Thursday, March 13, 2014

SULYAP AT PAHIMAKAS NG DARATING NA BUKAS


Ikalawang Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 16, 2014

SULYAP AT PAHIMAKAS NG DARATING NA BUKAS

Masarap ang mapunta sa itaas ng bundok. Parang mga busilak na bulak ang mga alapaap na nakalatag sa kawalan. Tila isa kang agila na nagmamasid sa kagandahan ng kapatagang pinalilibutan ng nagniningning na araw, o sumisilip na ginintuang silahis sa madaling araw o sa takipsilim.

Masarap ang manatili sa tuktok, at managana sa kagandahan ng kaparangan sa ibaba. Pero kahit sinong bata ay magsasabi sa iyong hindi madali ang umakyat; hindi biro ang magsumikap umakyat patungo sa rurok ng bundok.

Sabi nila, ang buhay ay isang paglalakbay. Tumpak at tunay. Sabi nga ng iba pa rin, kung walang tiyaga, walang nilaga. Kung walang pagsisikhay ay walang tagumpay. Kung walang isinusuksok at wala ring madudukot. Kung walang itinanim ay walang aanihin. Walang sinumang nakarating sa gustong madatnan ang hindi pumulas at nagbanat ng buto.

Sa unang pagbasa natin ngayon, pangako ni Yahweh ang binitawan kay Abram: “Gagawin kitang isang dakilang bayan … Gagawin kong dakila ang iyong ngalan.” Isang sulyap sa darating na biyaya para kay Abram …

Sa ikalawang pagbasa naman, ay isa ring sulyap sa nakaraan ang ipinahihiwatig: “Iniligtas niya tayo ay tinawag sa isang banal na pamumuhay.” Isa naman itong pahimakas sa biyayang ipinagkaloob na … isang pagbabalik tanaw sa pangakong naganap na.

Pero sa ebanghelyo, muli tayong bumabalik sa dapat gawin, samantalang isa pang pahimakas sa darating na bukas ang hatid sa atin. Isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok. Pero walang libreng tanghalian, ika nga. Walang pases na hindi binabayaran. Kailangan nilang umakyat sa bundok. At nang makaakyat ay doon nila natunghayan ang dakilang pahimakas ng darating na luwalhati at bukas na inilaan niya para sa ating lahat.

Nagbagong-anyo ang Panginoon! Naging busilak pa sa bulak. Naging larawan ng kung ano ang kaloob na naghihintay para sa atin, ayon sa balak ng Diyos.

Kagagaling ko lamang sa Tacloban, apat na buwan ang nakalilipas matapos ang trahedyang dulot ni Yolanda. Wala pa ring pagbabago. Wala pa ring malinaw na larawan ng kung paano dapat magbangon ang bayang sinalanta. At kung meron man ay hatid ito ng mga pribadong NGO at mga grupong nakabase sa pananampalataya.

Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa. May pahimakas na darating na bukas, pero may tungkuling sa ating balikat ay naka-atas. Diyos ang tumawag sa atin, nguni’t ang pagtugon ay tungkulin natin.

Huwag sanang maging isa lamang kwentong salaysay ang pagbabagong anyo ni Kristong Panginoon, bagkus maging simulain ng isang bagong pananaw, isang panibagong pagsisikhay, at pagsisikap upang ang sulyap na ito sa bukas ay maging isang pahimakas ng isang panibagong bukas.

No comments:

Post a Comment