Saturday, June 7, 2014

MARAMING DILA; IISANG PANG-UNAWA; IISANG TADHANA


Linggo ng Pentekostes
Junio 8, 2014

MARAMING DILA; IISANG PANG-UNAWA

Kataka-takang minarapat ng Diyos na ang pagbaba ng Espiritu Santo ay naganap sa pamamagitan ng mga “dilang apoy.” Maraming dila ang bumaba at lumapag sa noo ng mga disipulo. Maraming dila ang naging bunga ng dilang apoy. Nakapagsalita ang marami sa iba-ibang wika. Nakaunawa ang lahat ng mga iba-ibang wika. Nagkaisa ang mga kakaiba. Nagkabuklod ang mga di magkatulad at magkasama. Ang mga taong walang kaisahan ay naging malapit sa isa’t isa.

At ito ang higit sa lahat … ang mga natatakot ay naging matapang; ang mga dati-rati’y walang lakas ay tumanggap ng kalakasan upang mangaral. Ang mga nawalan ng pag-asa ay nabuhayan.

Pero and lahat ng ito ay nakatuon hindi sa maraming mga salita kundi sa tatatlong kataga: “Si Jesus as Panginoon.”

Kay rami ngayon na ang dini-diyos ay ang One Direction. Hindi na bale na sila ay gumagamit ng drugs. Hindi na rin bale na gumastos ng pambayad sa matrikula, makapanood lamang ng One Direction. Marami ngayon rin na ang itinuturing na Diyos ay salapi at kayamanan. Wala nang hiya-hiya. Wala nang katapatan. Wala ni isa yata sa mga kagalang-galang ang nagsasabi ng totoo. Ang lahat ay may palusot. Ang lahat ay may dahilan. Ang lahat ay hindi nagnakaw. Pero ang lahat ay kay gaganda ng kotse, bahay, at kay raming pera na parang walang pagka-ubos.

Marami rin ang itinuturing na panginoon ay kung sino man ang makapagbibigay ng malaking commission, magarang tahanan, at “unli” na pinagkukunan ng pera. Uso ngayon ang Unli rice, unli-text, unli calls at iba pa. Pati pork barrel ay Unli para sa mga ma-abilidad at makapal ang mukha.

Minsan rin, dila ng kaibahan at pugad ng pagkakawatak-watak ang ating tahanan. Kanya-kanyang uwi. Kanya-kanyang init ng sariling pagkain. Kanya-kanyang lakad. Maraming mga barangay natin ay kanya-kanyang manok sa oras ng eleksyon. Kapag natalo ang isang kandidato ay palit lahat ng traffic aides. Tanggal lahat ang mga tauhang kaugnay sa talunan. Pati mga traffic posts and light posts ay nag-iiba ng kulay, o pinapalitan ng bago kahit hindi naman kailangan.

Ang Pentekostes ay kabaligtaran ng lahat ng ito. Ang Pentekostes ay kaisahan, kahit na tayo ay napapaligiran ng pagkakaiba-iba. Ang Pentekostes ay larawan ng kapangyarihan, kahit na tayo ay nababalot ng takot, pangamba, at kahinaan ng puso at damdamin. Ang Pentekostes ay kaloob ng IISANG Espiritu. Ang Pentekostes ay pagkakaloob ng maraming mga regalo o kaloob, nguni’t IISA ang pinagmulan. Ang Pentekostes ay araw ng kalakasang dulot ng IISANG DIYOS. IISANG ESPIRITU. IISANG PANGINOON.

At tanging isa ang pangaral na ating pinanghahawakan ngayon: SI JESUS AY PANGINOON!

Kung si Jesus ay Panginoon, wala nang lugar ang pagkakawatak-watak, ang pagtungayaw, ang pakikipagpaligsahan sa isa’t isa. Wala nang puwang ang pakikipag tagisang lakas sa isa’t isa upang sapawan at palubugin ang kapwa.

Kung si Jesus ay Panginoon, ang mga bagay na nagpapahiwalay ay mapapalitan natin ng kaisahan, kaugnayan, at pagkakabuklod bilang tagasunod ng iisang Diyos, iisang binyag, iisang Panginoon, at iisang Ama at Diyos ng lahat. Marami mang dila; iisa ang pang-unawa; iisa ang tadhana … kasama ni Jesus na Panginoon!

No comments:

Post a Comment