Wednesday, January 2, 2013

BUMANGON AT MAGLIWANAG!


EPIPANIYA (DAKILANG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS)
Enero 6, 2013

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2-3a, 5-6 / Mt 2:1-12

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

Noong araw, ang Pasko ay laging maaliwalas, malamig, at walang anumang ulap na lumalambong sa himpapawid. Maganda ang sikat ng araw, pero hindi mainit. Sa panahon natin, makulimlim, kahit sa araw na ito. Sa nakaraang dalawang taon, binagyo at hinagupit ng matinding paghihirap ang mga taga Mindanao, bago sumapit ang pasko.

Pero hindi lamang klima ang nagdidilim. Pati kabatiran at kamalayan nating mga Pinoy ay tila nalulukuban ng madidilim na alapaap. Hindi pa rin tayo nagkakaisa. Maraming mga isyu ang nagdudulot ng pagkakahati-hati natin. Ang kulay politika ay patuloy na nababalot ng hidwaan at pagkakanya-kanya … pana-panahon o weder-weder lang, ika nga, na wari baga’y ang lahat ay nakadepende kung sino ang naghahari, at puedeng mabago ang takbo ng lahat, segun sa takbo ng dibdib at isipan ng bagong naghahari.

Bukod sa rito, sa panahon natin, ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama, dahil sa makapangyarihang social networking at mass media. Ang turo ng Simbahan ay nagiging katawa-tawa, kalibak-libak, at ang tumatayo at naninindigan para sa katotohanang moral ay pinagbibintangang makaluma, hindi angkop sa modernong panahon, at kung hindi naman ay itinutulad sa mga Taliban na mapagdiin sa sariling isipan at uri ng pamumuno.

Tapos na ang lahat ng dakilang bagay na nagpalambot sa puso natin. Tapos na ang Pasko sa isipan ng marami, at kung ang susundin natin ay ang mundo ng komersyo, ang dapat paghandaan na ay ang Valentine’s Day, para kumita muli ang mga malls. Nguni’t sa araw na ito, pista ng pagpapakita o pagpapahayag ng Panginoon (Epipaniya), ay paskong-pasko pa rin, bagama’t wala na ang mga imaheng siyang kinagisnan nating nagbibigay-diwa sa pasko.

Magandang isipin na ang epipaniya ay naganap sa kasimplehan, sa kapayakan. Wala na ang larawan ng nagkakantahang mga anghel. Wala na rin ang nagtatakbuhan at nagmamadaling mga pastol. Wala na ang mga hayop sa sabsaban – mga larawang magandang ipakita sa pamamagitan ng makikintab ng mga palara at mga kumu-kuti-kutitap ng mga munting ilawan, at ang nasa gitna ay isang kyut na munting sanggol, na napaliligiran ni Maria at Jose, at iba pa.

Ang nakikita natin ngayon ay isang di kilalang bayan, ang Betlehem, at di kilalang siyudad ang Jerusalem. Nakikita natin ang larawan ng mga Mago na papalapit, naglalakbay, naghahanap, at sa isang sandali ay nakatagpo, hatid ng isang maliwanag na tala.

Marahil ay dapat nating tularan ang mga Mago – naglakbay, naghanap, nagsikap! Marahil ay dapat nating bigyang-pansin ang ating tala – na naghahatid sa kung ano ang dapat nating makita at malaman tungkol sa Diyos at sa ating sarili.

Marami ang dapat nating maunawaan tungkol sa Diyos. Marami rin ang dapat nating malaman tungkol sa ating sarili bilang tao. Maraming mga kadiliman sa buhay nating ngayon ang dapat masinagan ng tala ng katotohanan, at tala ng tunay na kalayaan. Maraming kadiliman ang dulot ng mundo ng pamamahayag, na tulad ng lahat ng aspeto ng ating kulturang Pinoy, ay nabahiran na rin ng korupsyon. Maraming mga bahagi ng ating lipunan ay hindi nalalayo sa Belen na napaligiran ng kadiliman at kasalanan!

Tayo ang mga pinaghahanap ng tala. Tayo ang nangangailangan ng kanyang liwanag. At ang paghahanap ng mga mago ay siya ring dapat nating paghahanap rin at pagsisikap upang mapanuto ang ating bayan sa malinaw at tumpak na daan.

Pag-asa ang turo ng mga pagbasa … hindi kalungkutan at kawalang tiwala sa gitna ng kadiliman. Ito ang nais nating dalhin pauwi mula sa simbahang ito: “
Bumangon at magliwanag na tulad ng araw!”

Bumangon! Nadapa tayo at nasadlak sa maraming pagkakamali at kasalanan … lahat tayo. Magliwanag! Nabalot tayo ng dilim ng pangamba, kawalang tiwala at pag-asa at maging pagtatampo sa Diyos na tila walang kapangyarihang pumuksa sa katiwalian.

Bumangon at magliwanag, kapatid! Hindi pa huli ang lahat at hindi kailanman magagapi ang Diyos. Bagama’t siya ay nakikitan nating isang sanggol na bagong silang, may pangakong nakalaan para sa akin at sa iyo: “Poon, maglilingkod sa Iyo tanang bansa nitong mundo!”

No comments:

Post a Comment