Saturday, May 10, 2014

SALA-SALABAT NA TINIG; KANINO KA PANIG?


Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 11, 2014

SALA-SALABAT NA TINIG; KANINO KA PANIG?

Maingay ang ating kapaligiran sa ating panahon … maraming sala-salabat na tinig … maraming salu-salungat na takbo ng isipan … maraming umaakit at nananawagan ng ating atensyon. Lahat ay nagpapanggap na may hatid na katotohanan … lahat ay nagsasabing wala nang dapat pang pakinggang iba pa.

Ito na … ikaw na, ika nga. Wala nang iba.

Pero alam nating lahat kung paano ang pakiramdam ng maloko. Alam kong dama ninyo ang kung anong pagsisisi ang dinadama ng isang taong nakinig sa maling payo, at nagpasya nang mali, at kung anong malaking suliranin ang naging bunga ng maling pasyang ito. Alam ko … sa aking pagkabata ay di miminsan akong nawalan ng pera, nadenggoy ika nga, dahil sa matatamis na pananalita ng taong ang bibig ay tila puno ng pulot pukyutan.

May nagsasabing sa isang malaking trahedya sa kasaysayan ng mundo, tulad ng trahedya noong 9/11, sa kaguluhan at kadiliman ng gusaling malapit nang gumuho nang tamaan ng eroplano, may isang bombero ang dumating sa isang palapag. Walang ilaw … hindi magkamayaw … hindi sila makaaninag kung saan pupunta sa kapal ng usok at kadiliman. Sinabi ng bombero … makinig lang kayo sa akin at sumunod sa aking tinig!

Kumanta siya … nagsalita siya nang walang tigil … at ang mga nakinig ay naligtas. Siya ay kumilos na parang isang pastol, at ang kanyang tinig lamang ang sinunod ng marami.

Linggo ngayon ng Butihing Pastol. At ang sabi ng Panginoon ay tila susun-susong katotohanan … Siya raw ang pastol. Siya rin ang pintuan ng pastulan. Pero may isang larawang hindi dapat natin mapagkamalian … Mahalaga ang tinig ng pastol, at lalong mahalaga na ang mga tagasunod sa pastol ay makinig sa kanyang tinig.

Hindi na natin alam kung sino at ano ang dapat pakinggan. Hindi na natin alam kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo. Ang radyo at TV ay hindi na kapani-paniwala sa maraming pagkakataon. Ang katotohanan ay nabibili, at ang mga tagapagpahayag ay nababayaran. Puro ingay, hindi tinig ng totoo ang ating naririnig.

Tanging ang simbahan lamang ang nagtataguyod ng tinig ng katotohanan, na walang bahid politica, walang anumang agenda, walang anumang nais na posisyon at kapangyarihang makamundo.

Mahalagang makinig tayo sa tamang tinig, sa wastong tinig, at ito ang mahalagang aral sa atin sa araw na ito. Ang butihing Pastol ang siyang ating gabay, ang siyang ating tularan at huwaran. At hindi panglabas na karangyaan ang hanap natin sa kanya. Ang tanging hanap at hinihintay natin ay ang kanyang tinig.

Magulo ang mundo ngayon, punong-puno ng ingay, at nababalot ng lahat ng uri ng panlilinlang. Kailangang magsuri. Kailangang makinig. Pero matapos ang lahat, kailangang sumunod. Kailangang tumalima. Kailangang gumawa ayon sa ating narinig.

Salu-salungat ang iba-ibang mga tinig. Dalawang tanong ang dapat natin sagutin: Una sa lahat ay ito: Ikaw ba ay nakikinig? Ang ikalawa naman ay ito ... kung ikaw ay nakikinig, kaninong tinig ka panig?

"Sumusunod ang mga tupa sapagka't kilala nila ang kanyang tinig."

No comments:

Post a Comment