon pababa.

Hindi na natin kailangan ng isang Herodes upang patayin ang kultura ng tama, wasto, at dapat. Sa panahon natin, dahil sa kulturang dala ng komersyo sa mall, ang mga bata ay nagtatakbuhan sa loob ng simbahan, nagkakainan, at walang pansin sa kabanalan ng mga nagaganap. Kapag nasanay sa Mall, wala nang pagpapahalaga sa kabanalang nagaganap sa Misa. Wala nang lumuluhod. Wala nang sumasamba. At sapagka’t malapit sa mga laruan at kainan, ay wala nang kakayahang maghintay, tumahimik, at makinig ang mga bata.

Mahalagang matutunan natin ang diwa ng kapistahang ito ng banal na mag-anak. Ipinagkakaloob ng Simbahan bilang isang modelo o huwaran ang banal na mag-anak ni Jesus, Jose, at Maria.

Gusto ko sanang bigyang-lagom ang huwarang ito sa tatlong salitang ginamit sa ebanghelyo: Lumisan, Umiwas, at Manatili.

Sanay tayong Pinoy sa paglisan. Mahigit 12 milyong Pinoy ang nasa abroad upang magtrabaho. Pero hindi lang kahirapan ang ating dapat iwasan. Ang banal na mag-anak ay umiwas kay Herodes. Umiwas sila hindi lamang sa masama kundi sa okasyon ng kasamaan. Isang tungkulin natin bilang tagasunod ni Kristo ang umiwas rin pati sa okasyong na naghahatid sa kasamaan.

Kung ako ang tatanungin, dapat din tayo umiwas sa anumang hindi naghahatid sa wasto, sa tama, sa nararapat, at sa anumang hindi naghahatid sa tunay na buhay maka-Diyos.

Pero may ikatlo pang salita. Manatili … dapat rin tayong manatili hangga’t ang panahon ay hindi pa tama … ang manatili sa kabutihan, sa wasto at tama, at sa nararapat. Madali ang manghinawa sa panahon natin. Madali ang mawalan ng pag-asa at sumama na lamang sa agos, o sa takbo ng lipunan. Mahirap ang manlaban para sa tama, sapagkat sa mundo natin, ang tama ang nagiging mali, at ang mali ay siyang pinalalabas na tama.

Si Mr. Gerardo Gamboa na isang taxi driver sa Las Vegas ay may mahalagang paalaala sa atin. Hindi natin kailangan maging dakila. Hindi natin kailangan gumawa ng bagay na nakagigimbal sa mundo. Simple lamang ang dapat gawin … ang manatili sa tama, lumisan sa maling gawa, at umiwas sa masama. At ano bang dapat gawin?

Simple lamang … Gawin ang tama … Gawin lang ang nararapat. Tulad ng ginawa niya … nakakita ng tatlong daang libong dolyar sa taxi niya. Hinanap ang may-ari at ibinalik. Bakit? Sapagka’t iyon ang tama!

No comments:

Post a Comment