Ikatlong Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 23, 2014
DARATING. DUMATING. NGAYON NA!
Ni hindi pinangalanan ang babaeng Samaritana. Sino nga ba
ang kailangan ng pangalan kung ang masama mong reputasyon ay nauna na sa iyo?
Di ba ganyan ang buhay? Kapag napag piyestahan ka na sa tsismis, hindi na
kelangang pangalanan pa. Sapat na na ikaw ay tawaging “ basagulero,”
“kriminal,” “mandurukot” atbp.
Napagod si Jesus at nauhaw. Umupo sa tabi ng balon, At sa
darating naman ang babae. Kinausap ni Jesus. Kapag may awa at habag, hindi na
kailangan tanungin kung sino. Kapag gusto mo tulungan ang nangangailangan,
hindi na kailangan ng birth certificate. Kapag may naghihintay ng tulong, awa,
at kalinga, hindi na titingnan ang ID.
Ganito ang habag ng Panginoon. Alam niya na kailangan ng
tulong ng babae. Hindi na mahalagan kung meron siyang voter’s ID. Ganito
magmahal ang Diyos. Ganito siya maghatid ng patawad. Hindi namimili. Hindi
humihingi ng patunay na ikaw nga ay taga siyudad ng Samaria.
Pero alam niya. Alam rin niya ang ating style. Mahilig
magpalusot. Mahilig maghanap ng butas para tumakas. Nagdulot si Jesus ng tubig
na buhay, nanatili ang babae sa tubig ng balon. Mababaw. Nagwika si Jesus
tungkol sa mga bagay na espiritwal, patuloy na nanatili ang babae sa bagay na
makamundo.
Para tayong lahat mga Samaritana. Kapag medyo nasusukol,
nagtatanong tayo ng mga tanong na walang kinalaman sa usapan. Napuntirya niya
ang tunay at wastong pagsamba. Pero iniwasan niya ang usapin tungkol sa kanyang
limang asawa. Nagwika si Jesus sa tubig
na walang hanggan. Nanatili siya sa usapan ng paraan para makapagkabit ng hose
para hindi na siya sumalok sa balon.
Mababaw. Mapaglihis. Mapaglinlang … tulad ng mga senador na
buking na, pero maraming dahilan, maraming rason, at lalung maraming
pinagtututuro, tulad ni Adan at Eba, na walang ginawa kundi magturo at
magbintang at ang ahas ang pinagdiskitahan at pinagbuntunan!
Di ba tulad rin tayo ni Moises? Nang nakatikim na ng hirap,
uhaw, pagod at gutom sa ilang ay nagtanong nang walang pakundangan sa Diyos:
Bakit mo kami dinala rito sa ilang? Ito ba ay para ako at ang lahat ng kasama
ko ay mamatay sa uhaw at gutom?
Ito siguro ang dahilan kung bakit nakuha rin ng Diyos na
umangal: Kung ngayon kayo ay makikinig sa tinig ko, huwag patigasin ang inyong
mga puso!
Pero hindi lahat ay tulad ng mga nagtaingang kawali. Sa
Pablo na dati ay Saulo na mabangis na taga-usig ay nakinig sa pamamagitan ng
puso at hindi lamang ng kaisipan. Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng
pananampalataya, tayo ay itinuring na makatarungan at nasa kapayapaan ng
Diyos.” Hindi siya nagmatigas. Hindi siya nanatiling sa gawang masama.
Nagbalik-loob siya.
Ito ang turo sa atin ngayon. Kahit ang taong walang dangal
sa harap ng iba, kahit ang babaeng hindi man lamang pinangalanan ay may dangal
sa harapan ng Diyos. Ito ang ipinunta ni Kristo sa lupa. Ito ang kanyang kaloob
– kaligtasan.
Kahit na tayo ay mapaglihis, mapanlinlang at matigas ang
ulo, mahal pa rin tayo ng Diyos, tulad nang minahal niya ang Samaritana.
At ito ang mahalagang turo niya: Darating ang araw. Dumating
Na. Ngayon na.
Huwag na sanang magpatumpik-tumpik pa. Hala … Tayo na’t
makinig gamit ang puso, hindi ang isip. Darating ang araw ng kaligtasan.
Dumating Na. Huwag magmatigas ng puso at damdamin. Tanggapin ang awa at habag
ng Diyos. Ngayon na. Sapagkat ngayon ang tamang oras ng kaligtasan.
No comments:
Post a Comment