Thursday, May 1, 2014

DOS POR DOS! DISCIPULOS Y SANTOS


Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 4, 2014

DOS POR DOS! DISCIPULOS Y SANTOS!

Parang mga tutang sukot ang buntot na naglakad ang dalawang disipulo, palayo, hindi palapit sa Jerusalem. Talo ang kanilang team. Dinakip at tinodas ang captainball. Wala na silang coach. Wala na silang dapat pang hintayin. Tapos na ang laban.

Ito ang kwento sa atin ng pagbasa ngayon.

Dalawang disipulo rin ang dumating sa buhay natin. Isang matanda na nang mahalal, at isa na batang-bata pa nang naging apostoll na kahalili ni San Pedro. Ang una ay naghatid ng tuwa at kagalakan at kapayakan sa mundong naghahanap ng sariwang hangin ng pagbabago. Ang ikalawa ay nagdulot ng pag-asa, at naghatid sa panibagong pakikibaka sa mundong tila ang nagwawagi ay ang kawalang pag-asa, at ang kawalang katugunan sa maraming katanungan.

Dos por dos! Tapatan at tugunan! Dalawang discipulos! Dalawang santos! Dalawang nadala ng kawalang-pag-asa; dalawang naghatid ng panibagong hangin ng pag-asa.

Mahirap kapag wala kang coach sa buhay. Lalong mahirap kung ang iyong mentor o coach o captain ball ay tila iniwan ka sa ere. Mahirap kung ikaw, sa halip na magkaroon ng bagong lakas at tapang, ay nabalutan ng pagdududa at pag-aagam-agam. Naranasan ko rin ito. Mahirap ang tayo kung ang Simbahang mahal mo at pinaglingkuran mo ay tila ipinagtatwa ka dahil ang mga namumuno ay hindi naging ama sa iyo o hindi nagsuporta sa iyo, kundi bagkus sila pang naging dahilan ng iyong pagdurusa.

Ito marahil ang dinama ng dalawang tumatakas palayo sa Jerusalem at patungo sa Emaus.

Subali’t ang  kwento ng muling pagkabuhay ay hindi nagtatapos sa daan patungong Emaus. Ito ay hindi nananatili sa Emaus, kundi sa makalangit na Jerusalem. Ito ang magandang balita sa araw na ito. Sa kabila ng dalawang nawalan ng pag-asa, ang Diyos, ang ating captain ball ay nagkalinga. Nagpakita siya. Nakipaglakbay. Nakikain, at nagpiraso ng tinapay kasama ng dalawang pinanawan ng tuwa at pag-asa.

Ang muling pagkabuhay ay salaysay ng pagkalinga ng Diyos bilang isang hindi lamang coach o captain ball.

Nais kong isipin na ang tapatan ng dalawang discipulos at dalawang santos na si Juan XXIII at Juan Pablo II ay tulad ng pagkalingang ginawa ng Diyos sa dalawang discipulos.

Salamat sa Diyos at ipinagkaloob niya sa mundo ang kapayakan, kabanalan, at pagiging makatao ni San Juan XXIII. Salamat sa Diyos at sa pamamagitan ni San Juan Pablo II, ay ipinagkaloob Niya ang kaloob ng bagong pag-asa sa bayang nalukuban ng pagdududa at pag-aagam-agam.

Maganda ang tapatan ngayon … dos por dos … dos discipulos y dos santos cara a cara! Harapan! Tambalan! Tularan!

San Juan at San Juan Pablo, ipanalangin ninyo kami!

No comments:

Post a Comment