Friday, October 18, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON!


Ika-29 na Linggo Taon K
Oktubre 20, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON

Wala akong maisip na mga salita tungkol sa paghihirap na dumalaw sa marami nating kababayan matapos ang hindi inaasahang lindol sa Bohol at mga karatig isla. Isa lamang ang sumasagi sa isipan ko, na siya ring pinapaksa ng mga pagbasa sa Linggong ito … pagsubok o paghamon.

Hindi biro ang sumailalim sa matinding pagsubok. Tulad ng pinagdaanan nina Moises, kung kailang ang mga basagulerong Amalecita ay patuloy na umaatake sa kanila. Pero hindi lahat ng paghamon ay nakukuha sa pakikipagdigma. Hindi lahat ay nalulutas sa pagiging mainitin ang ulo.

Kung minsan, kailangang magpakumbaba at magtiwala sa ibang uring lakas na hindi galing sa ibaba bagkus sa itaas.

Ito ang kapangyarihan ng panalangin. Pero sa araw na ito, hindi lang simpleng panalangin ang paksa. May kakaibang diin … may kakaibang ibig bigyang pansin. At ito ay may kinalaman, hindi sa pananawa, kundi sa hindi panghihinawa sa panalangin sa Diyos.

Mahirap ngayon ang lahat ng bagay sa ating buhay. Trapiko pa lamang saanmang dako ng Pilipinas ay problema na. Problema ring pumila sa lahat, maging sa supermarket, sa palengke, sa sakayan ng traysikel, o dyip, o LRT. Lahat, ika nga, ay “hassle.” Walang pinipili … walang sinasanto … walang itinatangi – tulad ng lindol na walang pakundangang nagpaguho sa yaman, di lamang nating mga katoliko, kundi ng lipunan.

Kung gaano kahirap ang buhay, ganoon naman kadali ang mawalan ng tiwala, ng pag-asa, ng marami pang iba. Mayroon pa kayang tiwalang natitira sa pamahalaan, lalo na sa Senado at Kongreso? Maibabalik pa kaya ang naglahong pananalig na kapakanang pangkalahatan ang kanilang pakay at naisin?

Para sa mga nasawi dahil sa lindol, alam nating walang anumang kataga ang makapagpapagaan ng mabigat na pasaning emosyonal ng mga naiwan.

Bilang pari, ako ay kaisa sa kanilang panimdim at sa kanilang mga pasakit. Pero bilang pari, mahirap man maunwaan ngayon sa gitna ng matinding pagsubok, tungkulin ko ang ipagmakaingay ang magandang balita na siyang maghahatid sa atin sa liwanag, gaano man kalayo, gaano man katagal.

Ito ang mga pahatid sa atin ng mga pagbasa … Una, kailangan nating manatili sa pananalig at sa pananalangin, tulad ni Moises na nanatiling nakataas ang mga kamay bilang tanda ng pagsamo sa Diyos.

Ikalawa, kailangan natin ng katatagan, tulad ng paalaala ni Pablo: “Ipangaral mo ang ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.”

Alam kong lumang tugtugin na ito, pero ito ang malinaw na turo sa atin ngayon … “huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo.”

Katatagan … katapatan … kalakasan ng loob at ng pananampalataya at pag-asa …

Sukdulan ang halimbawang dulot ng Panginoon … isang balo na hindi nanghinawa, nagpumilit, nangulit, patuloy na nanggambala, at walang patid na nagpahatid ng hinaing … Ito ang larawan ng isang taong may pananampalatayang hindi nabubuwag ng pagsubok, gaano man kapait.

Marami sa atin ang nakakaranas ng matinding pagsubok sa buhay. Hindi ko batid ang nilalaman ng puso ng lahat ng kaharap ko ngayon o nagbabasa nito. Pero ito lamang ang masasabi ko … Alam ng Diyos ang lahat. Naranasan din ng Panginoon ang lahat ng ito. Kaisa natin siya … kasama … kabata … kalakbay at kapanalig.

Hindi siya nagsasawa. Hindi nanghihinawa. Sa habag at pag-ibig sa tanan, kahit na hindi natin ngayon nakikita o nararamdaman.

Manatili sana tayong naka-katig sa kanyang timon. Tularan si Moises, si Aaron, Hur, Pablo, at ang hindi kilalang balo sa ebanghelyo. Kumapit tayong mahigpit sa katig ng pananampalataya sa Panginoon.

No comments:

Post a Comment