Thursday, September 19, 2013

TIWALA O HINALA PARA SA KATIWALA?


Ika-25 Linggo Taon K
Setyembre 22, 2013

TIWALA, O HINALA PARA SA KATIWALA?

May pagkakataong angkop na angkop ang wika natin upang gawing tulay ng pagninilay. Ang ebanghelyo sa araw na ito ay isang halimbawa.

Isang katiwala ang hindi naging tapat sa kanyang amo. Nilustay ang perang hindi kaniya. At dahil darating na ang amo para hingan siya ng pagtutuos o cuentas claras, kumbaga, mabilis siyang nag-isip at nagpasya. Namudmod ng perang hindi kanya, at binura ang bahagi ng pautang ng kanyang amo sa kanyang mga kostumer.

Ito ang matindi. Pinuri pa siya ng Panginoon dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Isa isantabi natin sumandali ang usapin kung tama o mali ang kanyang ginawa. Hindi para sa atin ngayon ang pagtalunan kung wasto o mali ang pandarayang ginawa ng katiwala upang magkaroon siya ng kaibigang tutulong pag nagkataon.

Katalinuhan! Ito ang dahilan kung bakit pinuri siya. Pagpapasya! Ito ang naging bunga ng kanyang katalinuhan. Mabilis nag-isip. Mabilis kumilos. Sapagka’t alam niya ang kanyang gusto – ang makagawa ng mga kaibigang tutulong sa kanya sa kanyang darating na pangangailangan.

Minsan, tayo ay sinasagian ng matinding mga suliranin. Kapag dumapo ang matinding krisis, may mga taong hindi makapagpasya, hindi makapag desisyon. Sa harap ng krisis, ang mga taong ito ay tila nagiging parang tuod, walang buhay, walang malay, walang alam gawin. Hindi alam kung saan susuling, saan babaling. Mali man o tama ang ginawa ng katiwala, hindi natin siya mapupulaan ng kawalan ng pasya, o kawalan ng wisyo, o kakulangan ng kilos.

Sa ating panahon, matindi at malawak ang kaguluhan. Maraming sala-salabat na suliranin. Maraming iba-iba at sanga-sangang mga problemang dapat harapin. May mga taong sa harap nito ay nanlulumo, nanghihina, nawawalan ng ulirat at hinahayaan na lamang magnaknak ang mga sugat. Walang pasya. Walang desisyon. At lalong walang ginagawa!

Isa sa liksyong puede nating makuha sa ebanghelyo ay ito. Kailangan ng juicio upang harapin ang problema. Kailangan ng talino upang lapatan ng lunas ang anumang suliranin. Kailangan ng karunungan upang harapin ang mga pagsubok at gawan ng paraan upang malutas.

Ito ang ipinamalas ng katiwala!

Pero hindi pa tapos ang talinghaga. Matapos ipamalas ni Jesus na kailangang magpasya at kumilos upang harapin ang krisis, dinagdagan niya ang pangaral. At dito pumapasok ang iba pang dapat taglayin ng isang katiwala upang hindi mauwi sa paghihinala, o kawalan ng tiwala ng pinaglilingkuran.

Ano ba ang dagdag na kailangan pa bukod sa karunungan?

Ito ang turo ng Panginoon … kailangan rin ng katapatan, diumano. Kailangan maging tapat sa maliit man o sa malaki. At ang paalaala sa atin ay ito: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay.”

Nahubaran ngayon ang maraming tao dahil sa malakihan at malawakang kurapsyon. Daan daang milyong piso ang posibleng ibinulsa ng mga taong hindi katiwa-tiwala sa loob at labas ng pamahalaan.

Sa harap ng mapait na katotohanang ito, hindi puede ang pabandying-bandying lamang. Hindi puede na hindi pairalin ang karunungan. At lalung hindi puedeng hindi pairalin ang pagpapasya at pagdedesisyon sa paggawa ng tama. Sa harap ng krisis, hindi puede ang patulog-tulog at pag-aasal Juan Tamad na naghihintay na lamang na malaglag ang bayabas.

Kailangan natin ng karunungan upang malaman kung ano ang dapat gawin. Subali’t kailangan rin natin ng desisyon at pagkilos upang unti-unting mapawi ang kinasadlakan nating kapalaluang malawakan.

Higit sa lahat, kailangan nating isapuso at isadiwa ang mahalagang turo ngayon ng Panginoon, bukod sa pagiging mapagpasya at kagya’t kumikilos o gumagawa ng dapat … Kailangan nating alalahanin tuwina, na ang tunay na tagasunod at isang katiwalang hindi kahina-hinala, kundi tampulan tiwala at paglilingkod. Sapagka’t … at dapat nating uliting muli … “Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Bilang katiwala ng Diyos, ano ba ang para sa atin kaya? … hinala o tiwala?

No comments:

Post a Comment