Showing posts with label Juan Bautista. Show all posts
Showing posts with label Juan Bautista. Show all posts

Friday, January 11, 2013

ANG AKING PINILI AT KINALULUGDAN!


Pagbibinyag sa Panginoon
Enero 13, 2013

Mga Pagbasa: Is 42:1-4.6-7 / Gw 10:34-38 / Lc 3:15-16.21-22

ANG AKING PINILI AT KINALULUGDAN!

Tapos na ang Pasko. Wala na dapat mga palamuti, mga parol, at lahat ng may kinalaman sa paskong pambata at pangkomersyo. Pero hindi natatapos ang hiwaga ng Pasko – lalu na’t kung ang pinag-uusapan ay ang kahulugan ng pagiging tao ng Diyos tulad natin, upang tayo ay maging Diyos tulad Niya.

Noong isang Linggo, ipinagdiwang natin ang isang aspeto ng hiwaga ng kanyang pagpapakilala sa daigdig – ang Epipaniya. Ngayon, ang ikalawang aspeto ng kanyang pagpapahayag o pagpapakilala ang siya nating pinagninilayan – ang kanyang pagbibinyag.

Pero may kaakibat na kwento ito … Isang kwentong hindi gaanong nabibigyang-pansin – ang kwento tungkol sa isang taong naghatid, nagturo, nangaral tungkol sa kanya, nakakilala, nakakita, nakaunawa, ngunit sa takdang panahon ay kumalas, nagparangya, umurong, upang higit na makilala ang dapat makilala ng madla – ang Panginoong Jesucristo, ang Mananakop at tagapagligtas.

Mahirap para sa ating lahat ang maging supporting actor lang, ika nga. Matindi ang maging taga-dala lamang ng portfolio ng tanyag na tao, taga-paypay lamang kumbaga, at sunud-sunuran lamang sa kung saan pupunta ang mahalagang taong pinaglilingkuran. Hindi natin gusto ang dakilang taga karga lamang ng maleta.

Pero ito ang ginampanan ni Juan Bautista. Ito ang pinanindigan niya at nang dumating ang siyang pinakahihintay, ay hindi siya nag-atubiling magsabi: ‘hindi ako ang Kristo. Mayroong darating na higit na dakila kaysa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Ilan sa atin ang nakakakilala ng tama at wasto, at handang bitawan ang pinanghahawakan nating totoo (sa ating akala)? Ilan sa atin ang matahimik at simpleng uurong na lamang sa eksena at hahayaan ang bida ang siyang makita sa gitna ng entablado? Ilan sa atin ang handang magparangya at magbigay, makilala lamang ang tunay na Diyos, ang iisang Diyos, at wala nang iba?

Sabi ng mga dalubhasa sa ating panahon, ang ating henerasyon daw ay gumagawa ng milyon-milyong mga narsisista, mga taong makasarili, at walang iniisip kundi ang sariling ginhawa, sariling kapakanan, sariling larawan at sariling luho. Lubha itong palasak lalu na sa facebook, kung saan wala kang makikita kundi ang walang kupas na kagalingan, walang patid na kagandahan o kagwapuhan ng mga kabataang tila walang kaubusan ang pera at tila laging nasa starbucks at lahat ng kinakain at ginagawa ay naka-post sa facebook.

Gumagawa tayo ngayon ng isang salinlahi ng mga taong puro pagkamakasarili ang natututunan.

Hindi ito ang turo ng araw na ito ng binyag ng Panginoon. Hindi ito ang pakita ni Juan Bautista, at lalung hindi ito ang gusto para sa atin ng Diyos.

Hindi nagdoble-isip ni Juan na magsabi … “Hindi ako ang Kristo.” Nang medyo naguluhan ang mga tao, mga tagasunod niya dahil nakita nilang may marami na ring tagasunod si Jesus, hindi siya nag-atubili… Hindi nagulumihanan, bagkus nagwika: “May darating na higit na dakila kaysa sa akin.”

At bakit higit na dakila?

Siya na sana ang magwika sa pamamagitan ng Kanyang Salita … “ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Natupad ito sa araw ng binyag ni Kristo kung saan ating narinig: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Lahat tayo ay nag-aasam makita ang Diyos … ngayon pa man, kundi balang araw. Naghahanap tayo kahit man lamang mga tanda na siya ay tunay, at hindi isang kathang-isip lamang.

Sa aking karanasan, laging may nagaganap, nangyayari sa ating buhay na patunay na ang Diyos ay tunay at buhay, at laging tila may nagdadaig na palumpong na nagpapakitang ang Diyos ay naggagabay pa rin ngayon sa buhay nating lahat, tulad nang Siya ay nagpakita kay Moises. Pero, tanging ang may pananampalataya lamang ang nakakakita, at nakakatunghay. Ang lahat ng iba ay walang pansin, walang nakikita, hindi dahil sa hindi totoo ang Diyos, kundi sapagka’t pulpol ang mata nila ng pananampalataya.

Ito ang tanong natin ngayon. Anong uri ba ng salamin ang suot natin at hindi natin nakikita ang pagpapahayag ng Diyos? Diyos baga ang may suliranin o tayo?

Nakita ni Juan Bautista ang Panginoon. Hindi siya nag-atubiling ituro siya sa lahat ng tao: “Narito ang Kordero ng Diyos!” Nang mabinyagan niya si Jesus, narinig niya at nakita ang pahayag mismo ng Diyos Ama: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ano ang nakikita mo? Meron ka bang napapansin? Meron pa bang dapat hanapin pa bukod sa kanyang ipinangako at natupad na: “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.”


Monday, November 28, 2011

MULA SA KAGUBATAN, KALIGTASAN!


Ikalawang Linggo ng Adbiyento(B)
Disyembre 4, 2011

Mahirap sa panahon natin ang magsalita tungkol sa pag-asa. Wala nang kakayahan ngayon maghintay ang mga tao. Sa bilis ng daloy ng kaalaman, ng impormasyon, sa pamamagitan ng information superhighway na tinatawag mahigit sampung taon na ang lumipas, sa panahon ng tinatawag na iCloud, kung saan lahat ng kaalaman ay matatagpuan sa pindot ng ilang butones, mahirap ang magwika hinggil sa pag-asa.

Kaakibat ng pag-asa ang paghihintay, at hindi na uso ngayon ang maghintay. Lahat ay instant … instant coffee, instant noodles, at marami pang iba. Ayaw na rin ng mga tao ngayon maghintay habang nag-buboot ang computer. Gusto natin ngayon ay deretso na na cloud, sa alapaap ng impormasyon, na makikita sa iPod, iPad, Galaxy tablets at mga Cherry tablets, gamit man ay Android, o iOS5.

Tila pumanaw na rin sa lipunan natin ang kahinahuhan. Lahat ngayon ay pandalasan, mabilisan, at dapat gawin kara-karaka. Ang pagmumuni-muni ay hindi na ginagawa, bago magpasya. Sapat na ang i-google ang katanungan, at ang suliranin ay nabibigyang-sagot sa cyberspace. Sa walang puknat na pagbanat ng mga komentarista sa radio, TV, at websites, pati ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali. Pati reputasyon ng matataas na tao ay puedeng magiba kung nagkasawing palad kang makabangga ang mga makapangyarihang taong may hawak na mikropono maghapon, araw-araw.

Sa kalalagayang ito ng mundo, parang paahon, hindi pababa, ang magwika tungkol sa pag-asa. Para kang isang sirang plaka, (na hindi na rin nauunawaan ng mga bata ngayon), o parang long-playing cassette tape na ayaw nang umikot, na lagi mo pang kailangang paikutin ng isang Bic ballpen o lapis.

Ito rin ang katayuan ng mga Israelita nang sumulat si Isaias. Kagagaling lang nila sa pagkatapon sa Babilonia. Mapait na karanasan. Maramdaming yugto sa kanilang kasaysayan. Ito rin ang katayuan ni Juan Bautista nang siya ay unang mangaral. Mahirap mangaral lalu na’t ang kasuotan mo ay tulad ng suot ni Juan – balat ng hayop. Mahirap magpapaniwala sa tao lalu na’t tulad din ni Juan ay pulut pukyutan ang iyong kinakain, at hindi ang mararangyang pagkain ng mga taga siyudad.

Lalung mahirap ang ikaw ay paniwalaan ng tao kung nangangaral ka na ikaw naman ay laki sa gubat, kasama ng mga halimaw sa kadiliman ng kagubatan, at malayo sa kabihasnan. Mahirap kang tanggapin ng mga tao kung ikaw ay isang probinsyanong magtuturo sa mga laki sa layaw sa lungsod, kung saan ang lahat ay alam ng mga batang paslit, kung saan ang mga bata ay parang matanda na kung kumilos.

Ito ang pinagmulan ni Juan Bautista … gubat, parang, tila kadiliman. Ito naman ang dulot ni Juan Bautista – kaliwanagan, kabatiran, kaligtasan!

Ito ang kabalintunaan ng kaligtasang dulot ng Diyos. Tila isang hiwaga, na ang simple at payak ang siyang itinanghal, na ang maliit at tila walang kaya ang siyang inatangan ng malaking pananagutan! Mula sa kagubatan ay lumitaw ang mensahe ng kaliwanagan. Mula sa kadiliman ay suminag ang isang matinding kaliwanagan ng kaligtasan, na galing hindi sa isang matipuno at makapangyarihang tao kundi sa isang ang suot ay balat ng hayop, at ang pagkain ay pulut pukyutan.

Ito ang kabalintunaan ng Diyos na mapagligtas … ang pangako ay isang Hari, hindi ng kalakasan at kapangyarihan, kundi Hari ng kapapayapaan! Ito ang tila isang kabaligtarang dulot ng isang malaking sorpresa mula sa Diyos na tagapagligtas …

Sa gitna ng isang tila imposibleng katatayuan ay naganap at nangyari ang isang nakagugulat na pangyayari – isang hindi kinikilala bilang malaking tao ang lumabas at nag-utos: “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!”

May aliw ba kayang naghihintay sa isang bayang nagupiling at natapakan ang dangal sa pagkatapon sa Babilonia? May aliw bang karapatan ang isang bayang tulad natin na magpahangga ngayon ay hindi pa natin natutunan ang daang matuwid ng walang pag-iimbot na paglilingkod at pamamahala? May aliw bang dapat asahan ang isang bayang tulad natin, na tuwing magbabago ng administrasyon, ay bago ang direksyon at napapalitan ang lahat ng adhikain ng nakaraan, at walang inaatupag kundi ang paghigantihan ang nakalipas? 

May aliw bang nararapat hintayin ang mga taong ang pag-iisip ay dalang-dala, at bilog na bilog ng mga mapanlinlang na mass media, na naghuhubog ng kuro-kuro ng publiko?

Magulo at masalimuot ang panahon natin. Hindi ito malayo sa sitwasyon ng kagubatan at kadiliman. Nasaan kaya ang mga nakinabang sa mga katiwalian noong nakaraan? Kasama na sila sa pagsigaw upang gumulong ang ulo ng mga wala na sa poder ngayon. Nguni’t mahirap isipin na wala nang katiwalian sa lahat ng sangay at antas ng gobyerno sa buong kapuluan.

Puno at dulo ng magandang balita sa ikalawang Linggo ng Adbiyento ang katotohanang ito … Mula sa kagubatan ay lumitaw ang kaligtasan. Mula sa kadiliman ng kagubatan ay sumulpot si Juan Bautista – hindi kilala, hindi tanyag, at lalung hindi inaasahan. Mula sa kalagitnaan ng kalungkutang dulot ng pagkatapon ay sumulpot rin si Isaias na naghatid ng pangako ng aliw at kagalakan: “Aliwin ninyo ang aking bayan; aliwin ninyo siya … hinango ko na sila sa pagka-alipin; pagkat nagbayad na sila nang ibayo sa pagkakasalang ginawa sa akin.”

Ito ang pag-asa. Hindi ito bunga ng katiyakan at kasiguraduhan. Ito ang bunga ng isang kabukasang isip sa sorpresang naghihintay sa atin, mula sa Diyos ng sorpresa, sa Diyos na hindi natin maikakahon at mailalagay sa sisidlan. Ang pag-asa ay galing rin sa kahandaang magulat sa sunod na kilos ng Diyos na hindi natin inaasahan, tulad nito … mula sa kagubatan ay lumitaw ang sinag ng kaligtasan.

Magulong magulo ang panahon natin. Puno tayo ng pangamba. Hindi natin alam kung hanggang saan ang sasapitin ng suliraning pang ekonomiya sa Europa at sa America. Hindi natin alam kung hanggang saan ang paghihiganting ito ng kasalukuyang administrasyon, at hanggang saan ang mararating ng isang gobyernong pinag-aagawan ng mga dilawan, at ng iba pang puersang magkatunggali, kung saan ang patakaran ay walang kaibahan sa nauna – “Kami naman ngayon!” Hindi rin natin batid kung tunay na hustisya ang sasapitin ng mga ngayon ay pinagpipiyestahan sa TV, radio, internet, at periodiko. At higit sa lahat, hindi natin batid kung itong programang ito ay magtatagal, o isa lamang ningas cogon, na maglalaho rin bukas at makalawa, at tuloy tuloy pa rin ang dating gawi sa lahat ng antas ng pamahalaan at lipunan.

Pag-asa ang pinanghahawakan natin, at wala nang iba. Pag-asa itong may kaakibat na panganib. Puedeng umasa na lamang sa Diyos at wala nang gawin. Puedeng maghintay na lamang tayo at maghalukipkip at magkibit balikat na lamang sa mga nangyayari.

Subali’t ito ay tunay na Kristianong pag-asa kung tulad ni Juan, na lumitaw mula sa kagubatan, ay nagdulot ng isang panibagong tulak upang lutasin ang problemang bumabagabag sa atin: “patagin ang mga lubak; tuwirin ang mga landas … ihanda ang daraanan ng Panginoon!”

Mula sa kagubatan ay daratal ang kaligtasan! Ito ang diwa ng tunay na pag-asa!