Friday, March 27, 2015

MAHAL LAMANG BA O BANAL?


Linggo ng Palaspas Taon B

Marso 29, 2015



MAHAL LAMANG BA O BANAL?



Bukang bibig ng marami ang eroplanong pinabagsak ng piloto sa Francia. Isinuong niya ang buhay ng 150 katao, kasama ang kanyang buhay sa tiyak na kamatayan. Hindi na para sa akin o sa ating lahat ang magbigay ng anumang hula o haka-haka sa kung anong dahilan at nagawa niya ito.



Sapat nang sabihing isinuong niya ang sarili sa panganib at tiyak na kamatayan. Kung ano ang dahilan ay hindi na para sa akin upang hulaan.



Pero dahil sa Linggo ng Palaspas ngayon, dapat siguro nating liwanagin na ang Panginoong Jesus ay dumiretso at tumuloy pa sa Jerusalem bagama’t batid niyang parang isinusuong rin niya ang buhay sa panganib. Ayon sa kasulatan, alam niya ang kahihinatnan. Batid niya na siya ay dadakipin, pahihirapan, at ipapasailalim sa batas ng mga Judio. Malinaw sa Banal na Kasulatan na alam niya ang kanyang sasapitin.



Pero ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang dahilan, liban sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi niya ibinuwis ang buhay sa ganang kanyang sariling desisyon, kundi bagkus, ito ang kalooban ng kanyang Ama.



Hindi ito isang tadhanang hinarap nang walang malayang desisyon sa parte ng Panginoon. Ito ay isang daang kanyang tinahak bilang pagtupad at pakikibahagi sa balak ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.



Marami ngayon ang magsisikap upang gawing banal ang mahal na araw. Para sa karamihan, ang paggawang banal dito ay walang iba kundi ang pagtatakbuhan at pag-uunahan sa mga tabing-dagat, sa Baguio, o kung saan medyo malamig. Para sa iba, ang paggawang banal ay pag-iwas sa karne, pero paghahanap ng mamahaling mga isda at “seafood” na mas magastos pa sa iniwanang kainin. Para sa iba, ito ay ang pagpunta sa simbahan, pero pakikipag-away sa ibang driver sapagkat naunahan o nagitgit sa parking o sa daanan.



Nguni’t bakit ba “mahal na araw” ang tawag dito? Bakit ba banal na linggo ang taguri dito? Hindi ito banal o mahal dahil lamang tayo ay nagtakbuhan sa dalampasigan. Hindi ito banal dahil lamang pinalitan natin ang Jollibee o McDonald’s ng bacalao o sopa de mariscos. Hindi ito banal dahil nagpawisik tayo ng palaspas na bili naman sa tabing kalye at pagkatapos ay magagalit tayo kasi napakahaba ng mga pagbasa, at mas mahaba pa ang sermon ng pari.



Tingnan sana natin ang diwa ng mga pagbasa ngayon. Isinuong ng Panginoon ang sarili kahit alam niyang siya ay dadakipin. Ginawa niya ang kalooban ng Diyos, at ang paggawa ng Kanyang kalooban ay may halong hirap, hindi ginhawa; pagpapahindi sa sarili, hindi pagpapasasa sa sarili.



Mahal bang tunay ang iyong mahal na araw? O mas mahal lamang ang iyong gagastusin para ito ay maging banal?



Ang nais ng Diyos ay pag-ibig, hindi lamang sakripisyo, at kung tunay na gagawin natin ito, may kalakip na hirap ito, tulad ng sinapit ni Kristong ating Panginoon.



Ang mga araw na ito ay hindi lamang mahal, kundi banal!

No comments:

Post a Comment