Araw ng Pasko ng Pagsilang (A)
Disyembre 25, 2013
PASKONG MAKULAY O PASKONG TUNAY?
Tuwing magpapasko, ilang beses rin binabasa ang listahan ng
mga angkan na pinagmulan ni Jesus. Kung bulol o utal ang nagbabasa, o hindi
pinaghandaan, masakit sa tainga ang makinig sa tatlong tig-lalabing-apat na
salinlahi bago makarating kay Jesus na Mananakop.
Mahirap rin maunawaan kung ano ang kahulugan ng lahat ng
ito. Mas madaling maunawaan ang larawan ng sabsaban, ang kweba kung saan naroon
ang sabsaban, ang mga hayop na katabi niya sa sabsaban. Ito ang madaling gawing
nababalot ng ginto at palara, na makikinang at makukulay na papel.
Ang diwa ng Pasko ay madaling mapagkamalian sa ginto at
palara at magaganda at makukulay na palamuti. Pero hindi ito ang
pinakamahalagang diwa ng Pasko. Hindi ito ang tunay na buod at batayan ng ating
pagdiriwang. Maganda mang isiping si Jesus ay isinilang na walang bahay,
mahirap, at wala ni matuluyan, ay hindi ito ang pinakamahalagang batayan ng
hiwaga ng Pasko.
Ang Pasko ay hindi nababatay sa kahirapang pinaganda,
ginawang sagisag at pinagkalooban ng isang matulaing kahulugan. Ang Pasko ay
hindi pagdarahop na dinamitan ng ginto at makikintab na palara.
Mayroon kayang kahulugan ang mapupulot sa salinlahi ng
Panginoon na narinig natin sa Misa ng Vigilia kagabi at isang araw ng Simbang
Gabi? Ano bang aral ang ipinahihiwatig ng mga listahan ng mga angkan ng
Panginoon na tiglalabing-apat na makaitlong beses inulit?
Tingnan man ninyo at muling titigan … may mga taong hindi
magaganda ang ugaling ipinakita sa mga angkan ng Panginoon. Dalawa sa apat na
babaeng binanggit ay mga babaeng mababa ang lipad, ika nga. Si David ay isang
mangangagaw ng asawa, at nagbalak pang isabak si Urias sa giyera para masarili
niya si Batsheba. Pero sila ay pawang mga kasama sa listahan ng mga angkan ni
Jesus.
Dito ngayon natin matatanong kung ano ba talaga ang pakay ng
pagsasalansan ng mga salinlahi ng Panginoon!
At dito rin natin mapapagtanto ang tunay na batayan ng
kadakilaan ng Pasko. At ito ay hindi nababatay sa kanyang pagsilang sa isang
mahirap na sabsaban, hindi nababatay sa kanyang pagiging anak ng mga salat na
taong wala ni matuluyan noong gabing siya ay isilang.
Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi nakatuon sa tao
bagkus nakatuon sa kung anong uri ng Diyos ang ating Diyos. Ang tunay na
kadakilaan ng Pasko ay hindi ang kasalatan o kahirapan ni Jesus at ng kanyang
ama’t ina, kundi sa kayamanan, kabukasang-palad at pagiging mapagbigay ng Diyos
at mahabagin para sa kanyang bayan.
Ito ang diwa ng Pasko … ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya –
biyaya ng kaligtasan. Ang biyaya ng kaligtasan ay yaman mula sa Diyos,
nag-uumapaw na grasya na hindi bagay na nararapat o karapatan ng tao, kundi
isang wagas na tanda ng pag-ibig ng Diyos.
Generasyon … grasya … ito ang dapat natin pakatandaan.
Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos kung kaya’t ipinagkaloob Niya ang sarili
sa katauhan ni Kristong Panginoon, ang kanyang bugtong na Anak.
Salin-lahi … biyaya … Hindi tayo karapat-dapat pero
ipinagkaloob sa atin ang kaligtasan. At ang dakilang biyayang ito ay ipinadaan
niya sa mga taong siya ring naghatid sa atin ng buhay, sa pamamagitan ng
kasaysayan, sa pamamagitan ng mga taong tulad natin ay nagkulang rin sa
kadakilaan, ngunit pinadakila mismo ng Diyos.
Ito ang Pasko. Maganda mang isipin na ito ay batay sa
kahirapan o karukhaan, ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay batay hindi sa
kasalatan, kundi sa kayamanan ng pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan, para
sa bawa’t isa sa ating lahat.
Maligayang Pasko sa inyong lahat!
No comments:
Post a Comment