Showing posts with label Pagsunod sa Salita ng Diyos. Show all posts
Showing posts with label Pagsunod sa Salita ng Diyos. Show all posts

Thursday, April 18, 2013

PANAKA-NAKA; PATUKA-TUKA; PATUNGA-TUNGANGA!


Ika-Apat na Linggo ng Pagkabuhay (K)
LINGGO NG BUTIHING PASTOL
Abril 21, 2013

PANAKA-NAKA, PATUKA-TUKA, PATUNGA-TUNGANGA!

Mahirap ngayon ang makinig. Ang dami mong kalaban. Nandyan ang smartphone, na may mp3 player, na may maraming iba pa. Nandyan ang radyong maingay sa jeep, sa bus, at sa lahat ng restoran na pambata, pang bagets. Mahirap mag pokus. Kabi-kabila ang hila ng ingay, ng balitang ingay pa rin, kundi propaganda.

Sa mundo ng smartphone, madali ang magkaroon ng musikang nasa background, ika nga. Wala kang pinakikinggan, pero laging may musika. At kapag nagustuhan mo ang kanta, saka mo lang titingnan kung sino kumanta, at ano ang pamagat. Shuffle mode, sabi nga nila.

Ganito rin ngayon sa Misa, sa lahat ng simbahan sa buong bansa. Shuffle mode pa rin. Makinig kung kumanta si Father, at nagpakwela … nagpatawa, at inulit ang kwento na alam mo na naman – ang kwento tungkol sa telenobelang napanood ng lahat, o YouTube video na alam na rin ng lahat. Huwag makining kung ayaw mo sinasabi … tulad ng pangaral laban sa aborsyon, o pangaral laban sa same sex marriage, o mga bagay na wala na dapat pakialam ang mga pari, tulad ng premarital sex.

Ganito ang kultura ng shuffle mode … simba panaka-naka … kapag simbang gabi na simbang tabi lang naman … kapag fiesta na simbang ligaw lang naman … kapag Pasko na simbang pasyal lang naman … o kapag kasalan na simbang sosyal lang naman, para makita, para makakita o makasilay, para maging “in” sa samahan … simbang panaka-naka … kumbaga simbang patuka-tuka … o patunga-tunganga.

Ito ang simba ng mga taong ayaw makinig sa Salita ng Diyos (boring!). Ito ang simba ng mga kabataang gusto lamang sumawsaw, kumbaga – konting tuka rito, konting tuka roon – at balik sa celfon kung boring ang pari at walang palakpakan sa misa.

A ver! Tingnan nga natin ang tatlong pagbasa … ang lahat ay walang kinalaman sa panaka-naka, patuka-tuka, at patunga-tunganga!

Ang lahat ay may kinalaman sa pakikinig … nang lubos, nang tunay, at nang buong pagkatao. Ang mga Judio ay patuka-tuka lang ayon sa unang pagbasa. Nang marinig nila ang ayaw marinig, diyan naman sila nag-asal bakulaw at nagtuon ng galit sa mga Hentil. Ang mga Hentil naman ay natuwa at nagpugay sa Diyos sa kanilang narinig!

At ang matindi ay ito … ang mga daang libong mga nakaputi at nakasunod sa Kordero sapagkat nahugasan sila sa dugo ng Kordero. Sila ang nagdusa at nagtiis, dahil sa kanilang pagsunod sa kanilang narinig!

Tayo kaya, ano tayo? Nasaan tayo? Shuffle mode din kaya? Patunga-tunganga sa Misa, habang nagtetext o nag-uusap? Kasi boring si Father?

Linggo ngayong ng butihing pastol – si Jesus. May mensahe siya para sa kanyang tupa … Tayong lahat! Nguni’t may mabubuting tupa na nakikinig, at hindi panaka-naka lamang ang pakikinig. Mayroon rin namang masasamang tupa – ang mga pasaway na kumbaga ay patuka-tuka lamang … nagsisimba pero hindi … nasa may simbahan pero wala … nasa tabihan, nasa tumpukan, nasa daldalan, at nasa lugar kung saan may wi-fi, o kung saan may tinapay na libre … panaka-naka … patuka-tuka … patunga-tunganga.

Sa araw na ito, mamili sana tayo. Shuffle mode? Sige na nga … pasko naman eh… piesta naman eh! “Nakikinig sa tinig ko ang aking mga tupa; kilala ko sila at sila ay sumusunod sa akin!”

Isa lang ang gusto ko ulit-ulitin sa aking mp3 player ngayon … “Kaloob ko sa kanila ang buhay na walang hanggan, at wala isa man ang mapapahamak!” Eto pa … dagdag pa … “Papawiin Niya ang lahat ng luha sa [ating] mga mata!”

Saan ka pa? Makinig na at sumunod na! OK kung tupa niya, at hindi pato at biik ng mga palsong propeta!

Friday, January 25, 2013

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG


Ikatlong Linggo ng Taon K
Enero 27, 2013

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG

Mahaba ang mga pagbasa ngayon … sing haba ng pagbasang ginawa ni Nehemias, na bumilang ng ilang oras. Nang matapos ang unang limang aklat ng Biblia, na kung tagurian ay Torah, sabik ang mga taong mapakinggan ang nilalaman nito. Ginawa ni Nehemias ito, at sa wakas ay nasusulat: “nabagabag ang kanilang kalooban; anopa’t sila ay umiyak.”

Napapaiyak rin tayo ngayon, sa haba kung minsan ng sermon ng pari. Napapaiyak rin tayo sa tuwa kung minsan, at maka tsamba tayo ng paring panay patawa ang sermon, kahit wala namang laman. Napapaiyak rin tayo kapag nag concert ang pari, at panay naman kanta ang inatupag, kahit walang kinalaman sa ebanghelyo ang awit! Pero, sa totoo lang, napapaiyak rin naman tayo dahil nararapat lamang – kapag naantig ang ating damdamin, dahil sa tinamaan tayo ng magaling sa sermon ng sinuman, pari man o layko.

Kailan ang huling pagkakataong lumuha ka dahil sa iyong narinig ang salita ng Diyos? Kailan ang huling pagkakataong nabagabag ang iyong damdamin sa iyong narinig o nabasa?

Sa ating panahon, aaminin ko, napakahirap nang magsermon. Napakahirap marating ang mga kabataang antemano ay walang intensyong makinig. At bakit? Dala-dala nila tuwina ang smartphone … handang handa sila mag facebook, maging sa simbahan, o mag twitter. At kung wala kang magandang boses na tulad ko, ay wala nang makikinig sa iyo, sapagka’t nahirati na ang karamihan sa kulturang pinamumugaran ng mga taong tulad ni Vice Ganda, at mga nagbabagang mga balita, na hindi naman balita ang laman kundi mga pasaring, mga komentaryo, at mga pagsuporta sa pinunong kakosa nila at kakulay.

Mahirap ngayon ang maghatid ng totoo. Ang naghahatid ng totoo ay ipinapako sa krus ng opinyon publiko. Ang naghahatid ng katotohanang mapagpalaya na hindi ayon sa agenda ng mga makapangyarihan ay madaling nabubusalan, basta’t sirain lamang ang kanilang credibilidad ng mga taong tampalasan na may hawak maghapon ng mikropono.

Subali’t tungkulin ko bilang pari ang mangaral at magpahayag, umulan man o umunos, tumila o sumikat ang araw. Ito ang ginawa ni Jesus. Bagama’t hindi siya tanggap sa Nazaret, ginawa niya pa ring mangaral sa sinagoga. “Hindi ba’t siya ay anak ng karpintero?” Walang propetang tinatanggap sa sariling bayan.

Nguni’t ito ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Bagama’t hindi tanggap, tungkulin ay dapat gawin, sapagkat, ayon kay San Pablo, bumubuo tayo ng iisang katawan, na may maraming bahagi. “Hindi masasabi ng mata sa kamay, ‘Hindi kita kailangan,’ ni ng ulo sa mga paa, ‘Hindi ko kayo kailangan.’”

Kaisahan at kabuuan … ito ang simbahan, ang katawang mistiko ni Kristo. Ito ang panawagan sa ating lahat, ang bumuo, ang magkaisa, ang maging matatag sa pagniniig bilang mga anak ng Diyos.

Subali’t mahirap man, masakit man, ito ang dapat nating gawin … ang magbukas ng isip at puso at makinig at tumanggap sa Salita ng Diyos.

May pakiusap ako sa aking mga tagapakinig (o tagabasa). Walang nagsasayaw ng tango nang mag-isa. Laging may dalawang panig sa isang usapin. At kung may nagsasalita, ay may kinakausap at dapat makinig. Ito ang buhay natin bilang Kristiyano … sapagka’t ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig.

Alam kong naghahanap kayo ng mahusay magsermon. Nguni’t ang sermon ay hindi isang amateur singing contest. Hindi rin ito isang stand-up comedy show. At lalong hindi ito dapat kwentuhan kung ano ang nangyari sa telenobelang sinusundan natin. Ito ay ang paghihimay ng Salita ng Diyos, at pagbabahagi ng kahulugan at kaugnayan ng Salita ng Diyos sa buhay natin dito, ngayon, at sa lahat ng panahon.

Natutupad ngayon ang mga Salitang ito sa buhay nating nagsisikap makinig, nagsisikap isabuhay ang narinig, at nagpapayaman sa mga katagang narinig. Kung ang mga nakinig kay Nehemias ay nabagabag, dapat rin tayong mabagabag kahit papaano. Dapat rin tayong maantig kahit kaunti. Sapagka’t ang Salita ng Diyos ayon sa sulat sa mga Hebreo ay isang tabak na doble ang talim, nanunuot sa kasu-kasuan ng tao … mabisa at mabunga.

Sa inyo … matanong ko kayo … paano nagaganap ang narinig natin ngayon … sa ating harapan ay natutupad ang mga salitang ito. Dito. Ngayon. Sa buhay at sa bahay natin!

Totoo ba?