Friday, May 23, 2014

KAAKBAY KONG TUNAY; KALAKBAY KO AT KATOTO - PATNUBAY!


Ika-anim na Linggo ng Pagkabuhay A

Mayo 25, 2014



KAAKBAY KONG TUNAY; KALAKBAY KO AT KATOTO – PATNUBAY!



Mahirap ipaliwanag ang pananatili ng Espiritu Santo sa piling natin. Sa ating panahon, sa dami ng mga sineng ang pinaksa ay mga multo at mga anito, o mga dwende at anik-anik pang mga tiyanak at iba pang uri ng mga misteriosong mga hindi tao, at walang katawang-lupang mga “aninong gumagalaw,” sadyang lalong humirap ipaliwanag ang Banal na Espiritu.



Sa haba ng aming pag-aaral bilang pari, sa dinami-dami ng mga paliwanag at mga librong binasa tungkol dito, hindi ko masasabing lubos kong nauwaan ang “pananatili sa piling natin ng Patnubay,” tulad ng pangako ng Panginoon.



Pero kung iisipin natin, mukha namang simple lang ito at madaling unawain. Simple lamang intindihin na kapag ang isang sisidlan ay tumanggap ng anu man, ito ay hindi nananatiling walang laman. Napupuno ito. Napagyayaman. Nalalamanan. Nagaganap, at nagiging tunay na sisidlan.



Noong bata pa ako, nakaranas ako ng isang matinding panaginip na parang isang bangungot. Nagising na lamang ako sa gitna ng isang madilim na gabi. Mag-isa ako sa madilim na kwarto. Marami akong malalakas na tinig na naririnig, pero wala akong makita at wala ring sinuman sa aking tabi, sa aking kinaroonan. Masama na ang nasa dilim, pero higit na masahol ang wala kang katabi … walang kasama.



Sa unang pagbasa, binanggit na isinugo si Pedro at Juan upang manalangin sa bagong binyag na mga taga Samaria upang tumanggap sila ng Espiritu Santo. Sa liham naman ni Pedro sa ikalawang pagbasa, nabanggit kung paano si Jesus ay “namatay sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu.” Sa Ebanghelyo naman ay nasasaad kung paano nangako ang Panginoon na ibibigay ng Ama: “isa pang Patnubay na magiging kasama magpakailanman.”



Hindi ko maubos maisip ang katatayuan ng mga disipulo matapos mapatay si Jesus at ipako sa krus. Malamang na nakaramdam din sila ng pangungulila at para bagang naiwan sa gitna ng kadiliman.



Hindi ko pa rin lubos na nauunawaan ang kahulugan ng pananatili ng Espiritu sa piling natin, pero nauuwaan ko kung ano ang kahulugan ng pagiging ulila at naiwan sa madilim na silid, at wala kang makasama, walang katabi, at walang naroon upang bigyan ka ng lakas ng loob.



Maraming beses na tayo ay ganito ang tayo. Sa panahon natin, parang nag-iisa ang mga gumagawa ng tama. Ang mali ay naging tama, at ang tama ay itinuturing na mali. Kung sino ang gumagawa ng tama ay silang pinahihirapan ng lipunan, tinitikis, at isinasa isantabi. Kapag gumawa ka ng tama, at nakipaglaban sa tama, ikaw ay iiwanan ng karamihan, itatakwil, at pababayaan.



Ilang beses ako nakaranas nang ganito … parang itinuring na ketongin … at pati mga kaibigan mo ay naglalahong parang bula.



Nais kong isipin na ang magandang balita sa araw na ito ay ito lamang ang kahulugan … Hindi ako nag-iisa … Hindi na tayo kailangan maniwala sa mga multo, mga anito, at mga espiritung hindi natin maipaliwanag nang lubos, at lalong hindi natin nakikita, at lalong walang idinudulot na mabuti sa atin.



Sapat na sa akin ang pangako ng Panginoong muling nabuhay. Hindi ako nag-iisa. Hindi ako nananatili sa dilim. Ang Patnubay ay maari nating unawain bilang kaakbay, kasabay, katabi, kasangga, kapatid, at kaagapay sa buhay.



Ang Espiritu Santo ay gabay, kalakbay, kaakbay, at kaagapay … Nanatili siya sa ating piling, umulan man o umaraw, umunos man at humangin, kumulog man o kumidlat. Hindi na ako nag-iisa!



Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo!


1 comment:

  1. Padre, bumalik mo ako dito pagkat bitin ang inyong homilia sa SM bicutan. Kaya nga binalikan ko ito. Napakaganda ng inyong pagliwanag. Ito lagi ang aking iisipin at isasabuhay "Ang Espiritu Santo ay gabay, kalakbay, kaakbay, at kaagapay....Hindi na ako nag-iisa!" Sana lahat ng pari ay katulad ninyo na bago mag homiliya ay buong puso inaayos at naghahanda. Maraming salamat po.

    ReplyDelete