Unang Linggo ng Kwaresma Taon A
Marso 9, 2015
MAGSURI AT MAGPASYA
Tuso ang ahas, ayon sa Kasulatan. Magaling mambola, magaling
mang-akit, mahusay maghilot ng totoo at, sa pamamagitan ng konting hilatsa, ay
nagiging isang kaakit-akit na kasinungalingan. Tukso ang hatid ng tusong
ulupong. Tulad ng tatlong tuksong lumapit kay Jesus, matapos mag-ayuno sa ilang
ng 40 araw at gabi.
Sino kaya sa atin ang hindi makakatanggi sa libreng Champ, o
sa biglang libreng Mang Inasal, lalu na’t ganoon ka katagal hindi tumikim man
lamang ng katiting na pagkain? Sino ang hindi madadala sa alok na itapon ang
sarili kung ito naman ay mangangahulugang magpapalipad ng mga eroplano ang
iyong boss sa itaas upang ikaw ay saluhin? Sino sa atin ang hindi madadarang sa
apoy ng pang-aakit sa kapangyarihan na makapagdudulot ng iba pang mabubuting
bagay?
Hmmm … di ba ito ang dahilan kung bakit kapag nakatikim ng
posisyon ay ayaw nang bitawan, kung kaya’t lahat na: asawa, kabit, kapatid,
pamangkin at inangkin, at buong angkan ay nagkukumahug maglingkod?
Matindi ang ulupong sa pang-aakit … mahusay magbilog ng
kwento …
Bilog mundo at bilog rin ang ulo ng taong makamundo …
nahihilo sa kaunting pabuya, nawawala ang kalayaan, hindi lamang upang mamili
kundi magpasya.
Ang mundo natin ngayon ay mali ang pakahulugan sa kalayaan.
Ang sabi ng mundo ay ganito … kung malaya ka, may kakayahan at karapatan kang
mamili ng gusto mong gawin. Ang kalayaan ay walang ibang ibig sabihin kundi ang
kakayahang mamili. Pero hindi lahat ay kaya nating piliin nang ganoon na lamang
at sukat. Kailangan natin magsuri. Kailangan nating gumawa ng pagkilatis.
Kailangan nating gumawa ng masugid na pagsisiyasat kung ang ating pinipili ay
tunay na mabuti, tunay na maganda, at magdudulot ng wagas at tunay na
kagalingang pangkabuuan sa buo nating pagkatao.
Masarap ang matatamis. Masarap uminom ng Coke habang
kumakain ng may alat at tabang ulam. Masarap ang matatabang pagkain, lalu na
ang litson at adobong lumulutang sa taba. Pero hindi lahat ng mabuti sa
panglasa ay nagdudulot ng kabutihang ganap. Kailangan nating magsuri, at
kailangan lalung mag-ingat.
Nabulagan nang panandalian si Eva. Iyon, at nang matapos ang
kagaguhan ay siniyasat ng Diyos. Pero mahusay ang tao maghanap ng lusot sa
anumang gusot. Kung kaya’t nang tinanong si Adan, ang kagya’t niyang sagot ay
siyang sagot ng maraming senador at kongresman, na huli na sa akto, ay wala raw
silang ginawang masama, at malinis ang kanilang konsiyensiya. Nagturo ng babae,
tulad ngayon, dalawang babae ang nasa gitna ng matinding usaping tila walang
kahihinatnan. Sabi ni Adan: “Hindi ako, iyong babae.” Sabi ni babae: “Hindi
ako, iyong ahas.!”
Tuso ang ulupong, pero tuso rin ang taong handang maging
ulupong rin sa kapwa tao.
Ito ang kasalanan. Ito ang naghatid ng kamatayan.
Pero ito ang kaligtasan. Kung paanong isang lalaki ang
naghatid ng kamatayan, ay isa rin naman ang naghatid ng kaligtasan.
Pero paano niya ginawa ito? Tingnan muli ang ebanghelyo.
Tinukso siya tulad nating lahat … tulad ni Eva at Adan. Pero nagsuri. Nagkilatis.
At saka siya nagpasya. Ginamit ang kalayaan. At ang kalayaan ay hindi lamang
kakayahang mamili at magpasya. Ang kalayaan ay hindi mini mini mayni mo … hindi
ito kara y krus … at lalong hindi ito larong daga sa perya sa pistahan sa
nayon.
Ang kalayaan ay ang kakayahang magpasya tungo sa kabutihang
ganap, hindi sa kabutihan ko lamang ngayon at dito. Ang kalayaan ay ang
kakayahang magsuri, magkilatis, at saka lamang magpasya.
Ito ang pasya ng Panginoon: Una, “hindi lamang sa tinapay
nabubuhay ang tao.” Ikalawa, “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.”
Ikatlo, Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo: siya lamang ang iyong
paglilingkuran.”
Magsuri muna, saka na magpasya!
No comments:
Post a Comment