Friday, September 14, 2012

NI NAGHIMAGSIK NI TUMALIKOD!


Ika-24 na Linggo Taon B
Setyembre 16, 2012

Mga Pagbasa: Isa 50:5-9 / San 2:14-18 / Mc 8:27-35

NI NAGHIMAGSIK NI TUMALIKOD!

Sa biglang tingin, mahirap paniwalaan ang inasal ni Isaias. Matapos pahirapan, matapos kutyain, hamakin, at tuligsain nang lubusan, ang kanyang ipinalit ay isang tiim-bagang at patuloy na katapatan sa Diyos: “hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.”

Lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento tungkol sa pagmamalabis ng kapwa. Lahat tayo ay nakaranas nang matapakan, at ituring na parang basahan o kahit man lamang ang hindi kilalanin nang ayon sa ating tunay na kakayahan.

Ang lahat ng ito ay pinagdaanan ni Isaias, ang “nagdurusang Lingkod” ni Yahweh.

Ilagay man natin ang sarili sa kanyang pinagdaanan, malamang na ang tugon natin ay ang pagpupuyos ng damdamin. Himihiyaw tayo at umaangal … Nagpupumiglas ang damdamin natin kapag hindi tayo napagbigyan, kapag hindi kinilala at binigyang pitagan.

Subali’t isang mahalagang aral ang dulot ngayon ng mga pagbasa ngayon. Tingnan natin sumandali ang bawa’t isa…

Ang larawan ng nagdurusang Lingkod ni Yahweh ay isang buhay na aral para sa bawa’t isa sa atin – ang katotohanang may angking patunay na taglay ang pananampalataya. Patunay na ipinamalas ng mga taong sukdulan ang tiwala sa Diyos, at punong-puno ng wagas na pananampalataya sa Panginoon.

Tulad halimbawa ni Padre Pio … Hindi madali ang naging buhay niya. Nandyan ang pagdikitahan siya … nandyan ang pagdudahan ang kanyang mga sugat sa kamay at tagiliran …. Nandyan din ang pagbintangan siyang gawa-gawa lamang niya ang sariwang sugat sa palad na diumano ay pinapatakan niya lamang ng carbolic acid. Nandyan din ang pagbawalan siyang magpakumpisal, o magmisa para sa publiko.

Halimbawa rin itong ipinakita ng marami pang mga santo … Tulad ni Don Bosco na pinagbintangang isang hibang at pinagpilitang ipadala sa mental hospital … Tulad ni San Benito Menni na pinalayas at hindi pinayagang makapaglingkod sa sarili niyang kongregasyon, bagkus ipinatapos sa Francia.

Nguni’t ang buhay nila kung saan ipinamalas nila ang katatagan sa gitna ng pag-uusig ang siyang patunay na malinaw sa sinasabi ni Isaias at ng salmista: “Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal!”

Bilib ako sa mga dakilang santong ito. Bilib ako kay Isaias. At iisa ang dahilan ng lahat ng ito. Hirap akong tanggapin ang mapait na katotohanang kapag gumawa ka ng mabuti ay kapalit nitong malimit ang pag-alipusta ng marami.

May mahalagang liksyon para sa ating lahat na nanghihinawa ang pagbasa sa araw na ito. Tulad halimbawa ni Santiago na nagtuturo sa atin na ang pananampalataya ay dapat ipakita rin sa gawa, at hindi lang sa salita: “Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.”

Madali para sa aming mga pari ang magwika tungkol sa Diyos. Mahabang panahon kaming nag-aral at nagsunog ng kilay, ika nga. Maraming pagkakataon na kami ay hinihingan ng mga salita tungkol sa Diyos sa mga rekoleksyon, sa mga retreat, sa mga Life in the Spirit Seminar, at iba pa.

Ganoon din ang marami sa ating mga simpleng katoliko … mga katekista, mga lay leaders sa parokya …

Pero sa araw na ito, ang hinihingi sa atin ay isang patunay, isang patotoo. At ang patotoong ito ay para dapat pulp bits ng Royal Tru-orange … nakikita dapat … nababanaag … nasasalat …

Bakit? Tingnan natin ang tanong ng Panginoon sa ebanghelyo. Ang una ay madaling sagutin: “Sino ba ako ayon sa mga tao?” Daglian at mabilisang sumagot ang mga disipulo … Madaling sagutin kapag ang tugon ay walang kinalaman sa sarili nating katatayuan. Madaling mangako ng anu man kung hindi tayo ang gagastos o magbabayad. Madaling magkaloob ng bagay, lalu na’t hindi galing sa ating bulsa. Madaling magbitaw ng salita kung hindi tayo inaasahang patunayan ang mga ibinulalas sa bibig.

Pero ito ang matindi. Ito ang mahirap … “Kayo naman – ano ang sabi ninyo kung sino ako?”

Dito tayo natitigilan … Dito tayo nag-aalangan … Sapagka’t dito tayo sinusubukan! Mahirap ang manatiling tahimik kapag kalyo mo na ang natapakan. Mahirap mag-asal banal kung tayo ay pinag-uusig at pinahihirapan. Mahirap ang busalan ang bibig kung ikaw ay nilalapastangan!

Pero ito mismo ang ipinakita ni Isaias at ng kanyang nagdurusang Lingkod! Ito ang tru-orange na may pulp bits. Ito ang tunay na kabanalan at kadakilaan – ang manatiling tapat … ang manatiling nasa wastong daan, sa kabila ng pandudura at pang-iinsulto ng mga taong walang bilib sa atin … ang manatiling hindi naghihimagsik ni tumatalikod sa kanya sa kabila ng lahat.

Ito ang mahirap gawin. Ito ang matinding tuntunin na pinagdadaanan ng mga banal. At ito ang panawagan sa atin: ang hindi maghimagsik ni tumalikod sa Kanya.


Pakiusap ko at paalaala sa lahat … Manatili nawa tayo sa tamang landas. Huwag sana tayo padala sa bugso ng damdaming madaling manghinawa at magsawa sa paggawa ng mabuti. Malinaw ang pangakong naghihintay sa mga tapat: “Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal!”

No comments:

Post a Comment