Pagbibinyag sa Panginoon
Enero 13, 2013
Mga Pagbasa: Is 42:1-4.6-7 / Gw 10:34-38 / Lc 3:15-16.21-22
ANG AKING PINILI AT KINALULUGDAN!
Tapos na ang Pasko. Wala na dapat mga palamuti, mga parol,
at lahat ng may kinalaman sa paskong pambata at pangkomersyo. Pero hindi
natatapos ang hiwaga ng Pasko – lalu na’t kung ang pinag-uusapan ay ang
kahulugan ng pagiging tao ng Diyos tulad natin, upang tayo ay maging Diyos
tulad Niya.
Noong isang Linggo, ipinagdiwang natin ang isang aspeto ng
hiwaga ng kanyang pagpapakilala sa daigdig – ang Epipaniya. Ngayon, ang
ikalawang aspeto ng kanyang pagpapahayag o pagpapakilala ang siya nating
pinagninilayan – ang kanyang pagbibinyag.
Pero may kaakibat na kwento ito … Isang kwentong hindi
gaanong nabibigyang-pansin – ang kwento tungkol sa isang taong naghatid,
nagturo, nangaral tungkol sa kanya, nakakilala, nakakita, nakaunawa, ngunit sa
takdang panahon ay kumalas, nagparangya, umurong, upang higit na makilala ang
dapat makilala ng madla – ang Panginoong Jesucristo, ang Mananakop at
tagapagligtas.
Mahirap para sa ating lahat ang maging supporting actor
lang, ika nga. Matindi ang maging taga-dala lamang ng portfolio ng tanyag na
tao, taga-paypay lamang kumbaga, at sunud-sunuran lamang sa kung saan pupunta
ang mahalagang taong pinaglilingkuran. Hindi natin gusto ang dakilang taga
karga lamang ng maleta.
Pero ito ang ginampanan ni Juan Bautista. Ito ang
pinanindigan niya at nang dumating ang siyang pinakahihintay, ay hindi siya
nag-atubiling magsabi: ‘hindi ako ang Kristo. Mayroong darating na higit na
dakila kaysa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng
kanyang sandalyas.”
Ilan sa atin ang nakakakilala ng tama at wasto, at handang
bitawan ang pinanghahawakan nating totoo (sa ating akala)? Ilan sa atin ang
matahimik at simpleng uurong na lamang sa eksena at hahayaan ang bida ang
siyang makita sa gitna ng entablado? Ilan sa atin ang handang magparangya at
magbigay, makilala lamang ang tunay na Diyos, ang iisang Diyos, at wala nang
iba?
Sabi ng mga dalubhasa sa ating panahon, ang ating henerasyon
daw ay gumagawa ng milyon-milyong mga narsisista, mga taong makasarili, at
walang iniisip kundi ang sariling ginhawa, sariling kapakanan, sariling larawan
at sariling luho. Lubha itong palasak lalu na sa facebook, kung saan wala kang
makikita kundi ang walang kupas na kagalingan, walang patid na kagandahan o
kagwapuhan ng mga kabataang tila walang kaubusan ang pera at tila laging nasa
starbucks at lahat ng kinakain at ginagawa ay naka-post sa facebook.
Gumagawa tayo ngayon ng isang salinlahi ng mga taong puro
pagkamakasarili ang natututunan.
Hindi ito ang turo ng araw na ito ng binyag ng Panginoon.
Hindi ito ang pakita ni Juan Bautista, at lalung hindi ito ang gusto para sa
atin ng Diyos.
Hindi nagdoble-isip ni Juan na magsabi … “Hindi ako ang
Kristo.” Nang medyo naguluhan ang mga tao, mga tagasunod niya dahil nakita
nilang may marami na ring tagasunod si Jesus, hindi siya nag-atubili… Hindi nagulumihanan,
bagkus nagwika: “May darating na higit na dakila kaysa sa akin.”
At bakit higit na dakila?
Siya na sana ang magwika sa pamamagitan ng Kanyang Salita …
“ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Natupad
ito sa araw ng binyag ni Kristo kung saan ating narinig: “Ikaw ang minamahal
kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Lahat tayo ay nag-aasam makita ang Diyos … ngayon pa man,
kundi balang araw. Naghahanap tayo kahit man lamang mga tanda na siya ay tunay,
at hindi isang kathang-isip lamang.
Sa aking karanasan, laging may nagaganap, nangyayari sa
ating buhay na patunay na ang Diyos ay tunay at buhay, at laging tila may
nagdadaig na palumpong na nagpapakitang ang Diyos ay naggagabay pa rin ngayon
sa buhay nating lahat, tulad nang Siya ay nagpakita kay Moises. Pero, tanging
ang may pananampalataya lamang ang nakakakita, at nakakatunghay. Ang lahat ng
iba ay walang pansin, walang nakikita, hindi dahil sa hindi totoo ang Diyos,
kundi sapagka’t pulpol ang mata nila ng pananampalataya.
Ito ang tanong natin ngayon. Anong uri ba ng salamin ang
suot natin at hindi natin nakikita ang pagpapahayag ng Diyos? Diyos baga ang
may suliranin o tayo?
Nakita ni Juan Bautista ang Panginoon. Hindi siya
nag-atubiling ituro siya sa lahat ng tao: “Narito ang Kordero ng Diyos!” Nang
mabinyagan niya si Jesus, narinig niya at nakita ang pahayag mismo ng Diyos
Ama: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ano ang nakikita mo? Meron ka bang napapansin? Meron pa bang
dapat hanapin pa bukod sa kanyang ipinangako at natupad na: “Ito ang lingkod ko
na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.”
No comments:
Post a Comment