Friday, February 20, 2015

TAPATAN AT TIPANAN

UNANG LINGGO NG KWARESMA – B
Febrero 22, 2015

TAPATAN AT TIPANAN

May tawag tayo sa isang nakikipagtipan pero walang katapatan – traydor! May salita rin tayo para sa mga taong hindi makipagpasya kung makikipag kasunduan ba o hindi – salawahan! May tawag rin tayo sa taong pabalik-balik at papapalit-palit ng isip matapos makipag tipan – urong-sulong, hilong talilong!

Di biro ang pakikipagtipan ng Diyos sa kanyang bayan … puno ng pangako, lipos ng pag-asa, puspos ng pagbabago at pagmamalasakit.

Medyo mahirap maunawaan ito, lalu na’t napapalibutan tayo ng mga salawahan, mga traydor, at mga urong sulong na hilo na, ay hibang pa. Maraming ganyan sa ating lipunan, lalu na sa mundo ng politica. Kapag halalan, parang maamong kuting na papungas-pungas, pangiti-ngiti. Kapag nahalal na, ay patay tayong taong-bayan, sapagkat ang kapit nila sa posisyon ay hanggang apo sa tuhod, sa asawa, sa kapatid, sa pamangkin, at mga inangkin.

Hindi na tayo dapat maghanap pa sa malayo para makakita ng iba pang halimbawa.

Sa araw na ito, iisang lumulutang na katotohanan ang tumatawag sa ating pansin – ang dakilang katapatan ng Diyos sa tipanan, sa usapan, at sa kasunduan.

May tanda ang lahat ng ito … Sa lumang tipan, ang naging tanda ay ang bahaghari. Sa Bagong Tipan, ang naging dakilang tanda ay walang iba kundi si Jesus, “namatay para sa [atin], dahil sa kasalanan ng lahat.” (ikalawang pagbasa). Ang orihinal na tandang ito ay ang siya ring nasa likod ng mga tanda na nagpapatuloy ng hiwaga ng kaligtasan – ang pitong sakramento, tulad ng binyag, atbp.

Pero ano ba ang puno at dulo ng gawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo? Ano ang dahilan at siya ay ipinagkaloob bilang dakilang tanda? Bakit siya namatay para sa lahat?

Iisa lamang ang sagot dito. Tayong lahat ay salawahan, traydor, urong sulong, at walang isang salita. Tayong lahat ay makasalanan, at nararapat magbalik-loob sa Diyos. Tayong lahat ay nangangailangan ng kaligtasan.

Ito ngayon ang magandang balitang ating dapat pagyamanin. Tayo ay iniligtas. Tayo ay minahal. Tayo ay pinagmalasakitan, at pinagkalooban ng isang pangako – isang pangakong ginawa niyang kasunduan, tipanan, at batayan ng lahat.

Ang lahat ng ito ay dahil lamang sa iisang katangian ng Diyos. Gusto Niya tayong maligtas, sapagkat ganoon na lamang ang pag-ibig niya sa atin.

Lumang tugtugin na ang katotohanang pinamumugaran ang mundo ng kasamaan, at mga masasama at masisibang tao … napalilibutan tayo ng mapagsamantalang mga tao, sa loob at labas ng gobyerno.

Pero dahil dito, tayo ay nararapat lamang makinig at magpasya – tayo ba ay panig sa kanya, o laban sa kanya?

Marami nang tanda ang nakita natin … bukod sa bahaghari, nakita natin ang kanyang buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Nakita natin ang paulit-ulit na pagunita sa mga naganap sa kasaysayan. Nakita natin ang mga paala-ala ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga pangyayaring dapat sana ay nagpagising na sa atin.

Huwag sana natin bale walain ang muling paalaala niya ngayon: “Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa mabuting balitang ito.”

Undanao, Samal Island, Davao

Febrero 21, 2015

No comments:

Post a Comment