Ikatlong Linggo Taon A
Enero 26, 2014
IWAN, IWANAN, AT SUNDIN!
Balik na naman tayo kay Isaias … propeta ng liwanag sa
karimlan … Hula niyang ang mga lugar tulad ng Zabulun at Neftali, na dati’y
nalugmok sa kahihiyan at kadiliman, ay mabubunyag bilang tampulan ng liwanag.
Hindi lang isang beses natin ito narinig bago mag-pasko at sa buong panahon ng
pasko.
Natupad ang kanyang hula nang si Jesus ay lumisan sa
Nazaret, at nagpunta sa Capernaum, malapit sa teritoryo ng Zabulun at Neftali.
Iniwan ni Jesus and Nazaret. Nilisan niya ang lugar ng kanyang pagkabata, dahil
sa isang misyong hindi niya maiwanan, yaman at atang sa kanyang balikat ng
Kanyang Amang makalangit.
Nang panahong iyon, mga estudyante ang naghahanap ng
susundan, naghahanap ng guro na palilibutan. Sa pagkakataong ito, hindi
estudyante and naghanap. Ang Panginoon mismo ang siyang naghanap at tumawag.
Madali ang pagsunod ng tinawag. Hindi katulad ng mga batang
pag ayaw sumunod sa magulang ay nagbibingi-bingihan. Mahirap sa mga bata ang
iwan ang laro, ang pinakagustong gawin lagi ng bata. Mahirap rin sa mga bata
ang iwanan sa iba ang mga laruang pinakamamahal. Mahirap lisanin kaninuman ang
mga bagay na pinahahalagahan. At lalung mahirap sundin ang isang naghihimok na
iwan ang nakagawian at iwanan ang lahat para sa kanya.
Araw ng disipulo ngayon. Dumating si Jesus, na ang hanap ay
tagasunod. Nakita si Pedro at Andres. Tinawag at kagyat tumalima. Walang
pasubali. Walang “teka muna.” Walang “mamaya na.” Walang atubili.
Nakita sina Santiago at Juan. Tinawag rin. Hinikayat iwan at
iwanan ang lahat. Kagya’t ring sumunod. Walang tanong-tanong. Walang “puede
bang sa ibang araw na lamang?”
Marami tayong dahilan. Kapag ayaw maraming dahilan; kapag
gusto maraming paraan. Kapag kapartido, walang masama at labag sa batas; kapag
kalaban, lahat ay illegal at labag sa batas ng bayan.
Mahirap iwan ang komportableng pamumuhay. Mahirap iwanan ang
gamit na kinahumalingan, ang mga taong nagpapataba ng puso natin.
Pero malinaw pa sa sikat ng araw, na ang mga disipulo nang
tinawagan, ay kagya’t kumilos ay lumisan. Iniwan ang lahat; iniwanan ang mga
kagamitan at lahat. Dalawang paglisan ang tinupad ng mga disipulo: iniwan ang
pamilya, at iniwanan ang trabaho, ang makapagbibigay sa kanila ng seguridad o
katiyakan sa hinaharap.
Pahiya na naman kaming mga pari dito. Hirap kaming iwan ang
kinagawian. Hirap rin kaming iwanan ang mga kinasanayan. Hirap kaming lumisan
upang humayo at mangaral ng mabuting balita kung saan kami kinakailangan.
Pero ito ang turo ng Linggong ito – ang diwa ng tunay na
pagiging disipulo …
Ang iwan ang lahat … ang iwanan ang mga kinasanayan, at ang
paglisan, tulad nang paglisan ng Panginoon sa Nazaret, upang maghatid ng
liwanag sa Zabulun at Neftali, at hanggang sa dulo ng daigdig.
Handa ba tayong iwan, iwanan, at lisanin ang lahat? Hindi
lang kaming mga pari ang tinatawagan dito, kundi pati mga layko … sapagka’t
lahat tayo ay tinatawagan upang maghatid ng mabuting balita hanggang sa dulo ng
daigdig … hanggang saw akas ng panahon.
Sacred Heart Novitiate
Lawaan, Talisay City, Cebu
January 23, 2014
No comments:
Post a Comment