Ikalawang Linggo ng Kwaresma B
Marso 2, 2015
LUWALHATI SA KABILA NG PIGHATI!
Hindi biro and pinagdaanan ni Abraham. At lalung hindi
madali ang karanasan ni Isaac – ang magmistulang isang bisirong tupa na
gigilitan na lamang at sukat ng kanyang sariling ama.
Ilagay natin kahit sandali ang sarili sa katatayuan ni
Abraham. Binigyan siya ng kaisa-isang anak at tapos ay sisingilin siya ng
Diyos, at ang kabayaran o sukli ay ang parehong kaisa-isang anak na si Isaac.
Mahirap rin ang pinagdadaanan natin bilang bayan. 29 na taon
pagkatapos ng isang payapang pagbabago na ginawa nating tampulan ng lahat ng
pag-asa natin, ay tila kabaligtaran ang nangyari: 1) bumalik ang mga tiwaling
politico at mga mambabatas na akala natin ay napatalsik na natin; 2) muling
tumambad sa ating harap ang katotohanang niloloko lamang ang taong bayan sa
kanilang kunwaring paglilingkod subali’t puro pala mga ahas na naghihintay ng
matutuklaw; 3) ang mga malalaking kompanya ay patuloy na kakampi ng mga
namumuno, ng mga mambabatas upang mapanatiling ang sitwasyong hawak sa leeg ang
mga taong walang kamuang-muang sa tunay na nangyayari, dahil pati mga
mamamahayag at kakampi rin ng mga namumuno at naghahawak ng kapangyarihan.
Mahirap ang pinagdadaanan natin sapagka’t magpahanggang
ngayon ay lalu pa tayong naging hati-hati at walang pagkakaisa sa maraming
bagay.
Sa araw na ito, matindi ang pahatid sa atin ng mga pagbasa.
Pighati ang pinagdaanan ni Abraham. Sino sa atin ang handang magsukli sa Diyos
ng isang pinakamamahal natin, o isang bagay na hindi natin kayang ipagkaloob?
Nguni’t ito ang diwa ng tunay na kabanalan! Ito ang
kahulugan ng tunay na pagtalima o pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang kwento
ng isang taong may pananampalataya at dahil rito ay naging handa siyang gawin
ang ipinag-uutos ng Diyos na nagkaloob sa kanya ng lahat.
Posible pa ba ito sa buhay natin?
Mabuti na lamang at bago ko isulat ito ay natunghayan ko ang
isang kwentong nakapagpatayo ng aking balahibo at nakapagpaiyak rin sa akin.
Nang maganap ang 9/11 na atake ng mga terorista sa New York, 52 eroplanong
galing Europa ang pinababa muna sa Newfoundland, Canada. Mahigit na sampung
libong tao ang bumaba at tinanggap bilang bisita ng Lewisporte, na ang
populasyon ay hindi kasing dami ng mga bisitang dumating. Hindi pa nila alam
noon kung ano ang nangyari sa Twin Towers sa New York.
Nang nalaman na nila at nang sila ay pabalik na sa America,
isang tao ang nagbalak magpakita ng pasasalamat sa mga taga Lewisporte.
Nagkolekta siya ng pondo para sa mga scholarship ng mga taga Lewisporte na mga
bata. Sa araw na yaon, ay nakakolekta agad siya ng 14,000 na dolyar. At sa araw
ng pagsulat ng kwentong ito ay mahigit na sa isa at kalahating milyong dolyar
na ang pondo!
Ito ay isang kabutihang parang nagmula sa isang kasamaan …
isang kwento ng biyaya na tila naging bunga ng kabaligtaran … isang luwalhati
na tila nagmula sa isang pighati.
Ito ay naging posible sapagka’t may naniwala, may taong may
taglay na pananampalataya.
Ang bagay na ito ay hindi kayang gawin ng taong walang
pinanghahawakang pananampalataya … Ito
ay isang himalang magaganap lamang kung may handang mag-alay hindi
lamang ng pinakamamahal, kundi ng buong pagkataong nagbibigay tiwala sa
kakayahan ng Diyos na gumawa ng mabuti kahit mula sa masama.
Maraming masasama ang bumabalot sa mundo kahit saan. Dalawa
lamang ang landas na puede nating tahakin: ang landas ng kawalang pag-asa, o
landas ng pananampalataya. Piliin sana natin ang pangalawa. Piliin natin ang
Diyos at ang pagtitiwala sa kanyang kapangyarihan: “Sa piling ng Poong Mahal,
ako’y laging mamumuhay!” “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa
atin?”
Tumingala tayo ay tumingin sa Panginoon!
“Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!”
Sino ba tinitingala at pinakikinggan natin?
No comments:
Post a Comment