Thursday, April 3, 2014

CHILLAX DIN, PAGKA’T SA LANGIT LAGING MAY TIME!


Ikalimang Linggo Kwaresma (A)
Abril 6, 2014

CHILLAX DIN, PAGKA’T SA LANGIT LAGING MAY TIME!

Gusto ko ang kwento tungkol kay Jesus, kay Marta, Maria, at Lazaro. Lumalabas na hindi naman puro trabaho ang Panginoon. May oras din mag chillax. May panahon din para magpahinga, at may oras din na nakalaan para sa mga kaibigan.

Pero ito ang isang bisita niya sa Betania, (katumbas ng Baguio para sa atin) na hindi dahil sa masayang okasyon. Namatay si Lazaro, at naiwang tumatangis ang magkapatid na si Marta at Maria.

Ilagay natin ang sarili natin sa kinatatayuan ni Jesus … Ano kaya ang sasabihin natin? Kalimitan, sa kagustuhang makatulong, kung ano-anong kapalpakan ang sinasabi natin sa namatayan: kesyo kalooban ng Diyos na dapat tanggapin, o na ang yumao ay nasa mas maganda nang katatayuan, o kaya “alam ko at nauunawaan kong lubos kung ano ang nararamdaman mo, “ at iba pang kapalpakan.

Sa totoo lang, walang lubos na nakakaunawa sa dinarama ng isang tumatangis at nagluluksa. Hindi natin puedeng pangunahan ang naiwan at turuan kung paano dapat pasanin ang nagdurugong puso at kalooban.

Ang ipinakita ng Panginoon ay isang napaka-makahulugang kilos. Hindi niya binale-wala ang damdamin ng magkapatid. Hindi niya pinagtakpan ang katotohanang pumanaw na ang kanilang kapatid. Hindi niya pinangaralan ang magkapatid na dapat nilang tanggapin ang kamatayan ni Lazaro.

Ano kung gayon ang kanyang ginawa? Hindi siya nagwika tungkol sa kamatayan, bagkus ang kanyang naging pokus ay buhay – buhay na walang hanggan. Buhay ang pokus ng mga pagbasa. Ito ang pangitaing ipinamalas ni Ezekiel: “Bayan ko, ibubukas ko ang inyong mga libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan.”

Buhay rin na walang hanggan ang sambit ni Pablo sa mga Romano: “Hindi kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa espiritu.”

At ito ang pinakamatindi. Sa ibang pagkakataon, naparoon si Jesus sa Betania, sa bahay ng magkakapatid upang magbakasyon, upang magpahinga, upang mag chillax, ika nga. Sa pagkakataong ito, siya ay tumangis, hindi nangaral. Siya ay umiyak, nagluksa, at hindi lamang nagwika ng magagandang salita. Nakiramay siya nang lubos. Nakiisa siyang tunay at wagas sa dalawang naiwan ni Lazaro.

At ang kanyang pagtangis ay nagbunga sa paggawa. Pinabangon niya ang kanyang kaibigan at ipinakita niya kung ano rin ang ipinakita sa Lumang Tipan, at sa Bagong Tipan – na ang Diyos ay Diyos ng buhay … na ang Diyos ay nagkakaloob ng tunay na buhay, ang buhay na walang hanggan: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay, ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, ay hindi mamamatay kailanman.”

Medyo napaaga ang turo tungkol sa tadhanang nakalaan para sa atin, bilang kaloob ng Diyos. Hindi pa man pumapasok ang Mahal na Araw, ay muling pagkabuhay na ang ating pinapaksa.

Simple at iisa ang dahilan nito. Lahat ng ginagawa natin sa taon ng simbahan ay nakatuon sa iisang tadhana at panawagan – sa buhay na walang hanggan. Ang Diyos ay Diyos, hindi ng kamatayan, kundi Diyos ng buhay.

Tara na! Sama tayo sa Betania … matuton rin mag-chillax, sapagka’t sa langit laging may time. Walang patid, walang katapusan, walang hangganan ang nakalaan para sa ating lahat – buhay na walang hanggan.


No comments:

Post a Comment