Saturday, January 4, 2014

WASTONG PAGKILALA; TAMANG PAGPAPASYA


Linggo ng Epipaniya (A)
Enero 5, 2014

WASTONG PAGKILALA; TAMANG PAGPAPASYA

Wagas kung magwika ang mga paham. Madulas ang dila ng mga maaalam. Nguni’t tunay na matinik ang gawa ng matatalas at matatalino. Pero gaya nga ng kasabihan, matalino man ang matsing, ay napaglalalangan din!

Maalam si Isaias. Nakita niya ang darating na kahiwagaan: “Nililiwanagan ka ng kaningningan ng Panginoon!” Maalam rin si Pablo. Mula sa dating tagapag-usig ng Simbahan, ay nakita niya ang liwanag ng katotohanan at naging apostol ni Kristo. Aniya, “dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan … ang kanyang lihim na panukala.”

Pero merong bukod sa pagiging maalam, ay matalas rin. Tulad ni Herodes … matalim ang mata sa mga posibleng karibal. Nangamba siya dahil nabalitaang may bagong silang na sanggol sa Belen. At lalong naging diskumpiyado nang mabalitaang may mga paham na parating upang siya ay parangalan at pagpugayan.

Maalam ang mga paham. E di ba ito ibig sabihin ng paham? Pero hindi lang sila maalam at matalas … mapagmatyag at mapagsiyasat rin … Nang malamang may ibang balak ang haring inggitero, nag-iba sila ng landas. Disin sana ay naging Gestapo sila, secret police na nagbigay ng impormasyon tungkol sa most wanted child alive, better dead!

Ang lipunan natin ay pinamumugaran ng sandamakmak na maalam. Magaling silang pumeke ng pirma. Magaling silang magtago ng pera ng bayan. Madulas ang mga NGO na nakapag-iimbento ng mga proyekto. Matalas ang mga legislador na wala raw kinalaman sa pagkawaldas ng pera, pero naglalakihan ang mga bahay dito, doon, at doon pa sa malalayong bansa.

Matatalino ang mga kandidatong tatlong taon pa ay gumagawa na ng paraan upang sila ang manalo. Di ba’t ito ang dahilan kung bakit 57 katao ang minasaker sa Mindanao na hanggang ngayon ay wala pang kalutasan?

Si Isaias ay maalam. Si Pablo ay naging paham, bagama’t sa simula ay makitid ang isipan at naging taga-usig ng mga Kristiyano. Ang mga Mago ay di hamak na maalam rin. Pero may kaibahan ang maaalam lamang at ang taong mapagsiyasat, mapagmasid, marunong at may tamang pagpapasya. Hindi talino ang kailangan dito, kundi pag-ibig sa Diyos, at pagmamalasakit sa kapakanang pangkalahatan.

May hangganan ang katalinuhang makamundo. Naagnas rin si Herodes. Namatay ang mga mamamatay-taong tulad nina Idi Amin, Hitler at iba pa. At bagama’t patuloy na kinamumuhian ang Simbahan, kahit kaming mga pari ay hindi nagtagumpay ibagsak ito.

May dalang aral para sa atin ang mga Mago. Dapat maging higit sa matalino at maalam. Kailangan ng karunungang espiritwal at makalangit. Hindi sapat ang maging matalas, madulas, at matikas. Kailangan higit sa lahat ng dunong mula sa itaas.

Ito ang wastong pagkilala at tamang pagpapasya … ang malaman kung ano ang tama at dapat, at ang matutong gumawa ayon sa tama at nararapat.

Huwag tayon manatiling mga tuso na para lamang matsing. Maging maalam, marunong, mapagmasid, mapagsiyasat, at mapag-kilatis. Alamin ang tama at dapat. At gawin kung ano ang tama at dapat ayon sa wastong pagkilala at pagkilatis, sa liwanag ng tala ng paggagabay ng Diyos!

No comments:

Post a Comment