Friday, February 6, 2015

SAGAD NA, O SAGANA?


Ika-5 Linggo Taon B
Pebrero 8, 2015

SAGAD NA O SAGANA?

Alam nating hindi madaling pabulaanan si Job. Panay ang kanyang reklamo at hinaing: “Ang buhay ng tao ay sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas,” aniya. Sino sa atin ang makatatanggi rito? Sa bawa’t tingin natin sa balita ay panay kaguluhan, puro patayan, at pawang kasinungalingan at katiwalian ang ating nakikita!

Nguni’t ito ang katotohanan ng buhay ng tao, at katotohanang hinaharap ng mga may paniniwala sa Diyos – isang katotohanang nababalot ng magkasalungat na puwersa ng masama at mabuti.

Ito ang hiwaga ng buhay, ang hiwaga ng paghihirap, ang katanungang binigyang-diin ng batang si Glydel nang bumisita si Papa Francisco sa Pilipinas kamakailan. Isa itong katanungang walang madaling katugunan. Sa katunayan, walang kasagutang madaling hugutin sa aklat, kahit sa Wikipedia, kapag ang paghihirap ng tao ang pinag-uusapan.

Subali’t ito ay hindi isang tanong na pang-agham. Hindi ito isang katanungang makukuha sa malinaw na pormula sa matematika. Walang tahasang sagot. Walang tuwirang paliwanag, liban sa pag-aalay ng isang modelo, ng isang tularan at huwaran na si Jesus … Naghirap, nagpakasakit, pinahirapan, pinatay at muling nabuhay!

Walang anumang dahilan kung bakit dapat siya maghirap, subali’t ito mismo ang tangi nating pinanghahawakang tugon.

Sa mata ng pananampalataya, ito ang tugon ng mga pagbasa ngayon: “Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling!”

Tingnan natin ang kinapapalooban ng ebanghelyo. Galing si Kristo noon sa lugar ng mga pagano.  Doon, siya ay tinanggihan at hindi tinanggap ng mga tao, kung kaya’t hindi siya nakagawa ng maraming himala doon. Subali’t hindi ito naging dahilan upang hindi siya gumanap sa kanyang misyon ng pagpapagaling, pagpapalaya, at pagkakaloob ng kagalingan sa mga nangangailangan.

Lumipat ngayon si Jesus sa Capernaum, kung saan gumawa siya upang tugunan ang hiwaga at problema ng paghihirap. Pinagaling niya ang manugang ni Pedro. Bagama’t galing siya sa lugar ng pagtanggi, gumanap pa rin siya nang nararapat.

May isang larawang hindi natin dapat masa isang tabi sa ebanghelyo. Nagtungo raw si Jesus sa ilang, sa disyerto, kung saan siya nagdasal.

May kinalaman kaya ito sa unti-unti nating pagkaunawa at pagtanggap ng misteryo ng paghihirap? Ang pagsuong sa ilang, sa disyerto, sa oras na nakararanas tayo ng tagtuyot at kawalang kahulugan sa ating buhay?

Paglabas natin sa Misa, pareho pa rin ang buhay natin … ma trapik pa rin … mahal pa rin ang mga bilihin, at ang mahirap at lalo pang maghihirap. Masalimuot pa rin ang usaping pangkapayapaan … magulo pa rin ang ating buhay political, at madaya pa rin at masiba ang mga politico.

Tila walang sagot sa ating mga tanong … Pero ngayon, ayon sa pagbasa, mayroon tayong katugunan na makikita lamang sa mata ng pananampalataya. Wag natin sanang isipin na tayo ay sagad na sa paghihirap … Maniwala tayo … tayo ay sagana sa pag-ibig ng Diyos at sa kanyang pangako ng kaligtasan … kung di man ngayon, ay balang araw … Darating … Ipagkakaloob sa atin. Sapagka’t “inako ni Jesucristo ang sakit ng mga tao upang matubos niya tayo!”

1 comment:

  1. Salamat po Padre. Malaking tulong po ito sa misa ko bukas sa pamayanan bilang isang laiko. Pagpalain po kayo ng Maykapal.

    ReplyDelete