Friday, January 25, 2013

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG


Ikatlong Linggo ng Taon K
Enero 27, 2013

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG

Mahaba ang mga pagbasa ngayon … sing haba ng pagbasang ginawa ni Nehemias, na bumilang ng ilang oras. Nang matapos ang unang limang aklat ng Biblia, na kung tagurian ay Torah, sabik ang mga taong mapakinggan ang nilalaman nito. Ginawa ni Nehemias ito, at sa wakas ay nasusulat: “nabagabag ang kanilang kalooban; anopa’t sila ay umiyak.”

Napapaiyak rin tayo ngayon, sa haba kung minsan ng sermon ng pari. Napapaiyak rin tayo sa tuwa kung minsan, at maka tsamba tayo ng paring panay patawa ang sermon, kahit wala namang laman. Napapaiyak rin tayo kapag nag concert ang pari, at panay naman kanta ang inatupag, kahit walang kinalaman sa ebanghelyo ang awit! Pero, sa totoo lang, napapaiyak rin naman tayo dahil nararapat lamang – kapag naantig ang ating damdamin, dahil sa tinamaan tayo ng magaling sa sermon ng sinuman, pari man o layko.

Kailan ang huling pagkakataong lumuha ka dahil sa iyong narinig ang salita ng Diyos? Kailan ang huling pagkakataong nabagabag ang iyong damdamin sa iyong narinig o nabasa?

Sa ating panahon, aaminin ko, napakahirap nang magsermon. Napakahirap marating ang mga kabataang antemano ay walang intensyong makinig. At bakit? Dala-dala nila tuwina ang smartphone … handang handa sila mag facebook, maging sa simbahan, o mag twitter. At kung wala kang magandang boses na tulad ko, ay wala nang makikinig sa iyo, sapagka’t nahirati na ang karamihan sa kulturang pinamumugaran ng mga taong tulad ni Vice Ganda, at mga nagbabagang mga balita, na hindi naman balita ang laman kundi mga pasaring, mga komentaryo, at mga pagsuporta sa pinunong kakosa nila at kakulay.

Mahirap ngayon ang maghatid ng totoo. Ang naghahatid ng totoo ay ipinapako sa krus ng opinyon publiko. Ang naghahatid ng katotohanang mapagpalaya na hindi ayon sa agenda ng mga makapangyarihan ay madaling nabubusalan, basta’t sirain lamang ang kanilang credibilidad ng mga taong tampalasan na may hawak maghapon ng mikropono.

Subali’t tungkulin ko bilang pari ang mangaral at magpahayag, umulan man o umunos, tumila o sumikat ang araw. Ito ang ginawa ni Jesus. Bagama’t hindi siya tanggap sa Nazaret, ginawa niya pa ring mangaral sa sinagoga. “Hindi ba’t siya ay anak ng karpintero?” Walang propetang tinatanggap sa sariling bayan.

Nguni’t ito ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Bagama’t hindi tanggap, tungkulin ay dapat gawin, sapagkat, ayon kay San Pablo, bumubuo tayo ng iisang katawan, na may maraming bahagi. “Hindi masasabi ng mata sa kamay, ‘Hindi kita kailangan,’ ni ng ulo sa mga paa, ‘Hindi ko kayo kailangan.’”

Kaisahan at kabuuan … ito ang simbahan, ang katawang mistiko ni Kristo. Ito ang panawagan sa ating lahat, ang bumuo, ang magkaisa, ang maging matatag sa pagniniig bilang mga anak ng Diyos.

Subali’t mahirap man, masakit man, ito ang dapat nating gawin … ang magbukas ng isip at puso at makinig at tumanggap sa Salita ng Diyos.

May pakiusap ako sa aking mga tagapakinig (o tagabasa). Walang nagsasayaw ng tango nang mag-isa. Laging may dalawang panig sa isang usapin. At kung may nagsasalita, ay may kinakausap at dapat makinig. Ito ang buhay natin bilang Kristiyano … sapagka’t ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig.

Alam kong naghahanap kayo ng mahusay magsermon. Nguni’t ang sermon ay hindi isang amateur singing contest. Hindi rin ito isang stand-up comedy show. At lalong hindi ito dapat kwentuhan kung ano ang nangyari sa telenobelang sinusundan natin. Ito ay ang paghihimay ng Salita ng Diyos, at pagbabahagi ng kahulugan at kaugnayan ng Salita ng Diyos sa buhay natin dito, ngayon, at sa lahat ng panahon.

Natutupad ngayon ang mga Salitang ito sa buhay nating nagsisikap makinig, nagsisikap isabuhay ang narinig, at nagpapayaman sa mga katagang narinig. Kung ang mga nakinig kay Nehemias ay nabagabag, dapat rin tayong mabagabag kahit papaano. Dapat rin tayong maantig kahit kaunti. Sapagka’t ang Salita ng Diyos ayon sa sulat sa mga Hebreo ay isang tabak na doble ang talim, nanunuot sa kasu-kasuan ng tao … mabisa at mabunga.

Sa inyo … matanong ko kayo … paano nagaganap ang narinig natin ngayon … sa ating harapan ay natutupad ang mga salitang ito. Dito. Ngayon. Sa buhay at sa bahay natin!

Totoo ba?

No comments:

Post a Comment