Ika-apat na Linggo Taon K
Febrero 3, 2013
KINILALA, HINIRANG, ITINALAGA, ISINUGO
Pagka nga naman ukol, ay talagang bubukol. Kapag ikaw na,
wala nang iba. Kung ikaw ang hinirang at itinalaga, nasa balikat mo ang
pananagutan at panunungkulan. Tulad ni Jeremias … batang-batang propeta na
kinilala, hinirang, itinalaga, at isinugo … kahit na ayaw niya sa simula,
nag-atubili, nag-alinlangan … Tumawad pa at naki-usap, humiling na huwag na
siya, sapagka’t siya ay sobrang bata pa.
Nakita niya kung gaano kahirap ang magwika sa ngalan ng
Diyos. Mas madali pa ang humula tulad ni Madame Ong tungkol sa hinaharap.
Subali’t ang pagiging propeta ay hindi panghuhula ng darating na kapalaran,
kundi ang pagsasalita sa ngalan ng Diyos.
Mahirap pa rin hanggang ngayon ang magwika sa panig ng Diyos
… lalu na ngayon. Anumang sabihin mong hindi akma sa takbo ng isipan ng madla,
na hinuhubog ang kamalayan ng mass media na sanib lamang sa mas malaki ang
pabuya, at kampi lamang sa sinumang may hawak ng kapangyarihan at ng komersyo,
ay kagya’t sasansalain, lilibakin, tutuligsain at tatagpasin nang walang
patumangga sa dyaryo, sa TV, sa radyo ng mga bayarang mamamahayag, at higit pa
sa social media, na pinamumugaran ng mga taong hindi lubos na nagpapakila ng
sarili. Tanging avatar lamang at pekeng identidad ang iyong makikita, at panay
ang batikos sa anumang hindi akma sa kanilang uri ng katotohanan.
Sa gitna ng kaguluhang ito, madali ang manghinawa. Madali
ang mawalan ng sigla. Nais kong isipin na ang araw na ito ay binalak ng Diyos
na maging isang tulak sa mga propetang moderno ng ating panahon: ang mga
nagtataguyod sa kalikasan … ang mga nagtatanggol sa katotohanang moral, sa
kabila ng metapisikal at moral na uri ng materyalismo sa ating lipunan … ang
mga nagtutulak ng katotohanan at ng karapatang malaman ang katotohanan kung
saan napupunta ang pera ng taong bayan … ang mga nagsusulong ng FOI law, na
ayaw gawin sapagka’t mabubunyag sa lahat ang kanilang mga ginagawa sa pera ng
taong bayan.
Ang marami sa nagbabasa nitong aking blog ay mga propeta …
mga bata at matandang nagpupunyagi upang makilala ng mundo ang magandang balita
ng kaligtasan … ang makilala nang wasto ang Simbahan sa gitna ng walang ampat
at walang patid na paninira ng mga namumuhi sa kanya.
Haters just gotta hate; gonna hate! Iyan ang katotohanang
malinaw pa sa sikat ng araw. Marami ang muhi sa isang katotohanang hindi naman
lubos na kilala. Ang kanilang kinamumuhian ay ang palso at pekeng larawan na
binuo nila sa kanilang isipan, at hindi ang tunay na larawan at kalalagayan ng
Simbahan.
Mga kapwa propeta, limiin sana natin ngayon ang mga kataga
ng unang pagbasa: “Nguni’t gagawin kitang sintibay ng isang lunsod na naliligid
ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila
matatalo sapagka’t ako ang mag-iingat sa iyo.”
Subali’t mayroon tayo bilang propeta na dapat angkinin at
linangin sa ating pagkatao. Hayaan natin si Pablo ang magwika: “Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng
Salita ng Diyos […] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.”
Ang pag-ibig ay lubhang kailangan ng isang propeta.
Marami rin akong dahilan upang magtampo sa simbahan, dahil
sa mga namumunong hindi nagpakita ng pag-ibig sa pinamumunuan. Marami rin akong
dahilan upang mamuhi sa mga taong ito. Subali’t iba ang tao at iba ang Simbahan
ng Diyos. Masama man sila, at tunay na may mga masasamang obispo at mga pari,
hindi kailanman naging mala demonyo ang simbahang itinatag ng Panginoon, tulad
ng ipipinta ng mga namumuhi sa simbahan. Oo, aaminin ko … namuhi rin ako sa
ilang taong namumuno sa kanya … naiskandalo rin ako sa ilan sa kanila. Pero
hindi sila ang simbahan. Ang simbahan ay ako, ikaw, tayong lahat, at ang
simbahan ay isang komunidad na binubuo ng mga banal at mga makasalanan. Kasama
tayong lahat sa ikalawang uri … ikaw, ako, at sila.
Kung ito ay makatutulong rin sa atin, dapat natin malaman na
maging ang Panginoon ay hindi lang tinuligsa, hindi lang siniphayo.
Pinagsikapan rin siyang patayin: “Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga
nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa
taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin.”
Matindi at mahirap ang nagsasabi at nangangaral ng
katotohanan sa ngalan ng Diyos.!
Pero alalahanin nawa natin: Kinilala tayo ng Diyos;
hinirang; itinalaga. Higit sa lahat, tayo ay kanyang isinugo upang magpahayag
at maghatid ng katotohanang mapagligtas!
Kaya mo bang panindigan ito?