Friday, December 28, 2012

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM


Kapistahan ng Banal na Pamilya
Disyembre 30, 2012

Mga Pagbasa: 1 Sm 1:20-22, 24-28 / 1 Jn 3:1-2, 21-24 / lc 2:41-52

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM

Puno ng diwa ng paghihintay at paghahanap ang ating mga araw. Maraming inaanak ang naghahanap pa sa kanilang ninong at ninang na hanggang ngayon ay di pa nila matagpuan. Maraming ninong at ninang ang naghihintay pa marahil sa kanilang bonus, o baka sakaling tumama sa Lotto. Ang mga mago, sa ating pagkaunawa ay naghanap sa bagong silang na sanggol sa Belen. At ang mga anghel, na nagdala ng balita ay patuloy na umaawit ng papuri sa kaitaasan, upang makilala ang bagong silang na Mesiyas.

Pero hindi lahat ay masaya. Naghihinitay rin sila, at naghahanap rin, pero sa ibang kadahilanan. Mayroong isang nagmamaktol na hari ang hindi maka-antay makita kung nasaan ang sanggol, hindi upang bigyan ng regalo, kundi, aniya, upang siya rin ay magpugay! Ang tao nga naman, hindi mo malaman ang tunay na layunin, tulad ng mga kasapi ng party-list sa Pilipinas, na kapakanan daw ng mahihirap ang kanilang pakay, pero kapag nakatikim na ng pork barrel, ay iba na ang hanap, iba na ang tingin sa pobre, at ayaw na ayaw magpaharang sa mga nagbabantay sa parking lot! Nanggagalaiti dahil sa siningil siya ng 50 piso at naabala pa raw siya.

Mayroon ring katumbas ng hari na hindi naghahanap sa mga bata. Ayaw nga niya sila isilang. Dapat aniya, unti-unting walaing-halaga ang mga walang silbing taga-kain lamang. Hindi lahat ay natutuwa sa pagsilang ng sanggol, lalu na’t ang bagong silang ay isang parang karibal sa pagkakamal ng yaman ng bayan.

Mayroon namang isang pamilya, na sa kabila ng mga paghamon, pagsubok at kahirapan ay nagpunyagi upang pangalagaan ang bagong silang na bata. Naging migrante sila sa Egipto. Nagtago, pero hindi sapagka’t nagtatago sa mga inaanak. Nagtago sila sa isang haring ang pakay ay patayin ang mga batang 2 taon pababa.

May malaking halaga ang kapalit ng paghihintay sa isang bagong buhay. Nagbayad sila nang malaki. Naglakbay at naging banyaga sa Egipto. Subali’t ang kanilang pagiging tapon sa Egipto ay dahil sa kanilang malaking pag-aasam – ang katuparan ng pangakong binitiwan ng anghel na siya ay tatawaging Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.

Pero hindi lang ito nangyari noong ang bata ay sanggol. Pagkaraan ng 12 taon, ay naulit ang matinding pasakit sa puso ng ina na parang niyurakan na naman ang puso ng isang balaraw. At ito ay naganap na naman sa isang mahabang paglalakbay …

Nawala ang bata. Naguluhan ang mag-asawa. Naghanap. Naglakbay muli ng isang araw, makita lamang ang binatilyo. At sa harap ng pagod at pangamba, ay isa pa ring masakit na kabatiran ang pumaso sa puso ng magulang: “Bakit n’yo ako hinahanap? Di ba’t dapat kong gampanan ang gawain ng aking Ama?” Isang malaking katanungan, na punong-puno ng pagtangis ang winika ng ina: “Anak, bakit mo ginawa ito sa amin?”

Ganito tayo sa ating lipunan ngayon … tumatangis, nangangamba, nalulungkot. Gustohin man natin na ang kalooban ng Diyos ang siyang maghari, talo tayo sa botohan, kahit hindi kailanman magagapi ang katotohanan. Talo tayo sa pondohan, sa tulak at padulas at pangako ng mga mananagana sa bagong batas na ito. At alam na natin na ang mananagana ay hindi mga mago at pantas na tao, kundi kapatas ng mga ang hanap ay hindi ang Mesiyas, kundi ang kinang ng perlas at mga hiyas.

Subali’t ang magandang balita ay ito … galing sa banal na mag-anak … naglakbay, nagpunyagi, tumakas at naghanap ng kaligtasan sa banyagang lugar, sapagka’t naniniwala silang may misyon sila at tungkulin sa ngalan ng Diyos.

Meron tayong hinihintay … tayong mga naglalakbay sa daang ito sa lupang ibabaw. Meron tayong hinahanap, at hindi mga ninong at ninang nating sa mula’t sapul ay hindi nakapagbigay sa atin ng pamasko. Ang hanap natin ay ang Diyos at ang kanyang kaligtasan, ang kanyang kapayapaan at kaluwalhatian. Mayroon tayong inaasam.

Sa pagtahak sa landasing ito ng buhay makalupa, hindi madali ang maghanap. Hindi madali ang maghintay. Ngunit turo sa atin ngayon ng banal na mag-anak na mayroong kaligtasan para sa taong naghahanap sa katarungan ng Diyos, at naghihintay sa kanyang dakilang kaligtasan.

Ang tanging kailangan ay pag-asa, pag-aasam sa tama, hindi ayon sa survey, kundi ayon sa Diyos na nagtuturo at naggagabay sa kanyang bayan.

O Banal na mag-anak ni Jesus, Maria at Jose, kami’y buong tiwalang dumudulog sa inyong mapagkalingang paggagabay at pagsubaybay. Turuan Ninyo kaming tumahak sa wastong landas ng paghihirap, pagpapakasakit, pagpapahindi sa sarili at paghahanap tangi sa kalooban ng Diyos. Sa aming paglalakbay maging sa madidilim na lugar, liwanagan at gabayan kami, kahit na sa mga pagkakataong tila kami na lamang ang natitira, at ang lahat ay tila pinanawan na ng lakas at pag-asa.

Sa wakas ng aming buhay, nawa’y matunghayan namin ang dakilang kaganapan ng lahat ng pangako ng Diyos sa kanyang bayang nananatili sa katapatan at katatagan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Amen.

No comments:

Post a Comment