Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay B
Mayo 3, 2015
STAY KA LANG KAY LORD!
Kahit gaano kasama ang tao, may pag-asa pa. Siguro, wala
nang hihigit pang patunay itong katotohanang ito sa mismong sarili nating
buhay. O di ba? Lahat tayo ay nakagawa nang hindi maganda. Lahat tayo ay
nakapagsabi ng kasinungalingan. Ayon sa Banal na Kasulatan, ang lahat ay nagkasala
at ang lahat ay hindi makapantay sa luwalhati at kadakilaan ng Diyos.
Sino pa ba ang ating halimbawa sa araw na ito? … Walang iba
kundi si Saul, na dati-rati ay tagapag-usig ng mga tagasunod ni Kristo. Oh, ano
na siya ngayon? Ayon sa aklat ng mga Gawa, “kasama-sama nila [siya] sa
Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon.”
Tingnan mo nga naman!
… dating pangit ang ugali, ngayon ay masugid na tagasunod ng kanyang
inusig at di tinanggap. Ano ang bunga nito? “Naging matiwasay ang simbahan sa
buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng
Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.”
Tunay na may bagong buhay maging sa mga taong tila patay, at
pumapaslang. Tunay na may pag-asa pa hangga’t may hininga at buhay.
Malalim ang pinaghuhugutang pag-ibig ni Juan. Tinawag niya
ang kanyang mga tagasunod na mga “anak.” Hindi lamang yan … tinawag niya rin
silang lahat na “mga minamahal” … minamahal ng Diyos at silang pinagkalooban ng
dakilang awa at pag-ibig mula sa Kanya.
Marami na akong naging alagang aso. May apat pa ako ngayon.
Isang katangian ng aso ay ito … marunong silang dumikit sa kanilang amo, o kung
sino man ang nagpapakain sa kanila, ayon sa batas ng kalikasan.
Pero higit pa rito ang tao … marunong mamili, marunong
magpasya. At hindi napapako sa madilim na nakaraan … kayang bumangon … kayang
magbagong-buhay. Tulad ni Pablo. Tulad ni Pedro. Tulad ng lahat ng mga banal na
pawang nagsimula sa mundo na may bahid ng kasalanan, nguni’t napagtagumpayan
ang mali, at gumawa nang tama.
Ito naman ang tanong para sa atin ngayon … Kaya ba natin
ito? Gets ba natin ang dapat gawin upang makaya ito?
At dito naman malinaw pa sa liwanag ng araw ang dapat gawin
… “Manatili kayo sa akin.” “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga.”
Malinaw ito sa kaso ng aso. Wag siyang manatili sa akin, at
walang magpapakain sa kanya. Malinaw rin ito sa ubasan. Putulin mo ang sanga at
ito ay matutuyot at mamamatay.
Gets nyo na ba?
Kung hindi tayo konektado sa internet, wala kang Clash of
Clans. Kung wala kang load, wala kang chat. Kung wala kang service provider,
walang silbi ang iyong mamahaling cellphone. Mabuti pa aso. Pag sinabi mong “stay,”
stay nga siya. Konektado. Kapiling. Kasama.
Stay ka lang kay Lord! Stay ka lang sa kanyang higit pa sa
wi-fi coverage. Si Lord ang web. Ikaw ang device. At kung wala si Lord, wala
kang silbi smartphone!
Kapit lang nang matibay, kaibigan! Kailangan pa rin natin
ang Panginoon!
No comments:
Post a Comment