Friday, May 16, 2014

WALA NANG IBA PA; WALA NANG HIHIGIT PA!


Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 18, 2014

WALA NANG IBA PA; WALA NANG HIHIGIT PA!

Medyo sawa na tayo sa mga slogan … mga isang linyang kasabihang madaling matandaan, madaling bigkasin paulit-ulit, at kahit hindi totoo ay nagiging totoo na rin sa ating guni-guni. Ayaw na rin ng mga kabataan ngayon magbasa ng anumang “users’ manual” kapag bumili ng bagong gamit. Kapag may bagong selfon, diretso nang gamit … wala nang basa basa pa ng mga manual.

Noong araw, kapag nag-biyahe, hanap muna ay mapa. Marunong magbasa ng mapa ang maraming tao. Ngayon, nagsasama ng “navigator” upang ipakita, hindi ituro, ang daan patungo sa anumang lugar. Kung meron mang manual, ika nga, ang nakatala roon ay mga larawan, hindi mga salita … larawang dapat lang tularan, gayahin, at sundin, hindi mga alituntuning dapat pang basahin at unawain – at isagawa.

Natatandaan ko pa noong ako’y isang batang-batang pari sa Paris, Francia. Konti lang ang alam kong Pranses, kung kaya’t nagtanong ako kung paano marating ang 33bis Rue des Pyrenees. Halata ng mama sigurong hindi ko masyadong maiintindihan ang kanyang sasabihin, kung kaya’t sinabi niya sa akin: “Suivez moi, s’il vous plait.” Sundin mo lang ako. Naaalala ko rin nang isang beses na kasama ko ang aking mga kapatid sa Reno, Nevada. Paikot-ikot kami at ginaw na ginaw, kasi hindi namin makita ang Incline Village kung saan dapat kami tumuloy. Nakita namin ang pulis na marahil ay nagtataka kung bakit kami paikot-ikot. Isa lamang ang kanyang sinabi sa amin: “Follow me.” “Sundan nyo ako.”

Sundan nyo ako. Ito ang turo sa atin ng Butihing Pastol. Matapos niya bigyan ng lakas ng loob ang mga disipulo at pawiin ang kanilang pangamba; matapos ibigay sa kanila ang pangakong may kinalaman sa langit na tunay nilang tirahan; matapos tanungin ni Tomas at ni Felipe ng dalawang magka-ibang tanong, ito ang tugon ni Jesus: “Sundan nyo ako.”

Si Tomas ay medyo deretso ang hiling: “Paano namin malalaman ang daan?” Si Felipe naman ay medyo personal ang dating: “Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.”

Deretso rin at malinaw ang tugon ng Panginoon: “ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama.” Hindi siya nagbigay ng mapa kay Tomas. Hindi nagbigay ng GPS kay Felipe. Hindi siya nagbigay ng “owner’s manual” kaninuman. Ibinigay niya ang kanyang sarili. Hindi siya nangaral nang kung paano marating ang langit. Inakay niya ang mga disipulo. Hindi siya nagwika kung saan ang daan. Hindi … ipinakita niya ang daan, at kanyang sinabi: “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.”

Sa panahon natin, kay raming daan; kay raming paraan. Sa kabila ng tuwid na daan, baluktot pa rin ang tinatahak na landas ng ating lipunan. Bilyon-bilyon ang naglaho, ang pinagsamantalahan ng mga magnanakaw na honorable.  Hindi nagbigay si Jesus nang maraming daan o mapang puedeng pagpilian. Hindi niya sinabing siya ang isa sa mga daan na puedeng tahakin. Bagkus sinabi niya, “Ako ang Daan.”

Maraming katotohanan ngayon, depende kung anong channel ang pinanunuod mo. Maraming totoo, depende rin kung anong periodiko ang binabasa mo. Ang totoo ay nahahati, nahihilot, nagagawan ng paraan. Pero hindi sinabi ni Jesus na siya ay isa ring katotohanang puedeng hilutin at puedeng bilugin. Bagkus sinabi niya: “Ako ang Katotohanan.” At ang katotohanan ay hindi depende sa sinabi ng Pulse Asia o anumang survey outfit.

Marami rin ngayon ang nagpapanggap na maghahatid ng buhay. Kay raming mga skin experts na walang ginawa kundi mag-isip kung paano babatang muli o gagandang muli ang mga tigulang o mga gurang! Kay raming mga plastic surgeons na ito ang pakay. Hindi sinabi ni Jesus na siya raw ang medyo buhay o naghahatid ng buhay na kalahati lamang. Bagkus sinabi niya: “Ako ang Buhay.” At ang buhay na ito ay hindi lamang batay sa ganda ng kutis, tangos ng ilong, at bawas ng baba para sa mga babalu.

Tanging si Jesus ang Daan. Wala nang iba. Tanging si Jesus ang Katotohanan – ang katotohanang mapagligtas. Wala nang iba. Tanging si Jesus ang Buhay – Buhay na ganap at wala ka nang hahanapin pa.

Tanging ang Diyos sa pamamagitan ni Jesus, ang mapa, ang daan, ang destinasyon, at ang huling hantungan. Tanging ang Diyos ang makapagpapaganap sa buhay makamundong hindi kailanman sapat at ganap, at hindi makapagbibigay ng walang hanggang kaligayahan. Tanging si Jesus … Wala nang iba … wala nang hihigit pa!

No comments:

Post a Comment