Wednesday, February 11, 2015

KUBLIHAN AT TANGGULAN NG TANAN

Ika-6 na Linggo Taon B
Pebrero 15, 2015

KUBLIHAN AT TANGGULAN NG TANAN

Lahat tayo marahil ay nakaranas nang maitangi ng kapwa … ang masaisantabi … ang matanggihan, ang hindi matanggap ng iba, at ang ituring na hindi dapat kasama sa isang tipunan … sa maraming dahilan, at iba-bang kaparaanan. Maging noong panahon ni Jesus, at sa lumang tipan, mayroong taong hindi dapat makasalamuha ng karamihan, at ang lahat ng may ketong ay una sa listahan ng mga dapat hindi sumama sa karamihan.

Masasabi nating kapag may ketong ang isang tao, wala na siyang kublihan … wala na siyang tanggulan … at lalong wala siyang patutunguhan. Kahit saan magpunta ay dapat may dalang maliit na batingaw at tanda na nagsasabing “ketongin ako … lumayo kayo sa akin.”

Hindi lamang malungkot ito … mapait ring karanasan, na tila wala nang kasagutan o katapusan, liban kung gumaling ang isang tao sa kanyang kapansanan.

Ito ay isang uri ng kamatayan para sa isang humihinga pa at nakakaramdam pa ng sakit o pighati. Buhay pa ay halos ituring nang basura o busabos, na walang karapatang anuman na taglay ng lahat ng malulusog na tao.

Larawan ito ng pinakamasahol na uri ng kamatayang espiritwal – ang kasalanan. Ito ay nagpapahiwatig ng kung ano ang tunay na katatayuan ng isang malayo sa Diyos – ang mabuhay na tila baga patay, ang hindi maituring na may karapatang maki halubilo sa karamihan.

Nguni’t isang magandang balita ang taglay ng ebanghelyo natin at mga pagbasa ngayon. Sa madaling salita, walang itinatangi at itinatakwil ang Diyos na mapagligtas. Walang sinisiphayo ang Panginoon sa kanyang paggawa at pagtupad ng misyon mula sa Ama. Siya ay tagapagligtas. Siya ay tagapagpagaling. Siya ay kublihan, takbuhan at tanggulan ng mga walang kaya, ng mga api, at ng mga tinanggihan ng lipunan.

Ang mga naganap kamakailan sa ating bayan ay isang paghamon at isang palaisipan sa lahat … ang pagkamatay at mabangis na pagpaslang sa 44 na pulis na ipinadala sa Maguindanao kamakailan ay isang matinding dagok sa ating pananampalatayang ang Diyos ay walang itinatangi, walang sinisiphayo at tinatanggihan.

Subali’t ito rin ay isang pagpapaalala sa ating lahat na may pananampalatayang Kristiano na ang katarungan ay hindi laging nakakamit sa mundong ito … na ang kabayaran sa lahat ng katiwalian ay posibleng hindi natin makita sa lupang ibabaw, at ang katarungan ng Diyos ay walang pinipiling panahon, lugar, o kaparaanan. Darating at darating ang kabayaran subali’t batid nating posibleng hindi natin makita ang lahat ng ito ngayon at dito kung saan tayo naroon.

Pero bilang tagasunod ni Kristo, na nagpakita ng pagmamalasakit sa mga maysakit, sa mga ulila, sa mga api, at walang kaya, tungkulin natin bilang Kristiano ay kumilos upang maghari ang kanyang katarungan.

Hindi ko alam kung hanggang saan makararating ang ating pagpupunyagi, at pakikibaka, at pakikipaglabang matiwasay para makamit ng mga inapi ang katarungan. Hindi ko alam kung magigising pa ang isang lipunan at gobyerno na nahirati na sa kasinungalingan at mapanlinlang na pamamalakad.

Pero meron akong katiyakan na hindi kailanmang mapabubulaanan ninuman. Ang Diyos ay mapagligtas. Ang Diyos ay mapagpagaling. Ang Diyos ay mapagpalaya … kahit na ang lahat ng nakikita natin ay ang tila kawalang kaya ng Diyos sa harap ng katiwalian, pagkamakasarili, at katakawan ng mga naghahari sa atin.

Meron pa akong isang katiyakan … Bagama’t tila walang solusyon ang ating mga hinaing, at tila walang nakikinig sa ating mga pagsamo, buhay pa rin ang Diyos. At buhay pa rin ang pinakamahalaga niyang mensahe para sa atin… na ang pinakamasahol na sakit ng tao ay ang kasalanan, liban sa pangkatawang kapansanan. Ang ketong ng kaluluwa ay siyang higit na masahol sa ketong ng balat. At ang pangmatagalang solusyon sa ating mga suliranin bilang tao at bilang bayan ng Diyos ay ang pagpapagaling sa pinakamasahol na ugat ng lahat ng suliranin – ang kasalanan.

Nais kong isipin na kahit na tila walang hustisyang mararating ang 44 na bayani ng bayan, ay magwawagi pa rin sa huli’t huli ang katarungan ng Diyos, at ang kanyang katangiang ipinagmamakaingay ngayon  ng mga pagbasa … Walang itinatakwil ang Diyos … Wala siyang itinatangi … at lalong wala siyang sinumang tinatanggihan at sinisiphayo. “Diyos ko, ikaw ang kublihan, tagapagtanggol kong tunay!” Kublihan, kasalag … tanggulan ng bayang naaapi at naiiwanan.



No comments:

Post a Comment