Friday, May 30, 2014

UMAKYAT, HINDI UMALIS; NILUWALHATI UPANG MANATILI


PAG-AKYAT SA LANGIT (A)
Junio 1, 2014

UMAKYAT, HINDI UMALIS; NILUWALHATI, UPANG MANATILI

Marami sa ating mga kababayang ina at ama ng mga batang paslit ang lumilisan sa bayan, nangingibang-bayan, at naglalakbay sa malayo. Marami sa mga batang mga magulang na umaalis araw-araw para mag-trabaho ay sadyang iniiwan ang mga anak, sa mga yaya, o sa kanilang sariling mga magulang, sa Lolo o Lola.

Si Jesus man ay lumisan … umakyat sa kalangitan. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayon.

Nguni’t batid nating lahat na ang paglisan ng mga magulang na Pinoy ay hindi pag-alis upang mawalay, upang mahiwalay, o upang malayo. Ito ay isang paglisan na ang pakay ay upang lalong mapalapit, upang mapaghandaan ang darating na kinabukasan ng kanilang mga anak. Itong paglisang ito ay hindi pamamaalam, kundi pagsisikap, pagtitiyaga, upang higit na mapamahal sa mga anak.

Noong hindi pa uso ang Skype at facetime, telepono ang koneksyon ng magulang sa abroad at anak sa sariling bayan. Nang mauso na ang texting, panay text naman araw-araw. At ngayong palasak na ang mga tablet, Android man o iOS, ang paglisan sa malayo ay napalitan ng pakikipagniig sa pamamagitan ng videochat.

Si Jesus ay umakyat sa langit. Nakapagtatakang hindi man lamang ito binanggit ni Mateo sa ebanghelyo. Tama siya. Hindi umakyat ang Panginoon upang lumisan, kundi upang luwalhatiin ng Ama. Umakyat siya hindi upang mawala sa ating piling, bagkus upang manatili sa ibang paraan, sa mas mataas na antas sa pamamagitan ng biyaya, o misterio ng kanyang pananatili at pakikisalamuha sa atin.

Ang pag-akyat ng Panginoon ay hindi pamamaalam, kundi pananatili. Ang pag-akyat niya ay hindi paglisan kundi pagiging kapiling natin sa biyaya, sa tuluyang gawang pagliligtas, at sa pakikipagniig sa pamamagitan ng kanyang katawang mistiko, ang Santa Iglesya.

Pero, tingnan nating muli ang ebanghelyo … may karugtong pa. Hindi siya lumisan. Hindi siya namaalam. Patuloy siyang nananatili, pero may iniutos siya sa atin: “Humayo kayo at gawing disipulo ko ang buong daigdig.”

Sa huling pagtutuos, ang pag-akyat ay pananatili sa piling natin. Ang pag-akyat niya ay isang paghamon, upang tayo ay gumanap sa kanyang ginanap, ang katotohanan tungkol sa kung sino siya … EMMANUEL, ang Diyos na sumasaatin!

Hali! Huwag lumisan! Manatili! Mangaral at gumawa nang ayon sa kanyang ipinag-utos. At ito ang ating panalangin tuwina: MANE NOBISCUM, DOMINE, SEMPER ET PRO SEMPER! Manatili ka sa aming piling Panginoon, sa tuwina at saanman!

No comments:

Post a Comment