Thursday, March 27, 2014

AMPAW NA, BULAG PA!


Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 30, 2014

AMPAW NA, BULAG PA!



Ewan ko ba kung bakit biglang naging uso uli ang ampaw. Pagkain namin yan noong araw, kasama ng choc-nut (na malaki pa at nakabubusog!) at balicucha (o tira-tira) na wala na ngayong pumapansin. Iba na ang gusto ng mga bata ngayon … kundi burger (burjer!) ay Mang Inasal o Starbucks!



Hindi na rin uso ang taguan kapag madilim na gabi, o tumbang preso kung maliwanag ang buwan. Wala na rin ngayong naglalaro sa labas ng bahay, at lalu na sa gabi kasi … bakit ka nga naman magtatakbo at magpapalaban ng gagamba kung puede namang mag Dota, o mag- candy crush, o mag-Flappy Bird!



Maraming ilaw sa ating panahon. Pero maraming bulag. Maraming pailaw ngayon kahit saan, lalu na yung galing sa mga posteng may letra pa ng mga pangalan ng ewan, na napapalitan naman tuwing 6 o 9 na taon! Pero marami ang bulag sa katotohanang wala na ni isang matinong bangketa sa buong Pilipinas. Nabarahan na ng mga pailaw ni Mayor o ni Congressman.



Marami ring pailaw ang COA. Marami raw silang nadidiskubreng anomalya. Pero tila bulag pa rin ang kinauukulan. Tatlo lamang ang kanilang idinidiin. At lalong bulag ang mga botante. Patuloy silang bumoboto sa mga tiwali, basta ba’t namimigay kapag piyesta, at nagpapasaya tuwing Pasko!



Kay daming liwanag sa ating panahon, subali’t kay rami ring kadiliman. Kay raming puedeng pagkunan ng sagot sa mga katanungan, subali’t kapag ang sagot ay hindi sang-ayon sa aking inaasahan, ay hindi ko tinatanggap. Kay raming kaalaman, subali’t kay rami ring kamangmangan. Kay raming karangyaan, pero kay rami rin kadayaan at kasakiman.



Hindi … hindi ko tinutukoy lamang ang mga nasa posisyon. Ang unang-unang tinatamaan sa aking sinasabi ay ako … ikaw … sila … tayong lahat.



Bulag rin ang mga taon noon sa lumang tipan. Hindi nila akalaing ang pinili ng Diyos ay ang hindi pinapansing pastol na si David. Ang liwanag ng kalooban ng Diyos ay nakatuon kung saan puro kadiliman ang nakita ng tao. Sabi rin ni Pablo na “dati ay nasa kadiliman tayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag.”



Bulag rin ang mga Pariseo. Pinagaling na’t lahat ang lalaking isinilang na bulag ay panay pa rin ang tanong sa kanya nang paulit-ulit at mga tanong na ayaw naman nila makita ang sagot. Bulag ang mga taong walang pakundangan sa liwanag. Mas bulag ang taong nagbubulag-bulagan, at higit na mahirap gamutin ang taong nagsasakit-sakitan.



Pero lumalabas na ang isinilang na bulag ay may nakikitang liwanag na nalingid sa mga ayaw maniwala. Siya lamang ang nagsabi ng malinaw niyang nakita: “Isa siyang Propeta.”



Mahirap ang bobo na nagdudunung-dunungan. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulugan. Mahirap ang taong mas gusto pang manatili sa dilim, kaysa sa liwanag.



Para silang ampaw. Puro porma, wala namang laman. Puro hechura, wala namang hiratsa! Parang mga Pariseong wagas na ampaw na panay ang imbestigasyon sa pobreng bulag, pero ayaw naman nila makita ang totoong nagsusumigaw sa kanilang harapan. Ampaw na, bulag pa!



Bilib at saludo ako sa bulag. Marami siyang alam at lalung maraming nakita sapagkat hindi matang pisikal ang kanyang gamit, kundi ang mata ng pananampalataya, mata ng puso, matang mapagmatyag, at mapag-kilatis, at alam tukuyin kung ang kausap niya ay isa lamang ampaw, o isang propetang nagsabi sa kanya: “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo.” Siya ay hindi ampaw, kundi kaligtasan ng sanlibutan!



O ano? Mamili ka … kwarta o kahon? Hindi! Ampaw o ilaw? ILAW!

No comments:

Post a Comment