Showing posts with label Katapatan sa Diyos. Show all posts
Showing posts with label Katapatan sa Diyos. Show all posts

Thursday, September 19, 2013

TIWALA O HINALA PARA SA KATIWALA?


Ika-25 Linggo Taon K
Setyembre 22, 2013

TIWALA, O HINALA PARA SA KATIWALA?

May pagkakataong angkop na angkop ang wika natin upang gawing tulay ng pagninilay. Ang ebanghelyo sa araw na ito ay isang halimbawa.

Isang katiwala ang hindi naging tapat sa kanyang amo. Nilustay ang perang hindi kaniya. At dahil darating na ang amo para hingan siya ng pagtutuos o cuentas claras, kumbaga, mabilis siyang nag-isip at nagpasya. Namudmod ng perang hindi kanya, at binura ang bahagi ng pautang ng kanyang amo sa kanyang mga kostumer.

Ito ang matindi. Pinuri pa siya ng Panginoon dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Isa isantabi natin sumandali ang usapin kung tama o mali ang kanyang ginawa. Hindi para sa atin ngayon ang pagtalunan kung wasto o mali ang pandarayang ginawa ng katiwala upang magkaroon siya ng kaibigang tutulong pag nagkataon.

Katalinuhan! Ito ang dahilan kung bakit pinuri siya. Pagpapasya! Ito ang naging bunga ng kanyang katalinuhan. Mabilis nag-isip. Mabilis kumilos. Sapagka’t alam niya ang kanyang gusto – ang makagawa ng mga kaibigang tutulong sa kanya sa kanyang darating na pangangailangan.

Minsan, tayo ay sinasagian ng matinding mga suliranin. Kapag dumapo ang matinding krisis, may mga taong hindi makapagpasya, hindi makapag desisyon. Sa harap ng krisis, ang mga taong ito ay tila nagiging parang tuod, walang buhay, walang malay, walang alam gawin. Hindi alam kung saan susuling, saan babaling. Mali man o tama ang ginawa ng katiwala, hindi natin siya mapupulaan ng kawalan ng pasya, o kawalan ng wisyo, o kakulangan ng kilos.

Sa ating panahon, matindi at malawak ang kaguluhan. Maraming sala-salabat na suliranin. Maraming iba-iba at sanga-sangang mga problemang dapat harapin. May mga taong sa harap nito ay nanlulumo, nanghihina, nawawalan ng ulirat at hinahayaan na lamang magnaknak ang mga sugat. Walang pasya. Walang desisyon. At lalong walang ginagawa!

Isa sa liksyong puede nating makuha sa ebanghelyo ay ito. Kailangan ng juicio upang harapin ang problema. Kailangan ng talino upang lapatan ng lunas ang anumang suliranin. Kailangan ng karunungan upang harapin ang mga pagsubok at gawan ng paraan upang malutas.

Ito ang ipinamalas ng katiwala!

Pero hindi pa tapos ang talinghaga. Matapos ipamalas ni Jesus na kailangang magpasya at kumilos upang harapin ang krisis, dinagdagan niya ang pangaral. At dito pumapasok ang iba pang dapat taglayin ng isang katiwala upang hindi mauwi sa paghihinala, o kawalan ng tiwala ng pinaglilingkuran.

Ano ba ang dagdag na kailangan pa bukod sa karunungan?

Ito ang turo ng Panginoon … kailangan rin ng katapatan, diumano. Kailangan maging tapat sa maliit man o sa malaki. At ang paalaala sa atin ay ito: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay.”

Nahubaran ngayon ang maraming tao dahil sa malakihan at malawakang kurapsyon. Daan daang milyong piso ang posibleng ibinulsa ng mga taong hindi katiwa-tiwala sa loob at labas ng pamahalaan.

Sa harap ng mapait na katotohanang ito, hindi puede ang pabandying-bandying lamang. Hindi puede na hindi pairalin ang karunungan. At lalung hindi puedeng hindi pairalin ang pagpapasya at pagdedesisyon sa paggawa ng tama. Sa harap ng krisis, hindi puede ang patulog-tulog at pag-aasal Juan Tamad na naghihintay na lamang na malaglag ang bayabas.

Kailangan natin ng karunungan upang malaman kung ano ang dapat gawin. Subali’t kailangan rin natin ng desisyon at pagkilos upang unti-unting mapawi ang kinasadlakan nating kapalaluang malawakan.

Higit sa lahat, kailangan nating isapuso at isadiwa ang mahalagang turo ngayon ng Panginoon, bukod sa pagiging mapagpasya at kagya’t kumikilos o gumagawa ng dapat … Kailangan nating alalahanin tuwina, na ang tunay na tagasunod at isang katiwalang hindi kahina-hinala, kundi tampulan tiwala at paglilingkod. Sapagka’t … at dapat nating uliting muli … “Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Bilang katiwala ng Diyos, ano ba ang para sa atin kaya? … hinala o tiwala?

Friday, December 28, 2012

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM


Kapistahan ng Banal na Pamilya
Disyembre 30, 2012

Mga Pagbasa: 1 Sm 1:20-22, 24-28 / 1 Jn 3:1-2, 21-24 / lc 2:41-52

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM

Puno ng diwa ng paghihintay at paghahanap ang ating mga araw. Maraming inaanak ang naghahanap pa sa kanilang ninong at ninang na hanggang ngayon ay di pa nila matagpuan. Maraming ninong at ninang ang naghihintay pa marahil sa kanilang bonus, o baka sakaling tumama sa Lotto. Ang mga mago, sa ating pagkaunawa ay naghanap sa bagong silang na sanggol sa Belen. At ang mga anghel, na nagdala ng balita ay patuloy na umaawit ng papuri sa kaitaasan, upang makilala ang bagong silang na Mesiyas.

Pero hindi lahat ay masaya. Naghihinitay rin sila, at naghahanap rin, pero sa ibang kadahilanan. Mayroong isang nagmamaktol na hari ang hindi maka-antay makita kung nasaan ang sanggol, hindi upang bigyan ng regalo, kundi, aniya, upang siya rin ay magpugay! Ang tao nga naman, hindi mo malaman ang tunay na layunin, tulad ng mga kasapi ng party-list sa Pilipinas, na kapakanan daw ng mahihirap ang kanilang pakay, pero kapag nakatikim na ng pork barrel, ay iba na ang hanap, iba na ang tingin sa pobre, at ayaw na ayaw magpaharang sa mga nagbabantay sa parking lot! Nanggagalaiti dahil sa siningil siya ng 50 piso at naabala pa raw siya.

Mayroon ring katumbas ng hari na hindi naghahanap sa mga bata. Ayaw nga niya sila isilang. Dapat aniya, unti-unting walaing-halaga ang mga walang silbing taga-kain lamang. Hindi lahat ay natutuwa sa pagsilang ng sanggol, lalu na’t ang bagong silang ay isang parang karibal sa pagkakamal ng yaman ng bayan.

Mayroon namang isang pamilya, na sa kabila ng mga paghamon, pagsubok at kahirapan ay nagpunyagi upang pangalagaan ang bagong silang na bata. Naging migrante sila sa Egipto. Nagtago, pero hindi sapagka’t nagtatago sa mga inaanak. Nagtago sila sa isang haring ang pakay ay patayin ang mga batang 2 taon pababa.

May malaking halaga ang kapalit ng paghihintay sa isang bagong buhay. Nagbayad sila nang malaki. Naglakbay at naging banyaga sa Egipto. Subali’t ang kanilang pagiging tapon sa Egipto ay dahil sa kanilang malaking pag-aasam – ang katuparan ng pangakong binitiwan ng anghel na siya ay tatawaging Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.

Pero hindi lang ito nangyari noong ang bata ay sanggol. Pagkaraan ng 12 taon, ay naulit ang matinding pasakit sa puso ng ina na parang niyurakan na naman ang puso ng isang balaraw. At ito ay naganap na naman sa isang mahabang paglalakbay …

Nawala ang bata. Naguluhan ang mag-asawa. Naghanap. Naglakbay muli ng isang araw, makita lamang ang binatilyo. At sa harap ng pagod at pangamba, ay isa pa ring masakit na kabatiran ang pumaso sa puso ng magulang: “Bakit n’yo ako hinahanap? Di ba’t dapat kong gampanan ang gawain ng aking Ama?” Isang malaking katanungan, na punong-puno ng pagtangis ang winika ng ina: “Anak, bakit mo ginawa ito sa amin?”

Ganito tayo sa ating lipunan ngayon … tumatangis, nangangamba, nalulungkot. Gustohin man natin na ang kalooban ng Diyos ang siyang maghari, talo tayo sa botohan, kahit hindi kailanman magagapi ang katotohanan. Talo tayo sa pondohan, sa tulak at padulas at pangako ng mga mananagana sa bagong batas na ito. At alam na natin na ang mananagana ay hindi mga mago at pantas na tao, kundi kapatas ng mga ang hanap ay hindi ang Mesiyas, kundi ang kinang ng perlas at mga hiyas.

Subali’t ang magandang balita ay ito … galing sa banal na mag-anak … naglakbay, nagpunyagi, tumakas at naghanap ng kaligtasan sa banyagang lugar, sapagka’t naniniwala silang may misyon sila at tungkulin sa ngalan ng Diyos.

Meron tayong hinihintay … tayong mga naglalakbay sa daang ito sa lupang ibabaw. Meron tayong hinahanap, at hindi mga ninong at ninang nating sa mula’t sapul ay hindi nakapagbigay sa atin ng pamasko. Ang hanap natin ay ang Diyos at ang kanyang kaligtasan, ang kanyang kapayapaan at kaluwalhatian. Mayroon tayong inaasam.

Sa pagtahak sa landasing ito ng buhay makalupa, hindi madali ang maghanap. Hindi madali ang maghintay. Ngunit turo sa atin ngayon ng banal na mag-anak na mayroong kaligtasan para sa taong naghahanap sa katarungan ng Diyos, at naghihintay sa kanyang dakilang kaligtasan.

Ang tanging kailangan ay pag-asa, pag-aasam sa tama, hindi ayon sa survey, kundi ayon sa Diyos na nagtuturo at naggagabay sa kanyang bayan.

O Banal na mag-anak ni Jesus, Maria at Jose, kami’y buong tiwalang dumudulog sa inyong mapagkalingang paggagabay at pagsubaybay. Turuan Ninyo kaming tumahak sa wastong landas ng paghihirap, pagpapakasakit, pagpapahindi sa sarili at paghahanap tangi sa kalooban ng Diyos. Sa aming paglalakbay maging sa madidilim na lugar, liwanagan at gabayan kami, kahit na sa mga pagkakataong tila kami na lamang ang natitira, at ang lahat ay tila pinanawan na ng lakas at pag-asa.

Sa wakas ng aming buhay, nawa’y matunghayan namin ang dakilang kaganapan ng lahat ng pangako ng Diyos sa kanyang bayang nananatili sa katapatan at katatagan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Amen.

Friday, September 14, 2012

NI NAGHIMAGSIK NI TUMALIKOD!


Ika-24 na Linggo Taon B
Setyembre 16, 2012

Mga Pagbasa: Isa 50:5-9 / San 2:14-18 / Mc 8:27-35

NI NAGHIMAGSIK NI TUMALIKOD!

Sa biglang tingin, mahirap paniwalaan ang inasal ni Isaias. Matapos pahirapan, matapos kutyain, hamakin, at tuligsain nang lubusan, ang kanyang ipinalit ay isang tiim-bagang at patuloy na katapatan sa Diyos: “hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.”

Lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento tungkol sa pagmamalabis ng kapwa. Lahat tayo ay nakaranas nang matapakan, at ituring na parang basahan o kahit man lamang ang hindi kilalanin nang ayon sa ating tunay na kakayahan.

Ang lahat ng ito ay pinagdaanan ni Isaias, ang “nagdurusang Lingkod” ni Yahweh.

Ilagay man natin ang sarili sa kanyang pinagdaanan, malamang na ang tugon natin ay ang pagpupuyos ng damdamin. Himihiyaw tayo at umaangal … Nagpupumiglas ang damdamin natin kapag hindi tayo napagbigyan, kapag hindi kinilala at binigyang pitagan.

Subali’t isang mahalagang aral ang dulot ngayon ng mga pagbasa ngayon. Tingnan natin sumandali ang bawa’t isa…

Ang larawan ng nagdurusang Lingkod ni Yahweh ay isang buhay na aral para sa bawa’t isa sa atin – ang katotohanang may angking patunay na taglay ang pananampalataya. Patunay na ipinamalas ng mga taong sukdulan ang tiwala sa Diyos, at punong-puno ng wagas na pananampalataya sa Panginoon.

Tulad halimbawa ni Padre Pio … Hindi madali ang naging buhay niya. Nandyan ang pagdikitahan siya … nandyan ang pagdudahan ang kanyang mga sugat sa kamay at tagiliran …. Nandyan din ang pagbintangan siyang gawa-gawa lamang niya ang sariwang sugat sa palad na diumano ay pinapatakan niya lamang ng carbolic acid. Nandyan din ang pagbawalan siyang magpakumpisal, o magmisa para sa publiko.

Halimbawa rin itong ipinakita ng marami pang mga santo … Tulad ni Don Bosco na pinagbintangang isang hibang at pinagpilitang ipadala sa mental hospital … Tulad ni San Benito Menni na pinalayas at hindi pinayagang makapaglingkod sa sarili niyang kongregasyon, bagkus ipinatapos sa Francia.

Nguni’t ang buhay nila kung saan ipinamalas nila ang katatagan sa gitna ng pag-uusig ang siyang patunay na malinaw sa sinasabi ni Isaias at ng salmista: “Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal!”

Bilib ako sa mga dakilang santong ito. Bilib ako kay Isaias. At iisa ang dahilan ng lahat ng ito. Hirap akong tanggapin ang mapait na katotohanang kapag gumawa ka ng mabuti ay kapalit nitong malimit ang pag-alipusta ng marami.

May mahalagang liksyon para sa ating lahat na nanghihinawa ang pagbasa sa araw na ito. Tulad halimbawa ni Santiago na nagtuturo sa atin na ang pananampalataya ay dapat ipakita rin sa gawa, at hindi lang sa salita: “Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.”

Madali para sa aming mga pari ang magwika tungkol sa Diyos. Mahabang panahon kaming nag-aral at nagsunog ng kilay, ika nga. Maraming pagkakataon na kami ay hinihingan ng mga salita tungkol sa Diyos sa mga rekoleksyon, sa mga retreat, sa mga Life in the Spirit Seminar, at iba pa.

Ganoon din ang marami sa ating mga simpleng katoliko … mga katekista, mga lay leaders sa parokya …

Pero sa araw na ito, ang hinihingi sa atin ay isang patunay, isang patotoo. At ang patotoong ito ay para dapat pulp bits ng Royal Tru-orange … nakikita dapat … nababanaag … nasasalat …

Bakit? Tingnan natin ang tanong ng Panginoon sa ebanghelyo. Ang una ay madaling sagutin: “Sino ba ako ayon sa mga tao?” Daglian at mabilisang sumagot ang mga disipulo … Madaling sagutin kapag ang tugon ay walang kinalaman sa sarili nating katatayuan. Madaling mangako ng anu man kung hindi tayo ang gagastos o magbabayad. Madaling magkaloob ng bagay, lalu na’t hindi galing sa ating bulsa. Madaling magbitaw ng salita kung hindi tayo inaasahang patunayan ang mga ibinulalas sa bibig.

Pero ito ang matindi. Ito ang mahirap … “Kayo naman – ano ang sabi ninyo kung sino ako?”

Dito tayo natitigilan … Dito tayo nag-aalangan … Sapagka’t dito tayo sinusubukan! Mahirap ang manatiling tahimik kapag kalyo mo na ang natapakan. Mahirap mag-asal banal kung tayo ay pinag-uusig at pinahihirapan. Mahirap ang busalan ang bibig kung ikaw ay nilalapastangan!

Pero ito mismo ang ipinakita ni Isaias at ng kanyang nagdurusang Lingkod! Ito ang tru-orange na may pulp bits. Ito ang tunay na kabanalan at kadakilaan – ang manatiling tapat … ang manatiling nasa wastong daan, sa kabila ng pandudura at pang-iinsulto ng mga taong walang bilib sa atin … ang manatiling hindi naghihimagsik ni tumatalikod sa kanya sa kabila ng lahat.

Ito ang mahirap gawin. Ito ang matinding tuntunin na pinagdadaanan ng mga banal. At ito ang panawagan sa atin: ang hindi maghimagsik ni tumalikod sa Kanya.


Pakiusap ko at paalaala sa lahat … Manatili nawa tayo sa tamang landas. Huwag sana tayo padala sa bugso ng damdaming madaling manghinawa at magsawa sa paggawa ng mabuti. Malinaw ang pangakong naghihintay sa mga tapat: “Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal!”