Saturday, March 7, 2015

KATITISURAN AT KAHANGALAN?


Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon B

Marso 8, 2015



KATITISURAN AT KAHANGALAN?



Mahirap unawain sa panahon natin kung bakit kailangang magdusa ang mga walang kasalanan at walang kamuang-muang. Ito ang dahilan kung bakit tumatayo ang balahibo natin kapag nakikita nating pinahihirapan o pinapaslang nang walang awa ang mga bata. Wala pa silang nagawang anomang dapat maging dahilan na sila ay magdusa, subali’t puno ng mga maiitim ang budhing walang habas na nagpapahirap maging sa mga bata.



Hindi rin madaling unawain kung bakit kailangang mapako sa krus ang Panginoon. Hindi madaling ipaliwanag kung bakit ginawa tayong malaya ng Diyos at may kakayahang magpasya ng kung ano man, at gumawa maging ng mga nakaririmarim na bagay.



Pero, tapatan tayo ngayon … Ito ang ipinagmamakaingay na balita ng mga tagasunod ni Kristo … “Ang ipinangangaral nami’y si Kristong napako sa krus.” Tila baga sinasabi ni Pablo na ang sentro, ang tampulan ng ating pananampalataya bilang Kristiyano ay ang krus. Ito ang saligan, ang sandigan, at ang sandalan ng buo nating pananampalataya at dahilan kung bakit tayo nananatili sa pananampalataya.



Pero krus nga ba ang dahilan kung bakit tayo nananatili sa piling ng Diyos? Isa itong “katitisuran” at “kahangalan.” Magsabi tayo ng totoo … Hindi natin kayang masabing hindi tayo nagagambala sa mga balita ng kabangisan ng mga terorista. Hindi natin masasabing madali ang harapin ang pagpugot ng ulo sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Isa itong katitisuran kahit man lamang sa ating kapanatagan ng kalooban!



Subali’t ang krus ang naging batayan ng lahat ng ipinagmamakaingay natin bilang Kristiano – ang krus na naging sagisag ng buod ng magandang balita para sa lahat: “Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay ganoon na lamang, kanyang ibinigay upang mabuhay kailanman ang nananalig sa buhay.”



Hindi natin tiyak kung ano ang darating na bukas para sa ating lahat. Hindi natin tiyak kung ang kapayapaan ay tunay na maghahari pa sa bayan natin. Marami tayong hindi matitiyak, at hindi masasagot. Maraming babagabag pa sa ating kapayapaan at kapanatagan ng loob. Maraming katanungang walang mga kasagutan; mga hiwagang walang kapaliwanagan, at mga pagdududang walang katugunan.



Hindi man lamang natin maintindihan kung bakit ganito kagulo ang ating lipunan, at ang ating pamahalaan.



Pero kakaiba ang buod ng mga pagbasa ngayon … Una, iisa at tanging iisa ang Diyos. Hindi na tayo dapat maghanap ng iba pa. Ikalawa, krus ang siyang sentro ng ating kamalayang Kristiyano. Ikatlo, ang daan tungo sa katiwasayan ay sa pamamagitan ng hirap at pasakit. Pati siya mismo ay handang ialay ang sariling katawan upang maganap ang pangako ng Ama. “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.”



Batid niya ang nakatakdang tadhana ayon sa balak ng Ama. Hinarap niya ang dapat harapin. Inialay ang sarili para sa kaligtasan ng tanan, at idinipa ang mga kamay sa krus, na naging dahilan kung bakit ngayon ay niluluwalhati siya.



Ang ipinangangaral namin ay si Kristong napako sa krus! Hindi isang katitisuran. Hindi isang kahangalan, kundi dakilang karangalan.

No comments:

Post a Comment