Ika-32 Linggo Taon K
Nobyembre 10, 2013
ALAM KONG AKO’Y MULING BUBUHAYIN!
Matagal-tagal na akong nagtuturo. Sa aking mahabang
karanasan, mahalaga ang tinatawag nating mithiiin, pangarap, o panagimpan
(vision sa Ingles). Ang mga mag-aaral na nagsisimula ng semester na walang
mithiin, walang tiyak na gustong marating, o walang anumang inaasentar na
layunin ay nananatiling parang walang natupad o nagawa sa loob ng anim na
buwan.
Ang mga may mithiing taglay sa puso ay walang problemang
magsumite ng mga requirements. Malayo pa ang deadline ay meron na silang
handang papel na puede i-entregar. Ang walang pinanghahawakang pangarap at
mithiin ay laging parang nagpapadala na lamang sa agos. Wala nang papel ay wala
pang sagot sa pinal na pagsusulit.
Iba talaga kapag kahit mga bata pa ay mayroon nang
nakikitang ibang bagay na hindi nakikita ng mga walang hinahanap at inaasam.
Ito ang kwento ng mga magkakapatid na Macabeo. Mas pinili nilang mamatay kaysa
lumabag sa utos ng Diyos. Bakit? Sapagka’t may nakikita silang hindi nakikita
ng mga taong walang pananampalataya.
Ano ba ang nakita nila? Nasa kanilang harapan tuwina ang
isang katotohanang hindi matanggap ng mga taong hindi tumatanggap sa Diyos na
nagbitaw ng pangako – na mayroon muling pagkabuhay ng mga nangamatay at mayroon
rin gantimpalang naghihintay sa mga nagpapakatapat sa pangako at panawagang
ito.
Masakit man banggitin, ito ang malaking problema ng marami
sa ating panahon. Hindi na nakikita ng marami ang mga bagay na higit pa sa
pera, posisyon, at poder. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng kung bakit sa kabila
ng sinabi ng isang babaeng kilala ng buong Pilipinas na siya raw ay naniniwala
sa sampung utos ng Diyos, ay hindi niya masagot kung bakit siya nagnanakaw ng
limpak limpak na salaping galing sa kaban ng bayan.
Ito rin ang malaking problema ng buong sambayanang Pilipino.
Takot tayo sa lindol, sa bagyo, sa baha, at sa marami pang ibang sakunang
pabalik-balik sa ating bayan. Pero ang panggagalaiti ay nangyayari lamang kung
kailan ito nagaganap. Pagkatapos ng unos at baha, kapag dumating na ang Pasko
at Pista, ay nakakalimutan nating lahat ang dating malaking sakit ng ulo. Sa
kabila ng paulit-ulit na niloloko tayo ng mga tampalasang politico, ay patuloy
naman tayong pumapayag magpaloko, at patuloy pa rin naman natin sila
inihahalal.
May isang banyaga ang bumisita sa Pilipinas at dinala siya
sa isang Jollibee. Ang Pinoy na nagdala sa kanya ay walang sinabi at walang
ginawa nang mabigyan sila ng sobrang Peach Mango pie. Biyaya rin iyon, ang
marahil ay kanyang inisip. Kanya-kanyang palusot; kanya-kanyang pandaraya, at
pag-iwas sa pagbabayad ng tama. Ayon sa isang manunulat, hinding-hindi raw tayo
mapapahanay sa mga first world countries kung mananatili tayong walang
pagmamalasakit sa totoo at tama; sa wasto at sa katarungan. Wala nang
nababahala at naeeskandalo na ang mayor, governor, o congressman o senador ay
may bahay na hindi kailanman mababayaran ng kanilang sweldo, pero ang
magagarang bahay nila ay nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso, at hindi
lumalabas, sampu ng kanilang mga anak, pamangkin, at inangkin, nang walang
dose-dosenang mga bodyguards.
Wala na tayong nakikita kundi ang ngayon at para dito. At
ang ngayon at para dito ay hindi kailangan ng malawak at malalim na paningin,
pangarap o mithiin. OK na ang maraming pera. OK na ang makapangyarihan. Ok na
kung kami ay magara ang bahay at kotse kahit ang karamihan ay halos walang
matuluyan.
Mababaw ang paningin ng mga tao ngayon. Hanggang selfie
lamang at pa post post din kapag may time … hanggang limang daan lamang bago
eleksyon at dagdag na limang daan matapos ang eleksyon … hanggang pakupit-kupit
na lamang sa kaban ng bayan kahit walang kinabukasan ang milyon-milyong
Pilipino.
May malinaw na leksyon ang mga pagbasa ngayon … ang pitong
magkakapatid na minatamis pa nilang mamatay kaysa lumubag sa utos ng Diyos. May
mithiin sila. May nakita silang hindi nakita ng mga mabababaw. Tulad rin ng
sinasaad sa ebanghelyo, kelangan tuminging lampas sa mga gawaing makamundo
tulad ng mga relasyong makamundo sa pag-aasawa o iba pang uring samahang
makamundo.
Kelangan natin tumingin pa sa itaas, sa bundok ng Panginoon
kung saan nagmumula ang kaligtasan. Kailangan natin ng malinaw na matang may
nakikitang higit pa kaysa sa yaman, kapangyarihan, karangyaan at kababawan.
May mungkahi sa atin ang mga pagbasa … Bakit hindi natin
tunghayan ang panawagan ng Diyos sa atin – tungo sa buhay na walang hanggan?
“Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos.”
No comments:
Post a Comment