Saturday, October 26, 2013

Tunay na Tunay!


Ika-30 Linggo ng Taon K
Oktubre 27, 2013

TUNAY NA TUNAY!

Hindi na uso ngayon ang pulp bits. Noong kami ay mga bata pa, tanyag ang Royal Tru-orange, dahil daw may pulp bits. Ewan ko kung ano yon, pero meron ngang bits. Hindi ko nga lang alam kung tunay na galing sa orange ang mga iyon.

Ayaw natin ng peke. Gusto natin ng tunay, ng orig. Pero kahit ganito, marami pa rin ang bumibili ng pekeng Chanel, pekeng kung ano-anong bag o maleta, na kinukumpiska naman sa Japan at sa maraming lugar sa Amerika. Gusto natin lahat tulad ng kung ano ang gamit ni Napoles … trulalu, sabi nga nila … hindi peke at tunay na mamahalin. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit hindi nalulugi ang mga tindahan ng Salvatore Ferragamo sa Greenbelt 5 at iba pang lugar, kahit na ang karamihang Pinoy, kahit man lamang yung Suotmopre Paragwapo ay hindi kayang bilhin ng marami?

Marami nga yatang nabiyayaan ng pork barrel at patuloy na namamayagpag ang mga tindahang ito! Hindi rin kaya ito ang dahilan at ang Rolls Royce ay nagbukas na rin ng tindahan dito? Sabi nila, “the Philippines has arrived!” kahit mga congressmen lang naman ang nakabibili ng ganito.

Ayaw rin ng Diyos ng peke. Ayaw rin ni Sirac na tagapagsalita ni Yahweh ang hindi tunay. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay tunay, hindi peke. Ayon kay Sirac, hindi siya bingi sa pagtangis ng mga naaapi, at lalong hindi siya nagbubulag-bulagan sa panaghoy ng mga balo. Trulalu pa rin! Ayon sa salmista, “Dinidinig ng Diyos ang pagtangis ng mga dukha.”

Tunay rin at hindi peke ang pamulat ni Pablo kay Timoteo. Sapagkat totoo, nakuha pa niyang medyo magyabang nang kaunti: “Natapos ko ang paligsahan; naging tapat ako sa pananampalataya.” Aniya, “iniligtas ako ng Panginoon sa bibig ng leon”

May dalawang uri ng taong hatid sa atin ang pangaral ng ebanghelyo: ang Pariseo at ang nangungubra ng buwis. Mayabang ang pariseo. At hindi makatotohanan! Hambog pa at palalo. Peke, sa ating salita ngayon. Bukod sa nagyabang, nagbintang pa!

Pero tapat at tunay ang taga kolekta ng buwis: “Panginoon maawa ka sa akin, isang makasalanan.”

Tunay ang hanap natin, hindi peke. Tunay rin ang gusto ng Diyos, hindi pagkukunwari. Meron tayong dating presidenteng nasakdal at napatunayang kurap, pero pinatawad. Pinatawad ang isang taong hindi man lamang tumanggap ng pagkakamali. Paano magsisisi ang isang hindi tumanggap ng kasalanan?

Pero hindi pulitiko ang ating pinag-uusapan dito, kundi tayo. Tayo ngayon ang mamili: maging pariseo o maging tulad ng taga kolekta ng buwis. Nagkasala nga ngunit kumilala, tumanggap, at nagsisi.

Tunay na tunay. Walang bahid ng pagkukunwari. Walang anino ng pagbabalatkayo. Ito ang pamulat sa atin ng Diyos, na tunay nagkakalinga sa kapakanan natin tuwina.

No comments:

Post a Comment