Monday, January 14, 2013

BANAAG AT SIKAT


Santo Nino
Enero 20, 2013

Mga Pagbasa: Isa 9:1-6 / Ef 1:3-6.15-18 / Lu 2:41-52

BANAAG AT SIKAT

Hiniram ko kay Lope K. Santos ang pamagat sa araw na ito – isang nobelang Tagalog na pinag-usapan sa araling Pilipino noong araw, na sa aking pakiwari ay kakaunti naman ang nakabasa, kasama na rin ang mga guro sa Pilipino noong araw. Aminado ako … hindi ko nabasa ito, tulad ng epikong Biag ni Lam-ang, na maraming Pinoy ay pamagat lamang naman ang alam, at wala ni isang nakabasa (kung tunay na may kopyang buhay pa hanggang ngayon).

“Nakatanaw ng isang malaking liwanag” …  Ito ang mga salitang hatid sa atin ni Isaias. Namanaag ang liwanag sa karimlan … Ito ang gustong ipahiwatig ng propeta. Nais kong isipin na sa kabila ng lahat ng suliranin at kadiliman sa ating buhay, tunay na namamanaag ang liwanag. Saan kayo makakakita ng tulad sa naganap at nagaganap pa sa Cebu at sa iba pang lugar sa buong Pilipinas ngayon at noong nakaraang siyam na araw?

Sa Cebu lamang, milyon ang dumalo … milyon ang deboto … milyon ang nagpugay, nagdasal, nagtiis, nagbantay, nag-alay ng dasal at papuri sa isang munting estatwa, na daan-daang taon na binibigyang papuri – ang larawan o imahe ng Banal na Sanggol!

Sa Pandacan, Sa Tondo, sa maraming baryo at bayan sa buong kapuluan, laksa-laksa ang estatwa ng Banal na Sanggol – sa mga tindahan, sa mga restoran, sa mga paaralan, sa mga munting dasalan.

Namanaag at sumikat ang liwanag ng pananampalataya sa ating bayan.

Ito marahil ang dahilan kung bakit anuman ang maganap, anuman ang dumating, anuman ang mangyari, sakuna o lindol, sunog o bagyo, pasakit o hilahil, narito pa rin tayo – nakangiti, masaya, nagsisikap, nagsusumamo pa rin para sa isang magandang bukas!

At bakit ba hindi? Sabi nga ni San Pablo, “pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo.” Sa kabila ng lahat, marunong pa rin tumanaw ang Pinoy … marunong pa rin kumilala, sapagka’t sa bawa’t anino, sa bawa’t kadiliman, ay namamanaag at sumisikat ang isang kakaibang ilaw at liwanag sa taong may pananampalataya.

Tingnan natin ang ilan sa liwanag na ito …

Ayon sa mga dalubhasa, kung ang titingnan natin ay ang pamilyang Pinoy, dapat sana ay watak-watak na ang pamilyang Pinoy. Saan ka nakakita ng mga ina ng tahahan na wala sa sariling tahanan kundi naglilingkod sa ibang tahanang banyaga at buo pa rin ang pamilya? Saan ka nakakita ng mga padre de pamilya na nagbabanat ng buto, hindi rito sa mga sakahan sa atin, kundi naghahanap-buhay sa mga pagawaan sa malalayong bansa, pero buo pa rin ang pamilya?

Dito lamang sa atin … dito lamang sa mahirap na bayan natin, mahirap nga, nguni’t nagliliwanag pa rin sa sikat ng biyaya ng makabayaning pagtitiis at pagpupursigi mapaganda lamang ang takbo ng buhay ng pamilya! Noong mga taong nobenta (90s) ano ang sabi ng mga nagsasaliksik? .. Eto … na ang pamilya ay buo pa rin dahil sa milagro ng texting. Noong naglaon, dahil sa milagro ng SKYPE, o internet telephony. Ngayon, dahil sa tulong ng facebook at iba pang social networking sites. Buo pa rin ang pamilya, nagkakaniig pa rin, nagkakasundo-sundo pa rin, kahit na ang mga lolo at lola ay walang retirement sapagkat sila ang nag-aalaga ng mga batang paslit.

Ano ba ang magandang balita para sa lahat ngayon ayon sa mga pagbasa. Ayun nga! Namanaag at sumikat! Alin? Ang larawan ng banal na pamilya ni Jesus, Maria at Jose, na sa kabila ng isang di inaasahang pangyayari ay patuloy pa ring nagpamalas ng pananampalataya at pagniniig sa isa’t isa. Nawala sa caravan ang binatilyong si Jesus. Sa kanilang paglalakbay tungo sa Jerusalem, bigla na lamang namalayan ni Maria at Jose na nawawala ang anak. Naguluhan sila, tulad ng lahat ng inang hindi pa sanay mawalay sa anak, tulad ng mga inang nagpapagal sa Italya o sa HongKong na malayo sa kanilang iniirog na bunso.

Matalim ang balaraw na tumimo sa puso ng Inang Maria … Bakit raw baga siya hinahanap gayong ang dapat niyang gampanan ay ang gawain ng kanyang Amang makalangit? Matalim at matalas, tulad ng mga sugat na dulot ng mga suwail na anak sa ating panahon na hindi na marunong magpahalaga, hindi na marunong magpasalamat, at hindi na marunong magsimba at kumilala na ang lahat ay kaloob, ang lahat ay biyaya, at ang lahat ay buhay!

Madilim ang ating kapaligiran… Malimit nang dumating sa ating bayan ang sunod-sunod na bagyo sa lugar na hindi kailanman nakatikim ng daluyong noong araw. Madilim ang kapaligiran – mga lugar na dati rati ay punong-puno ng kagubatan, ngunit ngayon ay panay kalbong mga kabundukan, na wala nang pipigil sa baha at daluyong mula sa kalikasang nagpupuyos ang damdamin sa kalalabisan ng mga taong tulad natin, na walang pansin sa karapatan ng kalikasan, at kapakanang pangkalahatan.

Maitim ang budhi ng tanan … sa ngalan ng pork barrel at salapi, ay ipinagpalit natin ang mga tunay at wastong mga pagpapahalagang Kristiyano. Madilim ang kinabukasan … sa ngalan pa rin ng pera ay handa nating ipagbenta ang ating mga boto, at masaya na tayo sa kaunting mumong paulan ng mga tampalasan, na kilala lamang tayo kapag botohan!


Ngunit ito ang higit na matindi! Dahil sa banaag at sikat na naganap nang isinilang ang Panginoon, unti-unti, dahan-dahan, sa liwanag ng kaligtasang dulot niya, ay unti-unti rin tayong nagigising sa katotohanang hindi tayo tinawag ng Diyos upang manatili at mahirati sa kadiliman!

Panawagan niya sa atin ay sa kaliwanagan, sa kapanatagan, sa kahinahunan, at sa kapayapaan! Ang liwanag ay sumilay na, sumikat na, at patuloy na naggagabay sa mga taong may mabubuting kalooban.

Huwag sana tayo pahuli. Huwag sana tayo magbulag-bulagan. Si Kristo ay dumating na. Siya ay ating kapiling na! Siya ang tunay at wagas na banaag at sikat ng kaligayahan at kaligtasang walang hanggan!

No comments:

Post a Comment