Friday, April 25, 2014

SA TOTOO LANG!


Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay (A)
Abril 27, 2014

SA TOTOO LANG!

Malimit natin marinig ang mga katagang ito sa mga “tell-all” ng mga showbiz personalities. Aminin! … Huwag kang tatanggi! Bilang tugon, malimit itong ipinapalaman sa mga salita ring ito: “Sa totoo lang!”

Pati ang mga senador at lahat ng nabuking o nasangkot sa pork barrel scam ay walang ibang malamang isagot kundi, “sa totoo lang!”

Ito naman ang sagot ko … “Wish ko lang” … Wish ko lang na lahat ay matuto at tumulad kay Tomas. Maraming nagsabi noong nakaraang panahon na si Tomas diumano ay isang mapagdudang tao. Hindi raw siya naniwala agad sa balita ng mga disipulong nakakita kay Jesus na muling nabuhay. Hangga’t hindi raw niya nakita ang mga sugat at nahipo ang tagiliran ng Panginoon ay hindi raw siya maniniwala.

Medyo palpak ang dating ni Tomas. Pero sa aking wari, wala namang masama ang hindi agad maniwala. Sa katunayan, para sa akin, may isang ginintuang bahagi ng pagkatao ni Tomas na gusto ko sanang ipamulat sa aking mga tagabasa ngayon.

Oo nga’t si Tomas ay nagduda. Oo nga’t hindi niya sinang-ayunan agad ang narinig na mga kwento. Pero si Tomas, higit sa lahat, ay tapat. Sinabi niya kung ano ang nilalaman ng kanyang isipan. Hindi niya hinilot ang totoo. Hindi niya kinulayan. Hindi niya binalutan ng kung ano-anong mga pabalat-bunga o palusot. Sa totoo lang … hindi ako maniniwala hangga’t hindi ko nahihipo ang sugat niya. Tapos ang usapan! Walang paligoy-ligoy. Walang patumpik-tumpik. Walang paikot-ikot. Walang pambobola!

Ewan ko kung ano ang inyong posisyon sa mga pambobolang nakikita natin ngayon sa ating lipunan. Hindi na natin alam kung sino ang dapat paniwalaan. Lahat sila ay ito ang linya … Sa totoo lang … Pero kung paniniwalaan natin silang lahat, walang nawalang pera. Walang lumustay ng pera. Walang nakinabang sa pera ng bayan. Walang nagnakaw. Subali’t ang nagsusumigaw na katotohanan ay ito … Walang nakinabang na dapat makinabang. Mahirap pa rin ang mga magsasaka. Wala silang tinanggap na mga abono. At sa anik-anik na mga foundations, wala sa milyon milyong mahihirap ang nakinabang sa perang naglaho na lamang na parang bula. At wala isa man sa kanila ang umaamin. Mabuti pa si Cristy Per Minute noong araw, at si John Lapus … napapa-amin niya ang mga artistang walang sawang sinusubaybayan ng mga tagahanga … Masaya na silang lahat sa kapirasong katotohanan … kaunting silip sa kanilang pribadong pamumuhay, kahit na sila ay lantarang niloloko ng mga congressmen at mga senador, na tinatawag pa rin nilang honorable.

Kung tutuusin wala akong pakialam ano man ang inyong posisyon sa mga nagaganap na ito. Pero may malasakit ako sa inyong posisyon sa harap ng Panginoong totoong nagdusa, totoong namatay, at totoo ring muling nabuhay.

Si Tomas ay aking modelo para sa ating lahat. Hindi siya nanatili sa duda. Hindi siya nagmatigas sa hindi paniniwala. Nang dumating si Jesus muli pagkatapos ng isang Linggo, inanyayahan niya si Tomas: “Tingnan ang aking mga daliri at tagiliran … Huwag magduda kundi maniwala.”

Hindi nagdobleng isip si Tomas. Kagyat siyang tumugon: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Wala na ako roon kung ano man ang inyong saloobin at isipin sa kung sino ang nagsisinungaling at nagsasabi ng totoo sa ating mga honorable. Hindi natin pag-aawayan ang bagay na iyan.

Pero bilang kapwa mananampalataya at tagasunod ni Kristo, may malasakit ako sa inyong tugon dito: “Si Kristo ba ay tunay ninyong Diyos at tunay ninyong Panginoon?”

At hindi puede ang sagot na ito … “Wish ko lang!” Gawin mo. Lumapit kay Jesus at sabihin: “Panginoon ko at Diyos ko!”

No comments:

Post a Comment